VERA FILES FACT CHECK: HINDI inutos ni Marcos na sibakin, ipakulong o paalisin sa Pinas si Sen. Robin


(Editor’s Note: Unang inilathala ang fact-check na ito sa Ingles noong Oct. 8, 2023.)

Maraming YouTube video ang nagsasabing inutos ni Pangulong Bongbong Marcos na tanggalin sa Senado, ipakulong o paalisin sa Pilipinas si Sen. Robin Padilla. Hindi totoo ang mga ito.  

Ang mga kasinungalingang video na ito ay mga clickbait lang na nagpakita ng pagdinig ng Senado noong Sept. 12, kung saan kinuwestiyon ni Sen. Robin ang presensiya ng America sa West Philippine Sea.

Unang inupload noong Sept. 14, isa sa mga video ang may headline na:

“BUMALIKTAD SA CHINA! PBBM SINIBAK SI ROBIN! PABOR LUMUSOB AMERICA! PH NAVY SINUPALPAL SI PADILLA!” 

Hindi nagbigay ng kahit anong patunay ang video. Pinakita lang nito ang pagkuwestiyon nina Sen. Robin at Sen. Bato dela Rosa sa mga opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG) tungkol sa presensiya ng eroplano ng America sa mga resupply mission ng barkong BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Isa pang video na inupload naman noong Sept. 15 ang umulit ng parehong kasinungalingan:

“CHINA TATLONG ARAW NA GYERA! PBBM PAYAG TUMULONG AMERICA! TINANGGAL SI ROBIN! SINUPALPAL NG SENADO!” 

Hindi rin nagbigay ng kahit anong patunay ang video na ito. Pinakita lang nito ang pagsalungat  ni Senate President Migz Zubiri kay Sen. Robin. Sabi ni Sen. Zubiri, ang presensiya ng mga kakampi ng Pilipinas sa West Philippine Sea ay nakatutulong para palakasin ang karapatan ng Pilipinas sa 200-nautical-mile exclusive economic zone. 

Isang linggo ang lumipas, noong Sept. 21, isa na namang kasinungalingang video ang nagsasabing inutos ni Marcos na ipakulong si Sen. Robin: 

“BUMALIKTAD SA CHINA! PBBM KULONG ANG HATUL! TUDAS SI PADILLA! SIBAK NASA PWESTO! KAKAPASOK LANG!” 

Hindi na naman nagbigay ng kahit anong patunay ang video. Pinakita lang nito ang pagsabi ni Sen. Robin noong 2017 sa SM North EDSA na hindi kasalanan ng China ang pagtayo nila ng mga artipisyal na isla sa West Philippine Sea.

Pinakita rin ang interview ni Karen Davila kay PCG Spokesperson Jay Tarriela noong Sept. 24 sa programang Headstart ng ANC. 

Panghuli, noong Sept. 24, isa muling kasinungalingang video ang nagsabing pinaaalis sa Pilipinas si Sen. Robin. Nasa thumbnail si Marcos, dating pangulong Rodrigo Duterte at Sen. Robin habang nakasulat ang: “IKAW PALA ANG TRAYDOR. NASAMPULAN SI ROBIN LUMAYAS KA SA PINAS!”

Hindi ulit nagbigay ng kahit anong patunay ang huling kasinungalingang video. Pinakita lang nito ang mga balita ng Bombo Radyo noong Sept. 22 at 23 at komentaryo ni Mike Abe ng SMNI tungkol sa pagpuna ni Sen. Robin sa presensiya ng Amerika sa West Philippine Sea. 

Inupload ng Boss Balita TV, BALITA NI JUAN at Philippines Trending News, mga YouTube channel na na-fact-check na rin noon, ang sunud-sunod na mga kasinungalingang video. Nakakalap ang mga videos na ito ng 1.2 million views, 20,000 likes at 15,000 comments.

May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).

(Editor’s Note: Nakikipagtulungan ang VERA Files sa Facebook para labanan ang pagkalat ng maling impormasyon. Alamin ang iba pang tungkol sa partnership na ito at ang pamamaraan namin.)



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!