(Editor’s Note: Unang inilathala ang fact-check na ito sa Ingles noong Oct. 23, 2023.)
May mga video na kumakalat sa YouTube at Facebook (FB) na nagsasabing ipinababawi ng gobyerno ang lupang tinitirahan ng Socorro Brigade Services Inc. (SBSI) sa Surigao del Norte at nagpadala ng mga sundalo roon. Nakapanliligaw ang mga video na ito.
Itinigil kamakailan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang kasunduang paggamit ng lupa ng SBSI. Pero hindi nagpadala ang sinumang opisyal ng gobyerno ng mga sundalo sa baryo ng pinaghihinalaang kulto.
Ini-upload noong Oct. 11, mahigit isang linggo matapos itigil ng DENR ang kasunduan sa SBSI, isa sa mga nakaliligaw na video ang nagsabing:
“Hala Gobyerno BABAWIIN NA ang LUPANG INANGKIN ni SENIOR AGILA DENR AT SUNDALO PINALULUSOB sa SBSI.”
Ang thumbnail ng video ay may litrato ni Pangulong Bongbong Marcos na ipinagmumukhang hawak niya ang utos na dokumento.
Isa pang video na ini-upload naman noong Oct. 17 ang may pamagat na:
“GOODNEWS! Gobyerno Binawi ang Lupang inangkin ni Senior Agila DENR Sundalo Winasak ang Kulto SBSI.”
Ginamit din nito ang parehong litrato ni BBM at may dagdag na caption na:
“NILUSOB ANG SBSI. ITO ANG NAKAKAKILABOT NA UTOS SA PANGULO. UBUSIN ANG KULTO!”
Pero kapag ni-reverse image search ang litrato, matutuklasang walang hawak na anumang dokumento si BBM sa orihinal na litratong ini-upload ng Inquirer.net noong March 24.
Note: Pindutin ang mga litrato para makita ang totoong kopya at konteksto.
Noong Sept. 29, itinigil ng DENR ang Protected Area Community-Based Resource Management Agreement nito sa SBSI dahil sa paglabag grupo sa mga napagkasunduan, gaya ng pag-restrict ng pagpasok sa lugar, pagtatayo ng mga gusali, paglalagay ng mga checkpoint at pagsasagawa ng mga mala-pansundalong pagsasanay.
Ang kasunduang pinirmahan noong 2004 ay pinayagan ang SBSI na paunlarin at pangalagaan ang 353 ektarya ng protektadong lupa sa kabundukan ng Sitio Kapihan. Mula noon ay ginawa nang baryo ng SBSI ang lugar para sa mahigit tatlong libo nitong miyembro.
Pero hindi iniutos ni BBM o ninumang opisyal ng gobyerno na sugurin ng mga sundalo ang baryo ng SBSI.
Sa pagdinig ng Senado noong Oct. 4, iminungkahi lang ni Sen. Bato dela Rosa na dapat nagpatulong ang DENR sa mga sundalo o pulis noong unang beses pa lang noong 2019 nang minatyagan ng DENR ang mga kahina-hinalang gawain ng SBSI.
Sabi ni Bato:
“The first attempt pa lang sana noong mga tao mo na pumasok doon tapos binawalang pumasok, kung lumapit ka na kaagad sa [Philippine National Police] o kaya sa Philippine Army doon, nagpatulong ka to assert your power as a regulating agency, baka hindi na lumala ang sitwasyon.”
Source: Senate of the Philippines YouTube channel, “Committee on Finance (Subcommittee “B”) (October 4, 2023),” Oct. 4, 2023
Sa parehong pagdinig, sinabi ni DENR Secretary Antonia Yulo-Loyzaga na walang utos na ilipat ang mga residente ng Sitio Kapihan habang patuloy ang imbestigasyon sa mga hinihinalang ilegal na gawain ng SBSI.
Naglunsad ang Senado at Department of Justice ng mga imbestigasyon sa mga hinihinalang abuso ng SBSI, kasama ang pagkakasal sa mga bata, sapilitang pagtatrabaho at pisikal na pang-aabuso.
Ini-upload ng mga YouTube channel na Pinas Watcher at PINAS NEWS INSIDER, ang mga nakapanliligaw na video ay nagkaroon ng kabuuang 678,845 views. Ang video ay ipinost din ulit ng FB page na Pinas Watcher.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
(Editor’s Note: Nakikipagtulungan ang VERA Files sa Facebook para labanan ang pagkalat ng maling impormasyon. Alamin ang iba pang tungkol sa partnership na ito at ang pamamaraan namin.)