VERA FILES FACT CHECK: HINDI nagpaputok ng mga warning shot ang Pilipinas laban sa mga barko ng Chinese Navy sa Subic


(Editor’s Note: Unang inilathala ang fact-check na ito sa Ingles noong Oct. 25, 2023.)

Isang video na kumakalat sa YouTube at Facebook ang nagsasabing nagpaputok ng mga warning shot ang mga barko ng Pilipinas laban sa dalawang barko ng Chinese Navy habang papalapit sila sa Subic Bay noong Oct. 20. Walang patunay ang sabi-sabing ito.

Sabi sa pamagat ng video:

“Kumaripas Ng takbo! Chinese navy pinaputukan ng pinas matapos agresibong lumapit sa subic.”

Walang mga ulat mula sa Armed Forces of the Philippines, Philippine Navy o media tungkol sa pangyayari.

Inilabas ang video limang araw pagdaong sa Subic Bay ng mga luxury cruise ship mula China, matapos ang tatlong taong hiatus o hindi pagpapadaong sa mga luxury cruise ship sa bansa.

Noong Oct. 10, sinabi ng Chinese Coast Guard na pinaalis nila ang isang bangka ng Philippine Navy na rumoronda sa Scarborough Shoal. Sinabi naman ni AFP Chief Gen. Romeo Brawner Jr. na kasinungalingan ang sabi-sabi ng Chinese Coast Guard, na tinatawag niyang “propaganda ng Beijing”.

Ang pinakahuling girian sa pagitan ng mga barko ng China at Pilipinas ay nangyari noong Oct. 22 sa Ayungin Shoal habang may isa na namang resupply mission sa BRP Sierra Madre. Isang barko ng Chinese Coast Guard ang bumangga sa isang lokal na bangka at isang barkong militar ng China ang bumangga sa barko ng Philippine Coast Guard, ayon kay Jay Tarriela, spokesperson ng Philippine Coast Guard.

Ipinost ng YouTube channel na Terong Explained (ginawa noong Oct. 6, 2015) at ini-upload ulit ng isang netizen sa Facebook, ang video ay nagkaroon ng kabuuang 171,215 interactions.

May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).

(Editor’s Note: Nakikipagtulungan ang VERA Files sa Facebook para labanan ang pagkalat ng maling impormasyon. Alamin ang iba pang tungkol sa partnership na ito at ang pamamaraan namin.)





Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!