(Editor’s Note: Unang inilathala ang fact-check na ito sa Ingles noong Sept. 29, 2023.)
Ilang netizen ang nagpakalat ng video ng pagsabog daw ng Bulkang Taal noong Sept. 21. Hindi ito totoo.
“As of Today Sept. 21 ito na po ang itsura ng bulkan keep safe po sa mga malalapit na area,” sabi sa video na inupload sa TikTok noong araw na iyon.
Ito ay lumang video, ayon sa Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division (VMEPD) ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Noong Sept. 25, naka-email ng VERA Files si Ma. Antonia Bornas, chief senior research specialist ng Phivolcs. Sabi niya, ang mga kumakalat na video ay siguradong nakuhanan noong simula ng pagsabog ng Bulkang Taal noong 2020, kung kailan nalagas ang mga halaman sa isla ng Taal.
Ang Bulkang Taal ay nagbuga ng usok, abo at lava noong Jan. 12, 2020. At noong mga sumunod na araw at linggo, binalutan ng bulkan ang paligid nito ng makapal na abo na pumatay sa mga halaman at hayop sa isla ng Taal.
Sa side-by-side comparison, makikitang ang kumakalat na video ay may abo at usok na makikita sa iba pang video ng pagsabog ng Bulkang Taal noong 2020.
Note: Pindutin ang mga larawan para makita ang totoong pinagmulan ng mga video.
Samantala, usok lang at hindi abo ang natala ng Phivolcs mula sa Bulkang Taal noong Sept. 21. Sa Facebook livestream ng Talisay, Batangas mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon noong Sept. 21, hindi nagbuga ang Bulkang Taal ng kasingkapal na usok gaya noong January 2020.
Note: Pindutin ang mga larawan para makita ang totoong pinagmulan ng mga video.
Natunton ng VERA Files ang anim na Facebook Reels, tatlong Instagram Reels at tatlong TikTok posts na muling nagpakalat ng lumang video ng pagsabog ng Bulkang Taal. Ang mga video na ito ay nagka-1.84 million interactions.
Umikot sa Facebook ang lumang video ilang oras matapos magbabala ang Phivolcs tungkol sa vog o volcanic smog na dulot ng Bulkang Taal.
Noong Sept. 24, ibinalita ng Phivolcs na ang Bulkang Taal ay nasa Alert Level 1 o mababang pagkabahala (low-level unrest). Babala ng Phivolcs, puwedeng magbuga ang bulkan ng biglaang steam o steam-blast explosion, volcanic na lindol, manipis na ashfall, at nakalalasong hangin.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
(Editor’s Note: Nakikipagtulungan ang VERA Files sa Facebook para labanan ang pagkalat ng maling impormasyon. Alamin ang iba pang tungkol sa partnership na ito at ang pamamaraan namin.)