VERA FILES FACT CHECK: Mga nagpapanggap na ‘Power Mac Center’ nag-post ng mga PEKENG ad para sa smartwatch


(Editor’s Note: Unang inilathala ang fact-check na ito sa Ingles noong Oct. 18, 2023.)

Maraming Facebook page na nagpapanggap na mga authorized Apple reseller ang gumagamit ng parehong modus ng ibang manloloko para magbenta ng smartwatch.

Ipinost nitong October, sinasabi ng mga pekeng ad na ni-launch ng Power Mac Center ang Smartwatch GT20 Ultra at dinumog ng napakaraming tao ang isa sa mga branch nito, kung saan na-injure ang ilang mamimili. Ang mga pekeng ad ay may mga litrato ng launch daw at may caption na:

“Kahapon, opisyal nang inilunsad ng Power Mac Center ang Smartwatch GT20 Ultra na iniangkat mula America at mabibili sa napakamurang espesyal na presyo sa Pilipinas, PHP 1,099 lang kada unit (PHP 2,199 kada dalawang unit) sa pagbubukas ng pansampung branch sa Greenbelt Mall. Dahil masikip ang event, nagdulot ng congestion at pagpupumilit, maraming customer ang hindi nakabili at nahimatay pa dahil sa kakulangan ng oxygen.”

Dagdag pa ng mga manloloko: Dahil sa insidente, gagawing available ng Power Mac Center ang smartwatches sa centercitymall.shop, powermaccenter.shop, powermaccenter-ph.site, powermaccenter-ph.asia at powermaccenter-asia.click.

Wala sa mga ito ang totoong website ng Power Mac Center (powermaccenter.com). Sa halip, ang mga website na inilista ng mga manloloko ay namimingwit lang ng personal na impormasyon.

Hindi nagbebenta ng GT20 Ultra smartwatch ang Apple o Power Mac Center. Ang smartwatch ng Apple ay tinatawag na Apple Watch.

Nagbabala rin ang Power Mac Center laban sa mga pekeng ad.

Para lalong lokohin ang mga netizen, ang mga pekeng ad ay nagpakita ng mga litrato ng mga na-injure o nahimatay. Pero ang mga litrato ay galing sa ibang mga pangyayari sa ibang mga bansa.

Note: Pindutin ang mga litrato para makita ang totoong kopya at konteksto.

May dalawang litrato pa ng mga babaeng nahimatay na ipinakita rin sa mga aircon scam na pinasinungalingan din ng VERA Files Fact Check nitong April at May.

Ang mga kumakalat na panloloko ngayong buwan ay mga binagong version lang ng aircon scam, na gumamit ng modus na nagsasabing ito rin daw ay dinumog noong ini-launch at saka binenta online.

Ang mga pekeng ad para sa GT20 Ultra ay lumabas wala pang isang buwan matapos i-launch ng Apple ang iPhone 15.

Ang mga bagong-gawang impostor na Facebook page gaya ng Power Mac Center (ginawa noong Aug. 21 bilang ION 5D Pants – Japanese Authentic), Power Mac Center (Oct. 12), SM Mall of Asia Complex PH (Oct. 13), Power Mac Center (Oct. 10), Kristel Fulgar (Oct. 12), PОwer MaС СЁnter. (Oct. 11) at Jane Chuck (Oct. 11 bilang SM Mall of Asia) ang nagpakalat ng mga pekeng ad. Sa kabuuan, ang mga pekeng ad ay nagka-1,953 reactions, 649 comments at 134 shares.

May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).

(Editor’s Note: Nakikipagtulungan ang VERA Files sa Facebook para labanan ang pagkalat ng maling impormasyon. Alamin ang iba pang tungkol sa partnership na ito at ang pamamaraan namin.)



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!