(Editor’s Note: Unang inilathala ang fact-check na ito sa Ingles noong Nov. 20, 2023.)
Mga pekeng website ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nangangako ng ayuda para sa mga walang trabaho ang kumakalat ulit ilang araw pagtapos iulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na may 2.26 milyong Pinoy ang walang trabaho noong nakaraang buwan.
Peke ang mga website na ito. Itinakwil ng DSWD ang mga website at sinabing hindi totoo ang mga kumakalat na link.
“Ang DSWD ay walang pinapasagutang survey questionnaire kapalit ng unemployment financial assistance,” paglilinaw ng DSWD noong Nov. 14.
Nitong November, shinare ng mga netizen sa Facebook at FB Messenger ang mga link sa mga website na may pamagat na “Department of Social Welfare and Development – Unemployment Financial Assistance”.
Ang mga website ay may logo ng DSWD Field Office 12 at litrato ng kanilang opisina mula sa Philippine News Agency.
Panloloko ito. Ginamit nito ang parehong modus na napasinungalingan na ng VERA Files Fact Check. (Basahin: ‘Mercury Drug’ P7k medical subsidy is FAKE)
Gaya ng iba pang scam website, hinihingi nito sa mga netizen na kompletuhin ang maikling survey para sa pagkakataong manalo ng P7,000. Pagkatapos “manalo”, sinasabi sa mga netizen na i-share ang mga link sa mga kaibigan nila sa FB at ibigay ang personal nilang impormasyon. Ipadadala raw ang ayuda sa loob ng lima hanggang pitong araw matapos makumpleto ang mga hakbang.
Ilang beses nang pinasinungalingan ng VERA Files Fact Check ang mga panloloko na kagaya nito, mula sa mga “ayuda” ng gobyerno hanggang sa mga “anniversary giveaway” ng mga pribadong kompanya.
Ang panlolokong ayuda para sa mga walang trabaho ay kumalat ulit pagkatapos ilabas ng PSA ang resulta ng Labor Force Survey noong Nov. 8. Ayon sa ulat, kumaunti ang mga Pinoy na walang trabaho noong September kompara sa 2.5 milyon noong September 2022. Pero mas maraming Pinoy ang walang trabaho noong September kompara sa 2.21 milyon noong August.
Ang mga scam na cash giveaway ng mga pekeng website ay kumalat din sa Africa, India at Indonesia.
Ang mga shinare na link sa FB ay may domain names na M.SUBSIDIZEPROTOTYPE.TOP, JOLVAZMCPIF.SUPERSTITIOUSCENSUS.TOP, M.SYNDROMEOBSESSIVE.TOP, DPOAMNMXY.SPACECATHOLIC.TOP, JVMFFSNW.SECONDARYDEPICTION.TOP at TMJHRHGB.REVISIONROTATE.TOP. Ang mga ito ay nagreredirect naman sa website na rh2nl6.cfdn, huog5c.cfd, at bbl5drz.cn.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
(Editor’s Note: Nakikipagtulungan ang VERA Files sa Facebook para labanan ang pagkalat ng maling impormasyon. Alamin ang iba pang tungkol sa partnership na ito at ang pamamaraan namin.)