Kumakalat sa Facebook ang mga picture ni Pope Francis na nakikipag-party. Ang mga picture ay gawa gamit ang artificial intelligence o AI.
Noong Jan. 10, may Facebook page na nag-upload ng anim na picture ni Pope Francis na nakikipag-inuman at nakikipaghalikan pa nga sa isang party.
May mga pumuna kay Pope Francis dahil napaniwala ng mga pekeng picture, habang may mga naglinaw na gawa nga ng AI ang mga picture.
Ang mga picture ay peke at mula sa Facebook group na Cursed AI kung saan ang mga kasali ay nagshe-share ng mga content na gawa ng AI.
Noong January 1, ini-upload ni Ed Haas sa Facebook group ang anim na pekeng picture at may caption na:
“Partying with Pope Francis on New Year’s Eve.”
Sa comments section ng post, kinumpirma ng nag-upload na ang mga picture ay gawa ng AI generator na Midjourney.
Karamihan sa mga picture ay may baluktot na kamay at iba pang bahagi ng katawan, na karaniwang pagkakamali sa mga picture na gawa ng AI.
Ginamit rin ng VERA Files ang AI detector na Hive Moderation, kung saan lumabas na napakataas ng tsansang gawa ng AI ang mga picture.
Ang iba pang picture ni Pope Francis na gawa ng AI ay kumalat din kamakailan at pinasinungalingan ng mga fact–checking organization.
Noong World Day of Peace, si Pope Francis mismo ay nagbabala laban sa mga panganib ng AI. Inudyok niya ang global community na gumawa ng kasunduang magbabantay sa paggawa at paggamit ng maraming klase ng AI.
Ang mga pekeng picture na in-upload ng Facebook page na Biblia Ang Basihan sa kamatuoran (ginawa noong May 18, 2022 bilang Biblia Ang Basihan) ay may higit 290 reactions, 760 comments at 1,000 shares.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
(Editor’s Note: Nakikipagtulungan ang VERA Files sa Facebook para labanan ang pagkalat ng maling impormasyon. Alamin ang iba pang tungkol sa partnership na ito at ang pamamaraan namin.)