(Editor’s Note: Unang inilathala ang fact-check na ito sa Ingles noong Oct. 7, 2023.)
Ilang Facebook (FB) page at group na gumagaya sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nag-upload ng mga listahan ng mga napiling beneficiary at online registration daw para scholarship program ng DSWD. Peke ang mga ito.
Inupload noong Sept. 30, ang mga post ay may tatlong set ng mga listahan ng higit sandaang estudyanteng tatanggap daw ng tigpipitong libong piso.
Tinuruan pa ng mga pekeng page at group ang ibang mga aplikante na mag-message sa kanila para ma-register agad. Ilang netizen ang naloko; karamihan ay nagtanong kung paano sumali at nag-comment ng pangalan ng mga anak nila, umaasang makuha ang allowance.
Ang mga page at group na ito ay hindi konektado sa DSWD. Kasalukuyang walang scholarship program ang DSWD at hindi rin sila nagsasagawa ng online registration para dito.
Ang mga listahan sa mga post ay nagpapakita ng mga pangalan ng mga beneficiary ng Student Financial Assistance Programs (STUFAPs) ng Commission on Higher Education (CHED).
Dalawa sa mga listahan ay ini-upload ng FB page ng STUFAPs CHED National Capital Region noong June 19 at July 10.
Kamakailan ay sinabi sa VERA Files ng isang opisyal ng DSWD na ang ibinibigay ng ahensya ay educational assistance at hindi scholarship.
(Basahin: Faux ‘DSWD’ page fools netizens with FAKE scholarship announcement)
Ang mga estudyanteng nagtatrabaho, anak ng mga nakabilanggo, at biktima ng abuso at kalamidad ay puwedeng makakuha ng educational assistance sa programang Assistance to Individuals in Crisis Situation ng DSWD.
Noong August, inilunsad din ng DSWD ang Tara, Basa!, isang educational assistance program kung saan ang mahihirap na estudyante sa kolehiyo ay nagsisilbing tutor ng mga estudyanteng nahihirapan sa mga aralin. Nakatatanggap sila “cash-for-work” sa ilalim ng programa.
Ang mga pekeng post ay kumalat noong mismong araw na dinaos ng DSWD ang isang learning session ng Tara, Basa! sa Marikina.
Kasama ng mga kumalat na pekeng post ang links sa mga website na may domain name na dswd-ayuda-new-updates.blogspot.com at libreng-ayuda-2022.blogspot.com.
Ini-report na ng VERA Files ang libreng-ayuda-2022.blogspot.com, na pinatatakbo ng blogger na si AXIE, dahil sa paulit-ulit na pagpo-post ng mga pekeng announcement ng DSWD.
(Basahin Impostor DSWD page posts FAKE ‘ayuda’ for registered SIM card users)
Ang mga pekeng FB pages gaya ng DSWD educational cash assistance (ginawa noong Aug. 17, 2022 bilang DSWD DEPED CHED Scholarship), DSWD Scholarship Program (Aug. 12, 2022 bilang DSWD Scholarship Program 2022) at DSWD P10K AYUDA Registration (Dec. 15, 2021) ang nag-post ng mga pekeng registration.
Ipinakalat din ang mga ito sa mga FB group gaya ng Fds member and pay out 2023/2024 (July 10, 2023 bilang 4ps pantawid program), LIBRENG PABAHAY PROGRAM (June 7, 2023) at DSWD NEWS AND UPDATE (Dec. 21, 2020). Sa kabuuan, ang mga post na ito ay nagka-1,032 reactions, 806 comments at 1,791 shares.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
(Editor’s Note: Nakikipagtulungan ang VERA Files sa Facebook para labanan ang pagkalat ng maling impormasyon. Alamin ang iba pang tungkol sa partnership na ito at ang pamamaraan namin.)