VERA FILES FACT CHECK: PEKENG ulat sa cryptocurrency platform, kumakalat ulit


(Editor’s Note: Unang inilathala ang fact-check na ito sa Ingles noong Oct. 12, 2023.)

Isa na namang website na gumagaya sa The Manila Times ang nag-post ng kuwentong inirerekomenda raw ni dating Finance secretary Carlos Dominguez III ang isang cryptocurrency trading program. Pag-uulit lang ito ng isang sinungaling na kwento.

Ilang Facebook user at isang page ang nagpakalat ng link sa website noon pang Oct. 3. Mayroon itong artikulo sa interview raw ng TV Patrol kay Dominguez, kung saan ipinakita niya umano kung paano ginagawa ng cryptocurrency platform na BTC Ai Urex 2.0 na milyonaryo ang mga Pinoy sa loob lang ng tatlo hanggang apat na buwan.

Bungad ng kuwento:

“ESPESYAL NA ULAT: Pinakabagong Pamumuhunan ni Carlos Dominguez, Kinamanghaan ng mga Dalubhasa at Kinatakutan ng Malalaking Bangko!”

Nagbigay rin ang artikulo ng “step-by-step” na gabay kung paano mag-deposit ng pera sa plataporma para kumita.

Hindi naglathala ang The Manila Times ng nasabing kuwento. Ang pekeng kuwentong ito ay ginamit na sa mga dating panloloko; binago lang ang pangalan ng plataporma pati ang personalidad at organisasyon ng media na inimpostor.

Inupload ang pekeng ulat sa isang website na may domain name na nrebkloak.digital, hindi sa opisyal na website ng The Manila Times (manilatimes.net).

Note: I-click ang larawan para makita ang orihinal na source.

Noong 2020, nagbabala ang Department of Finance tungkol sa isang “cryptocurrency auto-trading platform” na ginamit din si Dominguez para mang-akit ng mga namumuhunan.

Ang laman ng kumakalat na ulat ay halos pareho sa isa pang scam na si Manny Pacquiao naman ang ginawang endorser noong August. Pinalitan lang nito ang pangalan at mga larawan ni Pacquiao at ginawang kay Dominguez.

(Basahin: VERA FILES FACT CHECK: Bogus site resurfaces FAKE story endorsing a ‘bitcoin trading platform’

Ayon sa cybersecurity firm na Kaspersky, Pilipinas ang pangalawang pinakana-atakeng bansa sa Southeast Asia noong nakaraang taon pagdating sa crypto-phishing (24,737 kaso).

Dalawang sikat na Pinoy at iba pang indibidwal ang nagsampa ng reklamo ngayong buwan laban sa isang cryptocurrency group dahil sa ’di umano’y panloloko sa kanila na mamuhunan ng nasa walong milyong piso.

Ilang netizen at Facebook page ng Turkish actress na si Hazal Filiz Küçükköse (ginawa noong June 11, 2010) ang ilan sa mga nagpakalat ng link.

May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).

(Editor’s Note: Nakikipagtulungan ang VERA Files sa Facebook para labanan ang pagkalat ng maling impormasyon. Alamin ang iba pang tungkol sa partnership na ito at ang pamamaraan namin.)



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!