(Editor’s Note: Unang inilathala ang fact-check na ito sa Ingles noong Nov. 17, 2023.)
Isang YouTube video ang nagpapakita umano ng eroplanong pandigma na ipinadala raw ng Japan sa West Philippine Sea (WPS) para suportahan ang Pilipinas sa lumalalang tensiyon nito laban sa China. Hindi ito totoo.
Ang mga clip sa video ay mula sa joint military exercise ng mga sundalo ng Japan at America noong March sa dagat ng Japan, hindi sa WPS.
Ini-upload noong Nov. 11, ang 98-segundong video ay nagpapakita ng pitong eroplanong pandigma na lumilipad nang may formation. May nakalagay na “breaking news” sa thumbnail na nagpapakita ng mga eroplanong pandigma na inedit para magmukhang may mga watawat ng Japan at Pilipinas. Binigyan ito ng headline na:
“CHINA VS PILIPINAS JAPAN BUMANAT NA PART2! PHILIPPINE VINES BREAKING NEWS VIRAL.”
Sinabi rin ng video na ipinadala raw ng Japan ang mga eroplanong pandigma nila sa WPS bilang tugon sa pagbomba ng tubig ng Chinese Coast Guard (CCG) sa barko ng Pilipinas na nagdadala ng mga gamit sa Ayungin Shoal nitong Nov. 10.
Binaligtad ng pekeng video ang mga clip mula sa YouTube video na orihinal na ini-upload ng Ministry of Defense ng Japan noong March 17. Nakasulat sa Japanese ang caption na “Japanese and American joint training (during flight).”
Ini-upload din sa Twitter ng Japan Air Self-Defense Force ang litrato ng parehong pagsasanay ng kanilang eroplanong pandigma na F-15 at F-16 ng U.S. Air Force.
Layunin ng pagsasanay na ipakita ang mabilis na kahandaang tumugon ng Japan at Amerika sakaling may mangailangan ng tulong, at mga kakayahan ng pinagsamang lakas ng dalawang bansa.
Note: Pindutin ang larawan upang makita ang orihinal na source
Ang maling video ay inupload isang araw pagkatapos magsagawa na naman ng mga mapanganib na galaw ang CCG at Chinese Maritime Militia para pigilan ang barko ng Pilipinas na nagdadala ng mga supply sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ini-upload ng Ella Vloggs (ginawa noong Feb. 15, 2019) ang maling video na may higit 61,950 views. Ang YouTube channel na ito, na may 305,000 subscribers, ay paulit-ulit na nagpapakalat ng mga maling impormasyon tungkol sa militar.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
(Editor’s Note: Nakikipagtulungan ang VERA Files sa Facebook para labanan ang pagkalat ng maling impormasyon. Alamin ang iba pang tungkol sa partnership na ito at ang pamamaraan namin.)