Nakapanood ka na ba ng mga transformation videos, ‘yong lalaki tapos hahawakan lang siya ng isa pang lalaki tapos magiging babae o bakla siya?
Akalain mo, magpapalit ng anyo ang isang straight na lalaki at magiging bakla: magsusuot ng silicone na pekeng suso, nakadamit babae, ngunguso-nguso at aastang kinikilig. Nag-iiba ng hitsura, nagiging katawa-tawa. Sasabayan pa ng linyang “Huwag mong limutin, pag-ibig sa akin” ni Kyla.
Sa unang nood, nakatatawa ang eksena. Tapos, libo-libo na ang likes at nagkakaroon pa ng kolab sa mga artista tulad nina Kyla at Marian Rivera. Kumita ang plataporma at sumikat ang mga karakter na nagta-transform.
Ang tawag sa gawing ito ay queer-baiting. Isa itong mapanlinlang na gawi at estratehiya sa marketing at content creation kung saan sadyang gumagamit ang mga creator ng mga pahiwatig, romantikong tensiyon o queer na estetika upang makahikayat ng LGBTQ+ na manonood at ng kalakhang publiko na tangkilikin ang kanilang plataporma. Problematiko ito dahil layunin nitong kumita mula sa interes ng queer audience nang hindi naaasiwa ang konserbatibo o homophobic na tagatangkilik.
Ganito ang karaniwang siklo ng queerbaiting. Una, nagbibigay ng mga patikim o pahiwatig ang mga manunulat, artista at influencer. Ikalawa, ginagamit ito sa promosyon at marketing upang makahikayat ng audience. At ikatlo, itinatanggi o minamaliit ng creators ang posibilidad at pagkakataon upang maiangat ang naratibong queer.
Problematiko ang queerbaiting dahil ginagamit nito ang kakulangan ng tunay na representasyon ng LGBTQ+ sa midya para sa kita. Madalas ding gawing biro o katawa-tawa ang queer na damdamin sa halip na seryosohin ito. Bukod dito, napaparamdam nito sa mga tagahanga na parang mali o delulu sila sa pagbasa ng mga pahiwatig na mismong sinadya ng mga influencer.
Sa ganitong sistema, nahuhubog tayo upang sukatin ang ating halaga batay sa pera, kapital at kakayahang maging “marketable.” Ang katawan, relasyon, emosyon at maging opinyon ay nagiging bahagi ng ekonomiya ng likes, shares, followers at engagement.
Nagiging trend ang “Hanggang Ngayon” transformation dahil, aminin man natin o hindi, katatawanan pa rin ang naratibo ng sangkabaklaan. Sino ba naman ang hindi matatawa sa lalaking biglang “naging bakla” dahil lang hinawakan ng isang lalaki ang kanyang kamay? O kaya naman ay nagkabanggaan sila ng isang guwapong lalaki?
Madali kasi itong gayahin at gamitin upang lumikha ng mga naratibong nagmamaliit sa mga bakla. Makapal ang make-up, sobrahan ang kilos at kung anu-ano pang hitsura na inaasahang pagtatawanan ng mga tao. In other words, kailangang papangitin para maging nakakatawa. Samakatuwid, ipinakikitang desperada at kulang sa pansin ang mga bakla. At ang gumagawa no’n, kadalasan ay mga straight na lalaki.
Naalala n’yo ba noong dekada ’90 at maagang 2000s kung paano maraming novelty at comedy songs ang gumagamit ng mga biro laban sa mga bakla at kababaihan? Marami sa mga kantang ito ang naglalaman ng pangungutya at stereotypical na representasyon.
Mayroon ding mga awiting nagpapakita ng misogynistic na pananaw, kung saan itinataas ang cisgender na babae bilang pamantayan ng kagandahan habang minamaliit o inaalipusta ang mga bakla at gender nonconforming na tao.
Dahil sa social media, lahat ng bagay, maging ang pagkatao, ay maaaring gawing produkto at pagkakitaan.
Sa ganitong sistema, nahuhubog tayo upang sukatin ang ating halaga batay sa pera, kapital at kakayahang maging “marketable.” Ang katawan, relasyon, emosyon at maging opinyon ay nagiging bahagi ng ekonomiya ng likes, shares, followers at engagement.
Unti-unting nagiging normal ang paggamit sa mga bakla, ang pagbabakla-baklaan bilang isang brand na kailangang ibenta, i-package at gawing katanggap-tanggap sa madla. Samantala, nasaan ang sangkabaklaan sa mga espasyong ito?
At hanggang ngayon, ganito pa rin tayo. 2026 na.
