Dumagundong sa buong bansa ang panawagan ng higit libo-libong dumalo sa mga pagkilos ngayong Pandaigdigang Araw ng Paggawa kasama ang taas-sahod at pagbaba ng presyo ng bilihin dahil wala nang makain ang samabayanang Pilipino.
Matagumpay ang pagpapakita ng lakas ng National Wage Coalition sa kahabaan ng España Boulevard hanggang Recto Avenue ngayong Mayo Uno. Ang koalisyon ay binubuo ng Kilusang Mayo Uno (KMU), Bukluran ng Manggagawang Pilipino, Nagkaisa Labor Coalition at Trade Union Congress of the Philippines.
Hindi maipagkasya sa isang tanaw ang mga nagprotesta at hindi rin mabilang ang dami ng mga manggagawa mula sa iba’t ibang sektor na naroon, mula sa mga unyonista sa pabrika, mga mabubukid, mga guro sa mga paaralan at mga unibersidad, mga BPO worker, kabataang mag-aaral at marami pang iba.
Anila, magwewelga ang buong bansa kapag patuloy silang isasantabi ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Hindi na nakakapag-isip nang tama ang estado para sa karapatan ng mamamayan dahil sumusunod-sunod na lang ito sa dikta ng US,” sabi ni Mary Ann Castillo, pangkalahatang kalihim ng KMU na nagdiriwang rin ng anibersaryo.
Isa sa mga maugong na panawagan ng sentrong unyon ang pagtigil sa giyera ng US-Israel na siyang itinuturong pangunahing dahilan sa pagtaas ng presyo ng langis, kuryente, bigas at iba pa.
Laking gulat nga ni Marilou Iligan mula Pandi, Bulacan, sa huling singilan matapos makita na ang dating P400 na binabayaran sa kuryente, umabot na sa higit P1,000. Aniya, “Dumoble na ang singil sa kuryente tsaka tubig pero ganoon pa rin sahod.”
“Barat, barya-barya at makunat” o “BBM na sahod” kung tawagin ni Ruby Bernardo, guro at tagapangulo ng Alliance of Concerned Teachers.
Ayon sa Ibon Foundation, walang rehiyon sa Pilipnas ang may minimum wage na hihigit sa buwanang kailangan ng isang pamilya ng lima para makaangat sa kahirapan.
“Ang laban ng manggagawa ay ‘di lang laban sa trabaho at karapatan, laban siya ng buong pamilya,” sabi ni Indy Lazaro ng Glowhrain-Kilusang Mayo Uno na kasangga ng unyon ng mga manggagawa ng Kowloon House.
May limang taon nang nag-oorganisa ng mga obrero si Lazaro. Pinahiram niya saglit ang mega phone sa anak na si Balong, 6, na magiliw ring nanawagan ng pagtaas ng sahod.
Sa iba’t ibang bahagi ng bansa, matagumpay rin ang mga pagtitipon para sa Araw ng Paggawa. Halimbawa na nito ang protesta sa Calamba City, Laguna.
“Bilang isang tatay, sumama ako rito para ipaglaban ang kinabukasan ng anak ko,” ani Mart Elca, 39, manggagawa ng Philfoods sa Biñan City, Laguna.
“Kahit na parang iniipit ng mapait na reyalidad ng buhay, kailangan pa rin na lumaban para tumaas ang sahod,” dagdag niya. /May ulat ni Christian F. Patulot
