Welga ng obrero ng pantalan sa US, tagumpay – Pinoy Weekly


Tagumpay ang libo-libong dockworker at port operator sa United States (US) sa kanilang panawagang taas-sahod at maayos na kondisyon sa trabaho matapos ang tatlong araw na welga na nagparalisa sa mga pangunahing daungan sa Amerika.

Ayon sa isang joint statement, nagkaroon ng pansamantalang kasunduan ang International Longshoremen’s Association (ILA), unyon na kumakatawan sa mga dockworker, at ang United States Maritime Alliance (USMX), isang grupo ng mga shipping at port terminal company, sa pagtaas ng sahod na humigit-kumulang 62% sa loob ng anim na taon.

Mula sa dating $39 kada oras ang karaniwang sahod, tataas ito sa humigit-kumulang $63 kada oras ayon sa kasunduan.

Inihain ng ILA ang 77% na pagtaas sa kanilang sahod, pero tinapatan lang ito ng USMX ng halos 50% na pagtaas. Inalmahan ito ng ILA matapos ng ilang oras na negosasyon na naging dahilan ng kanilang pagwewelga.

Mahigit 45,000 dockworker at port operator ang lumahok sa welga mula hatinggabi ng Set. 30 at tumagal ng tatlong araw. Nakaapekto ang tigil-operasiyon sa 36 na daungan na naging sanhi ng pagkakaantala ng mga kargamento tulad ng mga pantalan sa New York City at Houston City, Texas na may kontrol sa hanay ng mga containerized na kalakal.

Ito ang kauna-unahang pagtigil ng operasyon ng mga pantalan mula noong 1977 na tumagal noon ng 44 na araw humantong sa siginipikanteng pagtaas ng sahod at mga probisyon na tumutugon sa mga pagbabago sa teknolohiya sa industriya.

Pinakita ni Harold Daggett, presidente ng ILA ang kanyang suporta sa unyon nang lumahok siya sa welga.

Aniya, handa siyang panatilihing sarado ang mga daungan hanggang sa sumang-ayon ang mga kompanya na itaas ang sahod sa $5 kada oras para sa bawat taon ng kontrata.

“Itong mga gahaman na korporasyon, lahat ng nakuha nila ay nakuha nila sa amin. Ipaglalaban namin at ipananalo namin ito o walang daungan ang magbubukas muli. Hindi ako nakikipaglaro,” aniya sa wikang Ingles.

Tinutulan din ng ILA ang awtomatisasyon ng mga crane, gate, at paggalaw ng container na ginagamit sa pagkarga at pagbaba ng kargamento sapagkat banta umano ito sa mano-manong paggawa ng mga dockworker. Isa ito sa mga isyung hanggang ngayo’y hindi pa nalulutas sa negosasyon.

Samantala, bumaba na sa ngayon ang bilang ng mga barkong nahinto at naghihintay na dumaong. Aasahan na rin ng mga konsyumer ang mabilis at tuloy-tuloy na operasyon ng mga daungan.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!