Welga, sandata ng manggagawa – Pinoy Weekly


Nagsisilbing kalasag at baluti ng mga manggagawa ang unyon sa isang kompanya upang igiit ang kanilang karapatan at seguridad sa trabaho. Sa Nexperia Philippines Inc. sa Cabuyao City, Laguna, inilalaban pa rin hanggang sa kasalukuyan ng mga manggagawa ang hindi makatarungang tanggalan at paglabag sa collective bargaining agreement (CBA).

Isang multinasyonal na kompanya ng semiconductor ang Nexperia Philippines Inc. na nagmamanupaktura ng mga piyesang ginagamit ng mga electronic device na gawa ng mga multinasyonal na kompanyang Apple at Samsung at mga electronic vehicle tulad ng Tesla.

Nagkaroon ng kauna-unahang strike voting nitong Hul. 29 at Hul. 30 ang Nexperia Philippines Inc. Workers Union (NPIWU) upang ituloy na ang paglulunsad ng welga matapos maghain ng notice of strike (NOS) sa National Conciliation and Mediation Board noong Hun. 26. Tinatayang 1,298 ang nakiisa na miyembro sa botohan: 1,248 ang bumoto ng “Yes,” 48 ang bumoto ng “No,” habang dalawa naman ang void. 

“Sa overwhelming majority [na] ‘yes to strike’ vote, pinatunayan ng kasapian ng unyon na nauunawaan nila at handa silang ipaglaban ang aming job security at CBA,” wika ni Mary Ann Castillo, presidente ng NPIWU.

Aniya, sa kabila ng dalawang araw na kahirapan sa pagsundo at paghatid sa mga miyembro para makaboto, sulit ang naging pagod at gastos ng unyon dahil mainit ang pagsuporta ng mga manggagawa sa kanila.

Kaugnay ang botohan sa tanggalan noong Set. 2023 kung saan walong manggagawa ang tinanggalan ng trabaho. Kabilang sa mga nalagas ang tatlong opisyales ng unyon habang miyembro naman ang iba pa. Hindi nagtagal, nasundan naman ito ng “temporary layoff” ng 54 manggagawa nitong Abr. 1 habang inaasahan na 72 pa ang matatanggal sa Oktubre.

“Ang talagang pangunahin nilang layunin, pahinain ‘yong membership. Ang ipa-priority talaga nila na matanggal ay ‘yong kung sino o [kung] anong komite na nagmumulat sa karapatan nila, ” ani Jayson Gregorio, pinuno ng education committee ng NPIWU.

Dagdag naman ni Castillo, bukod sa layuning mabuwag ang unyon, isa pa ang cost optimization sa nakikitang dahilan kung bakit binabawasan ang mga manggagawa. Karaniwang nakikitang solusyon ang automation o digitalization para makatipid ang isang kompanya.

“Sa pagpapatupad ng man-machine ratio (MMR) kung saan 1:4 ratio hanggang sa 1:8 ratio [ang target] ay mas marami ang manggagawa ang madi-displace sa trabaho o magihing excess headcount,” aniya.

Sa isang panayam ng Pinoy Weekly kay Angelito Catindig, kasapi ng executive board at campaign and mobilization committee ng unyon, ginalugad nila ang loob ng production upang mahikayat ang mga miyembro ng NPIWU na sumang-ayon sa welga.

Kabilang sa kanilang pagsisikap ang pamimigay ng polyeto at pag-a-update sa mga manggagawa tuwing uwian sa mga bagong kaganapan. Bagaman may mga baguhang manggagawa umano na talagang hindi nakikinig, nagsisilbi na lang daw itong lakas ng loob nila para hindi tumigil sa pagkilos.

“Kami, bilang mga leader, kami ‘yong tutunton para makausap sila. At ‘yon nga, kahit may mga kahinaan, kailangan makita natin na ‘yong ginagawa namin sa unyon, ‘yong maging kalakasan at simbolo,” sabi ni Catindig. 

Nagkaroon na ng paunang general meeting noong Ago. 2 matapos ang isinagawang botohan kung saan ipinaliwanag ni Castillo kung bakit tama lang na lumaban ang mga manggagawa para ipatigil ang tanggalan at igiit ang nakabubuhay na sahod. 

Aniya, mabisa ang welga bilang hudyat ng tigil-produksiyon upang matuldukan ang pambabarat sa kasunduan ng mga manggagawa at ng kompanya. Sa pamamagitan nito, maaapektuhan ang kita ng Nexperia, pati na rin ang dambuhalang tubo ng kapitalista—isang bagay na ayaw nitong mangyari.

Nexperia Philippines, Inc. Workers Union

Marami ng pinagdaanang laban at tagumpay ang unyon sa mahigit apat na dekada nitong pakikibaka. Mula sa mga nagdaang welga mula 1980s hanggang sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang paglaban at paglakas ng unyon. 

Pahayag ni Oliver Muya, bise presidente ng unyon, solidong pagkakaisa ang malinaw na esensiya ng welga. Nagpapakita umano ito ng kahandaan ng manggagawa na ipagtanggol ang kanyang karapatan na pilit na inaagaw ng mga kapitalista. 

Aniya, may ilang mga manggagawa na nangangambang mawalan ng trabaho kapag naikasa na ang welga, ngunit kalakhan sa mga manggagawa ang mas natatakot na mawalan ng trabaho sa hindi makatarungang paraan na ginagawa ng management. 

“Takot [sila] na baka sila na ang kasunod na matatanggal, kaya tumimo sa kanila na ang tanging sandata ay ang welga, sandata na nasa kamay ng manggagawa,” ani Muya. 

Matapos ang matagumpay na strike voting na naghuhudyat ng pagsulong ng welga, hindi pa rin natapos ang intimidasyonng management sa mga manggagawa ng Nexperia. 

Mariing kinondena ng unyon ang lumalaganap na mga balita na bibigyan ng kasong absent without leave (AWOL) ang mga manggagawang lalahok sa welga. Inaalok din umano ang mga manggagawa ng double pay para pumasok at hindi na makiisa sa welga.

Sabi ng unyon, walang kahit anong probisyon sa batas na puwedeng maging batayan ng management upang magpataw ng AWOL sa mga manggagawang lalahok sa welga.

“Wala pa kami sa welga, nasa paghahanda pa lang. Apektado ang aming trabaho at kita ‘pag pumutok ang welga, pero wala kaming pamimilian kung hindi ang lumaban para maayos ang usapin sa aming job security dahil sa sunod-sunod na tanggalan sa Nexperia,” ani Castillo. 

Nexperia Philippines, Inc. Workers Union

Ang mga tagumpay na nakamit ng unyon sa ilang dekadang paglaban sa hindi makatarungang pagtrato ng kapitalista sa mga manggagawa ang pinanghahawakan umano ng kasapian. Dahil dito umano nagmula ang tinatamasang mga benepisyo sa kasalukuyan at ito rin ang ninanais nilang matamasa ng iba pang mga manggagawa sa bansa.

Ayon kay Muya, hindi titigil ang kapitalismo sa paggawa ng paraan para magkamal ng tubo. Lagi’t lagi umano itong magpapatupad ng mga hindi makamanggagawang mga patakaran katulad ng kontraktuwalisasyon at barat na pasahod. Lalo na’t papasok na ang teknolohiya sa mga kompanya at posibleng maganap din ang malawakang tanggalan.

Dagdag pa niya, bilang isa sa pinakamalaki at pinakamatagal na unyon, ipapakita nila na kayang-kaya ipagtanggol ang mga batayang karapatan ng mga manggagawa hanggang nagkakaisang lumalaban.

Saad din ni Castillo, dahil multinasyonal at malaking kompanya ang Nexperia lalo na sa industriya ng semiconductor, puwede umanong maging basehan ng iba pang kompanya ang anumang aabutin ng kanilang laban.

Binuksan na rin daw ng NPIWU ang kanilang kinakaharap na laban sa lahat ng alyansa, organisasyon, pederasyon at iba pang sektor. Tumutugon naman umano ang mga ito sa mga ipinapatawag nilang mga picket protest at social media campaign. 

“Kaya hindi na lang laban ito ng manggagawa sa Nexperia kundi laban ng buong uring manggagawa,” ani Castillo.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!