106 pamilya, apektado ng demolisyon sa Bagbag

June 26, 2024


Ni CHRISTINE GUARDIANO
Pinoy Weekly

Nanawagan ang mga residente ng Brgy. Bagbag sa Novaliches, Quezon City noong Hun. 15 laban sa demolisyon ng kanilang mga tahanan at ang patuloy na pandarahas na kanilang nararanasan laban sa nagpapakilalang may-ari umano ng lupa.

Ayon sa samahan ng mga residente sa lugar na Lakas Tindig, walang maipakitang titulo o deed of sale ang nagpakilalang may-ari ng lupa na si Bobet Collantes na nagpapatunay na siya nga ang may-ari ng lupa sa King Christian Street sa nasabing barangay.

“Hindi kayo basta-basta magtitibag dito ng walang katibayan na ipinakikita sa amin.” sabi ni Marjorie Rivera, lider ng Lakas Tindig.

Ayon sa mga residente, pinaaalis sila ni Collantes at nangakong babayaran sila ng P36,000 bilang kompensasyon. 

Iginigiit naman nila na tamang proseso lamang ang kanilang panawagan at hindi nila kailangan ang perang inaalok ni Collantes.

“Bahay ay buhay. Hindi namin kailangan ng pera. Tamang proseso ang kailangan namin,” sabi ni Arlene Sioc Alere, residente sa komunidad.

Nagsimula ang pandarahas ni Collantes noong pang 2023 at napilitan ang ilang residente na tanggapin ang inaalok nito.

Nagsimulang tibagin ang ilan sa mga kabahayan sa lugar noong Hun. 13 ngunit walang maipakitang court order at notice to vacate si Collantes sa mga residente.

Nagpatuloy naman ang demolisyon sa komunidad nitong Hun. 19 gamit pa rin ang backhoe mula kay Collantes at may mga kabahayang tinamaan ng puwersa nito sa kabila ng pagtutol nila.

Tinatayang nasa 106 pamilya ang maapektuhan ng demolisyon sa komunidad at pitong pamilya o apat na bahay pa ang nanawagan sa mas maayos na proseso.



Source link

Don't Miss