Uncategorized

2 NDFP consultant, iba pa, pinawalang sala sa gawa-gawang kaso  – Pinoy Weekly

2 NDFP consultant, iba pa, pinawalang sala sa gawa-gawang kaso  – Pinoy Weekly


Pinawalang-sala ng Taguig City Regional Trial Court Branch 266 sina Renante Gamara at Tirso Alcantara, mga National Democratic Front of the Philippines peace consultant, at tatlong iba pa mula sa mga gawa-gawang kasong kidnapping with murder at frustrated murder na isinampa noong 2014. 

Sa bisa ng release order na inilabas noong Ago. 14, lumaya na mula sa Metro Manila District Jail Annex 4 sina Gamara, Diony Borre at Raul Razo. Sina Borre at Razo ay mga construction worker na naisama sa 37 pinangalanan sa warrant of arrest noong 2014.

Ayon sa Karapatan, nakapiit pa sa New Bilibid Prison si Dionisio Almonte, isang organisador ng mga magsasaka, habang walang impormasyon kung nasaan si Alcantara.

Nakulong sina Gamara at iba pa dahil umano sa pagdukot at pagpatay sa isang sundalo at tangkang pagpatay sa isang rebel returnee noong Mayo 2007 sa Mauban, Quezon.

Ayon sa Karapatan, isinama lang ang pangalan ni Gamara sa warrant of arrest 11 araw bago siya hinuli. Kaduda-duda ang pagkakadawit sa kanila sa kaso dahil, giit ng mga nasasakdal, wala sila sa Mauban, Quezon sa petsa ng krimen. 

Liban sa mga kasong ito, hinaharap pa ni Gamara ang mga dagdag na kaso ng illegal possession of firearms and explosives na isinampa naman sa kanya noong 2019.

Sa kabila ng patuloy na mga pagsubok para sa ganap na paglaya, ikinatuwa ni Karapatan secretary general Cristina Palabay ang naging desisyon ng korte. Pinagpugayan din niya ang pagsisikap ng mga abogado nina Gamara sa pagigiit ng katotohanan para sa paglaya ng mga bilanggong politikal.

Sina Theresa Buscayno (kaliwa) at Desiree Jaranilla-Patuñog, mga dating bilanggong politikal na pinawalang sala sa kasong illegal possession of firearms and explosives ng korte sa Pampanga nitong Ago. 14. Larawan mula sa Karapatan

Liban kina Gamara, ikinagalak din ng Karapatan at Samahan ng mga Ex-Detainee Laban sa Detensyon at Aresto (Selda) ang pagpapalaya sa apat na mga organisador sa Pampanga, Ago. 14.

Hulyo 2024 nang hulihin ng pulisya sina Desiree Jaranilla-Patuñ-og na dating University of the Philippines Student Regent, Theresa Buscayno, Andres Ely at Oliver Millo, mga organisador ng magsasaka sa Mexico, Pampanga.

Inaprubahan ng San Fernando Regional Trial Court Branch 47 ang demurrer to evidence o kawalan ng sapat na mga ebidensya na nagbasura sa kasong illegal possession of firearms and explosives.

Ayon sa Karapatan, mahigit 700 na mga bilanggong politikal sa Pilipinas na pare-parehong kumakaharap sa mga imbentong paratang ng mga puwersa ng estado. 

Sa Ilocos naman, ibinasura ng Department of Justice (DOJ) dahil sa kawalan ng matibay na ebidensiya ang kasong terrorism financing laban kay Myrna Zapanta, taong simbahan at tanggol-magsasaka.

Oktubre 2024 nang sampahan ng terrorism financing si Zapanta, kasama ang dalawa pang kasamahan na sina Lenville Salvador at Petronila Guzman batay sa testimonya ni Avelino Dacanay, isang umano’y dating kasapi ng New People’s Army. 

Sa desisyon ng DOJ, hindi anila sapat ang kredibilidad ni Dacanay dahil sa kawalan ng patunay mula sa awtoridad na isa siyang “rebel returnee.”

Ikinatuwa ni Zapanta ang desisyon ng korte. Aniya, dapat managot sa batas ang mga nasa likod ng gawa-gawang kasong isinampa sa kanya.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning