Magkasunod na pinagtagumpayan ng Gabay ng Unyon sa Telekomunikasyon ng mga Superbisor (GUTS-PLDT) at ng Philippine HKR Labor Union-Independent (PHKRLU-IND) ang negosasyon sa kani-kanilang sa bagong collective bargaining agreement (CBA) nitong Hulyo.
Inanunsiyo nitong Hulyo 9 ng PHKRLU-IND ang P59 na umento sa minimum wage ngayong 2026 at karagdagang P60 naman sa 2027. Selyado na rin ang iba pang mahahalagang serbisyong mapakikinabangan ng mga manggagawa ng Philippine HKR Inc., isang kompanyang gumagawa ng mga piyesa ng sasakyang sa Sta. Rosa City, Laguna.
“Ang tagumpay na ito ay patunay na kapag may pagkakaisa, respeto, at malasakit sa kapakanan ng mga manggagawa at ng kompanya, posible nating makamit ang makatarungan at kapaki-pakinabang na kasunduan,” pahayag ng unyon.

Samantala, ayon naman sa pahayag ng Kilusang Mayo Uno (KMU), matagumpay na ring naisara ng GUTS-PLDT ang kanilang CBA noong Hulyo 6, sa kabila ng sadyang pagpapatagal ng manedsment ng PLDT sa negosasyon.
Binuksan ang negosasyon sa CBA noong Nobyembre 2025 matapos ang sunod-sunod na protesta ng unyon sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas upang ipanawagan ang dagdag-sahod at mga benepisyong medikal.
“Napagtagumpayan ng mga manggagawa ang makabuluhang dagdag-sahod at karagdagang benepisyo dahil sa halos araw-araw na noise barrage, red at black shirt protest, mga dambuhalang Jericho march sa lahat ng branches nito, at iba’t ibang anyo ng protesta,” pahayag ng KMU.
Bitbit din ng mahigit 4,000 kasapi ng GUTS-PLDT ang panawagan para sa regularisasyon ng mga rank-and-file na manggagawa at ang pagtutol sa malawakang tanggalan dahil sa automation at artificial intelligence.
Ayon sa unyon, na patuloy pa ring magmamatyag ang mga manggagawa sa anumang tangkang bawiin at ipagkait ng kompanya ang insentibong nakasulat sa kasunduan.
