Ibinasura ng Tacloban City Regional Trial Court Branch 45 ang tatlong kaso ng “terrorism financing” laban kay Leyte Center for Development (LCDe) executive director Jazmin Jerusalem nitong Peb. 27. Ito’y matapos magdesisyon ang Manila Regional Trial Court Branch 28 sa civil forfeiture case laban sa manggagawang pangkaunlaran noong Peb. 20.
Ayon sa korte sa Maynila, walang matibay na batayan ang hiling na asset preservation order laban sa LCDe at mga opisyal nito.
Dagdag pa rito, nabigo ang petisyon na maglatag ng malinaw na ugnayan ng mga bank account at transaksiyon nito sa mga paratang na ilegal na aktibidad sa ilalim ng Anti-Money Laundering Act at Terrorism Financing Prevention and Suppression Act.
“Asset-freezing and forfeiture measures cannot be based on speculation, manufactured accusations, or politically driven narratives, but must rest on competent evidence and respect for due process,” saad ng desisyon ng korte sa Maynila.
Sinampahan ng patong-patong na kaso ng paglabag sa dalawang nabanggit na batas si Jerusalem noong 2024 na nagresulta sa pag-freeze sa mga ari-arian at bank account ni Jerusalem at ng LCDe.
Naging mahalaga ang papel ng LCDe sa pagtulong sa mga nasalanta ng Bagyong Yolanda na tumama sa Silangang Visayas noong 2013 at patuloy na umaagapay sa mga bulnerableng komunidad na hindi naaabot ng mga serbisyo ng gobyerno.
Ikinatuwa naman ng mga manggagawang pangkaularan at tanggol-karapatan ang mga naging desisyon ng mga korte sa Tacloban at Maynila.
Nanawagan ang Defend NGOs Alliance-Visayas na tanggalin na ang freeze order ng Anti-Money Laundering Council sa mga bank account ng LCDe upang maipagpatuloy na nito ang paglilingkod sa mahihirap na komunidad sa Silangang Visayas.
“Mahalagang tagumpay ang desisyon ng korte, subalit hindi pa tapos ang laban ng mga manggagawang pangkaunlaran at civil society organization sa Kabisayaan na patuloy na nililigalig ng mga gawa-gawang paglabag sa mga batas kontra-terorismo,” ayon sa grupo sa wikang Ingles.
Sinabi naman ni Karapatan secretary general Cristina Palabay na patunay ang desisyon ng korte na walang batayan ang mga akusasyon.
Inilarawan din ni Palabay na “judicial harassment” ang ginagawa ng estado sa mga manggagawang pangkaunlaran sa kabila ng kanilang pagseserbisyo sa mamamayang nangangailangan.