Hindi pa man tuluyang nakakabangon ang mga residente ng NIA Road sa Barangay Pinyahan, Quezon City mula sa sunog at demolisyon, panibagong apoy na naman ang tumupok sa ilang kabahayan noong Abril 30.
Labinlimang bahay ang tinupok ng apoy sa NIA Road. Ilang residente ang nagpahayag ng hinalang sinadya umano ang sunog dahil dati na raw silang pinapaalis sa lugar na tatayuan ng vertical housing. Itinanggi naman ito ng barangay at sinabi ng Bureau of Fire Protection na iniimbestigahan pa ang pinagmulan ng apoy.
Hindi unang beses na nawalan o nangambang mawalan ng tahanan ang mga residente ng NIA Road. Noong Marso 6, libo-libong pamilya ang naapektuhan ng malaking sunog sa lugar. Noong Abril 9, giniba naman ang mga bahay sa bahagi ng komunidad sa pangunguna ng National Housing Authority (NHA).
Pito ang inaresto matapos manindigan ang mga residente laban sa demolisyon, ayon sa tala ng ayon sa Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR). Giit ng grupo, hindi ganap na kinonsulta ang komunidad hinggil sa plano sa lugar, walang maayos na staging area at nakikipagnegosasyon pa ang mga residente nang magsimulang manulak at manggiba ang demolition team na suportado ng mga pulis na naka-riot gear.
Sinasabi ng Quezon City government na pitong government housing buildings ang itatayo sa lugar. May pangako rin umanong temporary shelter at P30,000 rental assistance para sa mga residente. Pero para kay CTUHR executive director Kamz Deligente, malinaw ang kabalintunaan. Pabahay umano ang itatayo sa guho ng komunidad na dumaan na sa sunog at marahas na demolisyon.
Sa NIA Road unang lumilitaw ang padron. Bago maitayo ang sinasabing pabahay para sa mahihirap, pinapaalis muna ang mismong maralitang matagal nang naninirahan sa lugar.
Iisang padron, magkakaibang kaso
Sa loob lang ng ilang buwan, sunod-sunod ang mga demolisyon at banta ng demolisyon sa iba’t ibang komunidad sa bansa. Nariyan ang Panday Creekside sa Taguig City, Talaba II sa Bacoor City, Cavite, Purok 6B, Barangay Bambang sa Los Baños, Laguna, Mayhaligue Street sa Tondo, Maynila at mga komunidad sa UP Diliman tulad ng Pook Aguinaldo, Pook Malantik at Area 17.
Sa papel, magkakaiba ang paliwanag. May court order, clearing operation, pribadong claimant, pabahay, kalsada, right of way, reclamation, infrastructure at university development project. Pero sa lupa, paulit-ulit ang resulta. Pinapalayas ang maralita mula sa lugar na matagal nang bumubuhay sa kanila.
Para kay Mimi Doringo, tagapangulo ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), hindi dapat tingnan ang mga demolisyon bilang hiwa-hiwalay na kaso.
“Atake ito sa karapatan ng taumbayan,” ani Doringo.
Ayon sa kanya, paulit-ulit ang pattern sa mga demolisyon sa maralitang komunidad. Nariyan ang pulis na sinasabing magpapanatili ng kaayusan ngunit sa aktuwal ay nagiging katuwang ng demolition team.
“Pero makikita natin, ang mga pulis mismo ang nag-a-assist sa demolition team. Hindi sila nandoon para tiyaking magiging maayos ang proseso, kundi nagiging bahagi sila ng pangha-harass sa mga tao,” sabi niya.
Hindi lang bahay ang nawawala, giit ni Doringo. Kasama ring nasisira ang kabuhayan, pag-aaral, kalusugan at seguridad ng mga bata, matatanda at buong pamilya.
“Hindi lang paninirahan iyan. Buhay at kabuhayan mismo ng mga tao ang kasama sa naaapektuhan,” aniya.
Lupa, kompanya at armadong puwersa

Sa Panday Creekside sa Barangay Palingon-Tipas, Taguig City, sumiklab ang tensiyon noong Abril 13 matapos simulan ang demolisyon sa komunidad.
Anim ang inaresto, kabilang ang isang menor de edad. Sinabi ng mga awtoridad na natuloy ang demolisyon dahil walang naipakitang temporary restraining order ang mga residente. Ayon sa lokal na sheriff, naubos na umano ang legal na remedyo ng mga residente at naibenta na ang 1.7 ektaryang lupa sa isang construction company.
Nasa 300 bahay ang nakatayo sa lupa at tinaya ng pangulo ng Panday Creekside Urban Poor Inc. na nasa 2,000 residente ang apektado. Iniulat din ng CTUHR na nakita sa operasyon ang deployment ng sniper mula sa pulisya. Sinabi naman ng Taguig City Police Station na bahagi umano ito ng standard security protocol.

Pero para sa mga residente at grupong sumuporta sa kanila, hindi nabubura ng salitang “protocol” ang takot na dala ng mga armadong puwersa sa komunidad na ipinagtatanggol ang bahay. Hindi rin sapat na sabihing may kautusan ang korte kung ang kapalit nito ay pagkakaso, pagkawala ng tirahan at kawalan ng katiyakan sa lilipatan.
Ayon sa mga residente, ang Monocrete Construction Company ang sangkot sa demolisyon sa Panday Creekside. Iginiit din ng mga residente na mas marami umanong bahay ang tinarget kaysa saklaw ng dokumentong ipinakita sa kanila. Sinasabi nilang 10 bahay lang ang tinukoy sa Writ of Execution No. 8390-A, ngunit halos 200 bahay ng sharers, tenants at iba pang residente ang giniba o tinangkang gibain.
Kapag ang pabahay ay walang paninirahan

Sa Purok 6B Riverside sa Barangay Bambang, Los Baños, Laguna, mahigit 70 bahay ang giniba matapos ang writ of demolition na inilabas ng Calamba Regional Trial Court Branch 35 na pumabor sa Bambang Land Corporation.
Marso 11 nang makatanggap ang mga residente ng Notice of Demolition at binigyan sila ng 20 araw para lisanin ang komunidad. Iginiit ng mga residente na kulang ito sa 30 araw na abiso na nakasaad sa batas. Sinabi rin nilang wala silang sapat na konsultasyon at walang malinaw na relokasyon.
Matagal nang naninirahan ang mga residente sa Purok 6B. Ayon sa kanila, may batayan ang kanilang karapatan sa lupa dahil sa Proclamation No. 550, Series of 2004, na naglaan ng bahagi ng mga barangay ng Bambang, Lalakay at Timugan bilang mga housing site para sa mga kuwalipikadong mamamayan.
Ngunit sa kabila nito, napunta sa pribadong interes ang lupa. Naibenta ang lupa mula kay Jesus Casus patungong Bambang Land Corporation. Hindi pa malinaw kung ano ang itatayo sa lugar, ngunit may pangamba na posibleng subdivision o tourist spot ang plano sa lugar na ito.
Kapag inilayo ang mangingisda sa dagat

Sa Talaba II sa Bacoor City, Cavite, kabuhayan mismo ang sentro ng pagpapalayas. Mahigit 100 pamilyang mangingisda ang apektado ng demolisyon o banta ng demolisyon sa tabing-dagat na komunidad.
Ayon sa Pamalakaya-Cavite, walang court order at 30-day prior notice ang demolisyon. May iniaalok umanong relokasyon sa Naic, Cavite, ngunit malayo ito sa dagat at walang sapat na kabuhayang papalit sa pangingisda.
Itinuturo ng mga residente ang mga proyektong Bacoor Diversion Road, LRT-1 Extension at Manila Bay reclamation na dahilan ng demolisyon. Sinasabing ang bahaging may mga bahay ay gagawing kalsada, habang ang bahagi ng dagat ay tatambakan para pagtayuan ng mga gusali.
Para kay Doringo, ito ang madalas hindi nakikita kapag sinasabi ng gobyerno na may relokasyon naman.
“Mula paggising, kung paano nila patatakbuhin ang isang araw, iyan sana ang ma-realize ng pamahalaan natin. Hindi basta may pabahay na ipapatayo kung saan man,” ani Doringo.
Giit niya, hindi dapat ituring na pabahay ang estruktura lang. Dapat kasama rito ang kabuhayan, serbisyo, paaralan, ospital at kakayahang mamuhay nang may dignidad.
“Ang panawagan natin, dapat desente, abot-kaya, pangmasa at pampubliko ang pabahay. Iyon ang nakikita nating kongkreto at komprehensibong programang pabahay, hindi lang basta structure, kundi pati kabuhayan,” sabi niya.
Mula realty hanggang sustainable project
Sa Mayhaligue Street sa Tondo, Manila, napigilan ng barikada ng mga residente ang demolisyon noong Mayo 2025. Itinuturong nasa likod ng nakaambang demolisyon ang 2288 Ethan Realty Corporation na umaangkin sa lupa. Mahigit 400 pamilya o halos 2,000 indibidwal ang nanganganib mawalan ng tahanan. Kabilang dito ang mga bata, matatanda, buntis at person with disability.
Marami sa mga residente ang naninirahan na sa Mayhaligue mula pa noong 1930s. Iginiit din nilang wala silang natanggap na notice, court order o relocation plan. Nitong Abril 30, tinamaan ng sunog ang bahagi ng Mayhaligue, habang nananatili ang pangamba ng mga residente sa banta ng pagpapaalis. Kasabay ito sa pagsunog ng NIA road.

Sa UP Diliman, ibang wika naman ang gamit sa proyekto ngunit pareho ang pangamba ng mga komunidad. Sa Pook Aguinaldo, Pook Malantik at Area 17, kinakaharap ng mga residente ang banta ng displacement dahil sa SDG Urban Farm and Wellness Park at iba pang proyektong pangkaunlaran ng unibersidad.
Ayon sa administrasyon ng UP, layunin ng proyekto na magtayo ng sustainable urban community at hindi umano palalayasin ang mga apektadong komunidad. Ngunit giit ng mga residente, hindi sapat ang ganitong pangako kung nananatili ang takot sa demolisyon, paniniktik at pagkawala ng lupaing matagal nang tinitirhan at sinasaka.
Sa mga kasong ito, nag-iiba ang wika ng proyekto, minsan pabahay, minsan kalsada, minsan reclamation, minsan realty at minsan sustainable development. Pero para sa mga residente, pareho ang bantang dala nito: pagkawala ng tahanan at kabuhayan.
Hindi boom, kundi pag-agaw
Hindi sapat na sabihing construction boom ang direktang dahilan ng lahat ng demolisyon. Mas malinaw ang makikitang padron sa mismong lupa.
Sa NIA Road, vertical housing ang planong itayo. Sa Panday Creekside, construction company ang sangkot. Sa Talaba II, kalsada, LRT-1 Extension at Manila Bay reclamation ang nakapaligid na proyekto. Sa Bambang, pribadong korporasyon ang pumabor sa kaso sa lupa. Sa Mayhaligue, realty corporation ang umaangkin sa komunidad. Sa UP Diliman, sustainable development ang pangalan ngunit pagpapalayas sa mga residente sa realidad.
Sa mga kasong ito, hindi lang konstruksiyon ang usapin. Mas malalim ang tanong kung sino ang may karapatang manatili sa lupa at sino ang tinutulak palabas para maging bakante ito para sa proyekto, negosyo o pribadong interes.
Para kay Doringo, walang masama sa pagpapaunlad kung kasama ang mahihirap sa pinauunlad.
“Wala naman problema kung gusto nilang magpaunlad, pero isabay nila ang maralitang katulad namin sa sinasabi nilang pagpapaunlad sa mga komunidad,” ani Doringo.
Karapatang manatili

Para kay Doringo, kailangang singilin ang gobyerno at mga ahensiyang may papel sa demolisyon. Hindi sapat na magturo lang sa korte, sheriff, pamahalaang lokal o pribadong claimant. Obligasyon ng estado na tiyakin ang karapatan sa desenteng pabahay, kabuhayan at serbisyong panlipunan.
“Iyong pondo na dapat nailaan para sa batayang serbisyo, mula sa maayos na serbisyo ng tubig at kuryente, mura, malinis at maiinom na tubig, pabahay para sa lahat ng pamilyang Pilipino, ospital at edukasyon, dapat mapunta talaga sa mamamayan,” sabi niya.
Sa NIA Road, Panday Creekside, Talaba II, Bambang, Mayhaligue at UP Diliman, hindi lang yero, kahoy at semento ang ipinaglalaban ng mga residente. Ipinaglalaban nila ang karapatang manatili sa lugar na pinagbuhusan nila ng panahon, pawis at buhay.
Sa bawat pader na ginigiba, hindi lang bahay ang nawawala. Binubura rin ang karapatan ng maralita na manatili, mabuhay at lumaban sa lungsod at lupaing sila rin ang nagtatayo.
