Nagtatrabaho bilang construction workers sa Sabah, Malaysia itong sina Mike. Kinontrata sila rito sa Pilipinas ng kanilang kompanyang dito rin nakabase. Ang haba ng kanilang kontrata’y nasa dalawang taon.
Pagdating nila sa Malaysia, sinundo sila mula sa airport at kinuha ang kanilang mga pasaporte. Dinala sila sa isang masikip na tirahan na hindi malinis at walang sariwang hangin.
Labis rin sa pangkaraniwang oras ang panahon ng kanilang mga trabaho ngunit wala silang natatanggap na overtime fee.
Kalaunan, nalaman nila na ang kanilang mga visa pala ay hindi working visa kundi para sa turista at wala silang mga work permit. Napuwersa silang iparating ito sa kanilang broker ngunit hindi man lang sila pinansin.
Dahil dito, isang kasamahan nina Mike ang nagsumbong sa pamagitan ng pagpadala ng email sa isang pahayagan sa Pilipinas. Kinuwento nito ang kanilang hindi magandang karanasan sa kanilang trabaho at humingi siya ng tulong tungkol dito.
Pinatawag sina Mike ng Human Resources Officer ng kompanya at tinanong tungkol sa pangyayari. Pagkalipas nang halos isang buwan, sinabi sa kanilang tanggal na sila sa kanilang mga trabaho at pina-proseso na ang kanilang pag-uwi sa Pilipinas mula sa Malaysia.
Hindi tumagal at pinauwi nga sa Pilipinas sina Mike. Agad naman silang pumunta sa tanggapan ng Labor Arbiter sa National Labor Relations Commission (NLRC) upang magsampa ng demanda laban sa kompanyang kumuha sa kanila
Naging pabor kina Mike ang hatol ng Labor Arbiter. Sinabi ng Labor Arbiter na hindi legal ang ginawang pagtanggal kina Mike sa kanilang trabaho. Inutusan nito ang kompanyang bayaran sina Mike ng dapat sana’y kanilang sahod sa nalalabing panahon ng kanilang kontrata, ibalik ang kanilang placement fee, at bayaran sila ng danyos at attorney’s fees.
Nag-apela ang kompanya sa NLRC ngunit ganoon pa rin ang naging hatol ng NLRC. Ibinasura nito ang apela ng kompanya at naging pabor pa rin kina Mike ang desisyon.
Umakyat sa Court of Appeals (CA) ang kompanya ngunit talo pa rin ito. Napilitang pumunta ang kompanya sa pinakamataas na hukuman, ang Korte Suprema.
Mali ang argumentong ito ng kompanya, sabi ng Korte Suprema dahil magkaiba ang kasong sinampa ni Mike sa tanggapan ng POEA sa kasong sinampa niya sa tanggapan ng Labor Arbiter.
Sa Korte Suprema, binanggit ng kompanya na nakapagsampa na dati ng kaso sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) itong si Mike.
Ang kasong sinampa dati ni Mike ay tungkol sa paglabag ng kompanya sa regulasyon tungkol sa pagtanggap ng mga aplikante para sa trabaho sa ibang bansa.
Sa desisyon ng POEA, ibinasura nito ang kaso ni Mike dahil hindi siya nakapagbigay ng mga dokumento na hinihingi ng POEA mula sa kanya. Bukod pa rito, hindi rin siya nakadalo sa mga paghaharap na pinatawag ng tanggapan.
Inapela ni Mike sa hatol ng POEA sa Department of Labor and Employment (DOLE) ngunit hindi binago ng DOLE ang desisyon. Dinismiss pa rin nito ang nasabing kaso at talo pa rin itong si Mike.
Kaya, ginawang dahilan ng kompanya ang pagka-dismiss sa unang kaso ni Mike. Hiniling ng kompanya sa Korte Suprema na kung maari, i-dismiss rin nito ang kasong sinampa ni Mike sa tanggapan ng Labor Arbiter tulad ng pagka-dismiss ng unang kaso niya sa POEA.
Mali ang argumentong ito ng kompanya, sabi ng Korte Suprema dahil magkaiba ang kasong sinampa ni Mike sa tanggapan ng POEA sa kasong sinampa niya sa tanggapan ng Labor Arbiter.
Ang kaso ni Mike sa POEA ay tungkol sa paglabag ng kompanya sa mga patakaran ng pamahalaan tungkol sa pagtanggap sa mga aplikante para sa trabaho sa ibang bansa.
Ang kaso naman niya sa tanggapan ng Labor Arbiter ay tungkol sa illegal dismissal o hindi makatuwirang pagtanggal ng kompanya sa isang manggagawa sa kanyang trabaho.
Sa kasong sinampa ni Mike sa POEA, ang maaaring ibigay na parusa laban sa kompanya ay ang pagbabayad ng multa sa pamahalaan. Ang multang ito’y hindi kay Mike babayaran ng kompanya kundi sa gobyerno.
Sa kaso namang isinampa niya sa Labor Arbiter, maaaring utusan ang kompanya na bayaran si Mike ng kanyang hindi nabayarang sahod ayon sa kanilang kontrata. Ang sahod na ito ay kay Mike babayaran ng kompanya at hindi sa pamahalaan.
Dahil sa mga kaibahang ito, walang epekto ang resulta ng kaso ni Mike sa POEA sa resulta ng kanyang kaso sa Labor Arbiter.
Kaya, nilinaw ng Korte Suprema na hindi maaaring i-dismiss ang kanyang kaso sa Labor Arbiter tulad ng pagka-dismiss ng kanyang kaso sa POEA.
Hinatulan ng Korte Suprema ang kaso ni Mike at ipinanalo pa rin siya sa pamamagitan ng pagbasura sa petisyong isinampa ng kompanya.
Ito ang naging hatol sa kasong “U R Employed International Corporation et al vs. Mike Pinmiliw, et. al” (GR No. 225263, March 16, 2022).
Sana ay may matutuhan tayo sa kasong ito.
