Paninindigan ng isang ina laban sa pagmimina sa Dupax del Norte – Pinoy Weekly

Paninindigan ng isang ina laban sa pagmimina sa Dupax del Norte – Pinoy Weekly


Sa nakalipas na pitong buwan, sinisimulan ni Analiza Balliao, 39, ang kanyang araw sa paghahanda sa pagpasok sa eskuwela ng dalawang anak, saka niya tatrabahuhin kasama ang asawang si Alfredo ang mga taniman ng sili na ibininebenta nila sa palengke ng probinsiya. Pagkatapos ng mga gawain sa umaga, lalakad na siya papunta sa itinayong kampuhan para sumama sa barikadang bayan.

Itinirik ang barikada sa bukana ng Barangay Bitnong, sa bulubunduking bayan ng Dupax del Norte, Nueva Vizcaya, sa hilagang Pilipinas.

Pagsasaka ang pangunahing ikinabubuhay ng kanilang pamilya. Ibinebenta niya ang tanim na sili nang P30 kada kilo sa palengke. Chantal Eco/Dialogue Earth

Pagdating ni Analiza, naroon na ang lampas dalawang dosenang residente mula sa mga katabing barangay. Ang mga kababaihan, naghuhugas ng pinggan, nag-aayos ng mga donasyong gulay, nagpapa-apoy sa kalan. Ang mga lalaki, nagsisibak ng kahoy. May mga humihigop ng kape. Ang iba nama’y nakapalibot sa laptop para manood ng balita tungkol sa barikada. Nag-uusap sila, nagtatawanan, nagbibiruan sa maaliwalas na ritmo ng mga taong ilang buwan nang magkakasama tuwing umaga. Nakabantay naman sa kalsada ang iba, binubusisi ang ID ng bawat dumaraang motoristang hindi nila kakilala.

Itinayo ng komunidad ang barikada bilang tugon sa mining exploration permit na anila’y ibinigay nang walang paalam o pahintulot nila. Iginawad ang permit sa Woggle Corporation, na pagmamay-ari ng Metals Exploration PLC, kompanyang nakalista sa United Kingdom. Plano ng Woggle na palawakin ang umiiral na nitong operasyon ng open-pit mining sa Runruno, nasa Nueva Vizcaya rin, sa pamamagitan ng pag-explore sa higit 3,000 ektaryang kagubatan at lupang agrikultural para sa ginto, tanso, tingga at zinc sa katabing bayan ng Dupax del Norte.

Inihain sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) ang aplikasyon para sa permit noong Hulyo 2022 at naaprubahan noong Agosto 2025. Sabi noon ng mga residente ng Dupax del Norte, walang kaalam-alam ang mga tagakomunidad sa limang apektadong barangay ng Bitnong, Inaban, Munguia, Parai at Oyao na may ipinoproseso na palang aplikasyon.

Sa isang pagdinig sa Senado noong Peb. 23, sinabi ni Nueva Vizcaya Lone District Rep. Timothy Cayton, dating alkalde ng Dupax del Norte, na isinapubliko nila ang aplikasyon sa pamamagitan ng pagpaskil sa bulletin board at paglatahala sa mga diyaryo. Pero ayon sa abogadong si Ryan Roset ng Legal Rights and Natural Resources Center, hindi ito maihahalintulad sa isang public consultation.

“Hindi nagkaroon ng totoong konsultasyon sa iba’t ibang barangay o mga yunit ng lokal na pamahalaan,” sabi ni Florentino Daynos, presidente ng Dupax del Norte Environmental Defenders

Nakipag-ugnayan ang Dialogue Earth sa Woggle Corporation sa telopono at email, pero walang natanggap na tugon.

Pagkatapos ng mga gawaing-bahay sa umaga, naglalakad si Analiza at kapitbahay na si Carmelita Aquino para sumamang magbantay sa barikada, na itinirik sa bungad ng kalsada papasok ng barangay noong Oktubre 2025. Bahagi ito ng pagkilos ng komunidad para pigilang makapasok ang mga sasakyan at kagamitan ng Woggle Corporation, at para iprotesta ang mining exploration permit na anila’y iginawad sa kumpanya nang walang paalam o pahintulot ng mamamayan. Chantal Eco/Dialogue Earth

Unang napansin ni Analiza na may kakaiba nang umuwi siya isang umaga mula sa pagtitinda ng gulay at nakitang may mga pulang banderitas at kable sa kanyang taniman, tinamaan pa ang ilan niyang mga tanim—nang walang babala, walang paalam. Kalaunan, sinabi sa kanyang ginagamit ang mga kable para tukuyin ang mga depositong mineral sa ilalim ng lupa.

“Nakita na lang namin sila diyan, mga kalalakihang nagte-tresspasing sa lupain namin dala ang mga kagamitan nila,” kuwento niya, at sinabing hinawan rin aniya ang ilang bahagi ng kanyang lupa.

Nag-email ang Dialogue Earth sa Metals Exploration hinggil sa aplikasyon ng permit at pagpasok ng exploration equipment sa Dupax del Norte. Hindi sila tumugon. 

Noong Set. 17, 2025, unang itinayo ng komunidad ang barikada nila sa barangay para harangin ang pagpasok ng mga kagamitan ng kompanyang mina. Sa sumunod na buwan, dinagdagan nila ito ng mas matibay na harang sa kalsada papasok ng barangay. Hindi nagdalawang isip na sumama sina Analiza at Alfredo. Tuloy-tuloy silang naghalinhinan sa pagbabantay sa barikada, bitbit ang mga anak pagtapos ng eskuwela para tugunan ang usapin ng pag-aalaga.

May naging kapalit ang kanilang paglaban. Dati nang walang kaseguruhan ang kita nila sa pagtatanim, na tumataas at bumababa kasabay ng presyo sa palengke. Lalo pa itong naging alanganin dahil sa paglagi nila sa barikada. 

“Ang mahalaga, may maipantawid kada-araw, para sa pangangailangan ng mga bata,” ani Analiza.

Isa sa mga explorative drilling site ng Woggle sa Bitnong. Nasa lupang sakahan ito ng isang miyembro ng komunidad at nasa ibabaw lang ng sapa. Chantal Eco/Dialogue Earth

Saglit na napigilan ng barikada ang Woggle sa pagpasok ng kagamitan sa lugar, ngunit noong Okt. 17, 2025, hinarap nila ang una sa marami pang pagbuwag ng mga pulis.

Noong Enero 2026, mas bumigat ang kapalit ng paglaban para kay Analiza nang arestuhin siya, kasama ang anim na iba pa, ng mga pulis na nagpapatupad ng utos ng korte para buwagin ang barikada at payagan ang pagpasok ng kagamitang pang-eksplorasyon.

Kinabukasan, isinugod sa ospital ang 10 taon gulang niang anak matapos himatayin. Nakiusap si Analiza sa mga pulis at kalaunan ay pinayagan siyang dalawin ang anak, pero bantay-sarado siya ng mga pulis. Guwardiyado siyang umupo siya sa tabi ng anak, walang katiyakan kung papayagan siyang magtagal.

“Hindi ako makakain, ‘di ako makatulog, tumaas ang blood pressure ko dahil sa nangyari sa anak ko, at ‘di ko siya  agad napuntahan,” ani Analiza.

Makalipas ang tatlong araw na pagkakakulong, nakalaya si Analiza, na dumeretso agad pabalik sa ospital kung saan ginagamot ang anak na napag-alamang may meningitis. Dalawang linggong nagkasama ang mag-ina sa ospital.

Analiza Balliao, 39, cradles her daughter as she fell asleep on her arm from exhaustion after school. She visits the barricade after school where her mother helps guard. Photo by Chantal Eco/Dialogue Earth

Ang pagpasok ng Woggle, nasa legal na balangkas ng Philippine Mining Act of 1995, na nagbukas sa bansa sa pamumuhunan ng mga large-scale na dayuhang pagmimina at hanggang ngayo’y nananatiling batayan sa pag-apruba sa mga permit.

Sabi ni Joice Leray, advocacy officer ng non-profit organization na Center for Environmental Concerns, priyoridad ng naturang batas ang paghuthot ng mga likas na yaman kaysa karapatan ng komunidad at proteksiyon ng kalikasan, na nagbibigay sa mga ahensiya gaya ng MGB na malawak na kapangyarihan sa pag-apruba sa mga permit kahit kapos sa pagpapaalam sa publiko.

Ginawa aniya ang mining act “para buksan, para wasakin ang ating bansa, para sa mga dayuhang kompanyang mina.” 

“Sa 31 taon ng batas na ito, nakita nating hindi ito naglingkod sa mamamayan,” dagdag ni Leray.

Mayabong na kapaligiran na pinoprotektahan ng mga residente ng Dupax del Norte  mula sa open-pit mining. Nakakapagtamin ng palay sa matatarik na dalisdis ang mga magsasaka ng bulubunduking rehiyon gaya nito dahil sa mga hagdan-hagdang palayan. Chantal Eco/Dialogue Earth

Hindi abstrakto ang banta sa Dupax del Norte. Para kay Tin Araneta, geologist ng Agham-Advocates of Science and Technology for the People, ang open-pit mining sa mga magubat na lugar ay kumakalbo sa mga mga halaman, winawasak  ang kalupaan at maaaring magdulot ng kontaminasyon sa tubig sa lupa at ibabaw sa sandaling ma-expose ang mineralised rock. Maaaring tumagal ng ilang taon ang epekto nito. Bihira lang din aniya na nare-rehabilitate ang mga lupang sakahan sa tamang oras para pigilan ang matagalang pagkawasak.

“Mas mabilis ang tindi ng proseso ng extraction kumpara sa pag-recover ng kalikasan,” ani Araneta.

Matatagpuan ang Dupax del Norte sa loob ng Magat watershed—isang mahalagang anyong tubig sa hilagang Luzon na sumusuporta sa isa sa pinakamalaking hydroelectric dam sa bansa at sa irigasyon ng agrikultura. Para sa mga residente, makakaapekto sa watershed ang pagmimina sa kanilang babyan, dahil dumadaloy papuntang Magat River ang alahat ng kanilang katubigan.

Tumanggi ang MGB na makapanayam para sa istoryang ito. Gayunman, sa isang pagdinig sa Senado noong Pebrero, ipinresenta ni Ismael Manaligod, pinuno ng Department of Environment and Natural Resources sa rehiyong nakakasakop sa Dupax del Norte, ang pag-aaral ng ahensiya para sa pag-apruba sa exploration permit.

“Maliit lang ang epekto sa Magat River ng kabuuang kalupaang sakop ng exploration permit. Ito’y dahil 0.8% lang ito ng kabuuang area ng Magat River forest reserve,” sabi niya. Dahil din aniya sa distansiya ng lugar sa Magat dam, wala rin aniya itong magiging masamang epekto sa ilog, at hindi dumadaloy papunta dito ang mga lugar na sakop ng permit.

“Sa huli, isasama rin ng Woggle Corporation ang mitigating measures sa environmental work program,” dagdag niya.

Sa hiwalay na pagdinig ng Senado noong Marso 3, inilarawan ni Tommy Alfonso, presidente ng Woggle, ang nangyaring pag-aresto bilang “malaking hindi pagkakaintindihan” at sinabing nananatiling bukas ang kompanya sa pakikipagdayalogo.

Aniya, sumunod ang Woggle sa tamang proseso, dumaan sa “40 buwan ng mahigpit na proseso mula 2022 hanggang 2025” at sumunod sa lahat ng kahingiang ng gobyerno. Bilang patunay sa kanilang responsableng operasyon, itinuro niya ang track record ng FCF Minerals sa rehiyon. Pag-aari ng FCF Minerals, subsidiary na kompanya ng Metals Exploration sa Pilipinas, ang 60% ng Woggle Corporation.

“Nakapag-ambag kami ng mahigit P5 bilyon sa pambansa at lokal na pamahalaan sa nakalipas na limang taon, P1.5 bilyon dito ay direktang napunta sa lokal na pamahalaan,” sabi ni Alfonso sa naturang pagdinig.

Sabi ni Leray, napakaliit lang ng ambag ng industriya ng pagmimina sa ekonomiya ng Pilipinas, na umaabot lang sa 0.68% ng gross domestic product (GDP) at 0.58% ng kabuuang empleyo ng bansa noong 2024, ayon sa datos ng MGB.

“Ang ambag nito sa GDP at empleyo ng bansa, hindi man lang malapit na maitutumbas sa benepisyo ng agrikultura ng ng mismong lupa,” aniya.

Para kay Analiza, ampaw na naratibo ang argumento sa ekonomiya. “Dismayado kami kasi paulit-ulit nilang ipinipilit na magpatuloy ang pagmimina,” aniya.

Hindi nawakasan ng mga pag-aresto noong Enero ang paglaban. Sa halip, nagmitsa ito ng mas malawak na panawagan ng publiko mula sa iba’t ibang grupo—mula sa mga makakalikasan hanggang sa Simbahang Katolika, maging sa isang beauty queen. Dahil sa lumalawak na pagtutol laban sa proyekto, sinuspinde ng MGB ang permit ng Woggle, habang nanawagan naman ang mga Senador na imbestigahan ang pagbibigay nito.  

Sa pagdinig noong Marso 3, inutusan ng Senado ang lokal na pamahalaan na pangasiwaan ang pagpullout ng Woggle sa Dupax del Norte.

May karugtong na epekto rin ang pagsuspinde ng proyekto sa Dupax sa iba pang operasyon ng pagmimina. Noong Peb 18, inanunsiyo ng FCF Minerals na sa katapusan ng 2026, ititigil na nito ang operasyon ng kanilang gold mining project sa Runruno. Kailangan kasi nito ng mga bagong ore na kukunin sana sa Dupax para makapagpatuloy ng operasyon. 

Ipinapaliwanag ni Dupax del Norte vice Mayor Ric Asuncion (nakabughaw) sa mga residente sa kampuhan ang mga napagkasunduan sa pag-atras ng Woggle mula sa Barangay Bitnong. Chantal Eco/Dialogue Earth

Ani Daynos, “Ang tagumpay sa Dupax del Norte ay tagumpay laban sa pagmimina sa buong Pilipinas.” Tinawag niya itong “tagumpay nating lahat,” gayunman, kailangan aniya ng komunidad na tuluyan nang kanselahin ang permit ng Woggle.

Sinabi naman ni Metals Exploration Chief Executive Darren Bowden na “panandaliang” on-hold ang proyekto sa Dupax del Norte pero walang inanunsiyo na tuluyan nang ititigil ang operasyon ng pagmimina.

“Sa ngayon, hindi mining-friendly environment ang Dupax, hindi ito lugar na makakagalaw kami ng mabilisan,” sabi ni Bowden sa inilabas na video sa kanilang website noong Peb. 6.

“Kung magbabago ang mga bagay sa hinaharap, palagay ko ay may magagawa pa rin doon, palagay ko ay may magagawa pa ring nakapaganda,” aniya.

Hangga’t walang kongkretong pagkumpirma na hindi na babalik ang Woggle, nakatindig pa rin ang barikada sa Bitnong, at patuloy pa ring magbabantay dito si Analiza. /Unang inilathala sa wikang Ingles ng Dialogue Earth. Isinalin sa Filipino ni Neil Ambion.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning