Patuloy ang pag-iwas ni Pangalawalang Pangulong Sara Duterte sa pananagutan. Ugaling pusit pa rin ang ipinapakita niya sa paggulong ng dalawang reklamong impeachment na nakahain sa Kamara.
Imbis na direktang sagutin ang mga kasong isinampa sa kanya, idinaan sa teknikalidad ang hindi pagtalima sa mga iniaatas ng House Committee on Justice. Nagsasagawa ng paunang pagdinig ang Kamara para alamin kung may sapat na batayan ang mga reklamo upang magpatuloy sa paglilitis sa Senado.
Kabilang sa mga reklamong inihapag sa mga kaso ang kuwestiyonableng paggamit ng pondo ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd), ‘di maipaliwanag na yaman na ‘di tugma sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth, at ang pagbabanta sa buhay nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa mga pagdinig sa badyet ng OVP sa mga nagdaang taon, ginisa ng mga mambabatas ng Koalisyong Makabayan ang paggastos ni Duterte ng P125 milyong confidential funds ng OVP sa loob ng 11 araw noong huling bahagi ng 2022 at ang mga inimbentong pangalan sa mga acknowledgement receipt sa paglalabas ng P112.5 milyong confidential funds ng DepEd noong siya pa ang kalihim.
Ayon sa mga nakasampang reklamo sa Kamara, aabot sa P612.5 milyon ang pondong iregular na ginamit ni Duterte mula 2022 hanggang 2024 sa OVP at DepEd.
Sa pag-usad ng Kamara sa mga kasong impeachment batay sa prosesong inilatag ng Korte Suprema, kinakailangan ni Duterte na ipaliwanag sa komite ang mga reklamong nakahain.
Para dito, may 16 na abogado na kinuha si Duterte na kinabibilangan ng ilang dating opisyal ng DepEd na maaaring sangkot din sa korupsiyon sa kagawaran noong siya pa ang kalihim.
Nang ipatawag si Duterte ng House Committee on Justice para magpaliwanag sa mga paratang, tanging mga abogado lang niya ang dumalo. Wala si Duterte.
Pinaiikot ng mga Duterte ang mamamayan sa kanilang mga buladas. Ngunit kahit anong pasirko-sirkong gawin ng kanilang mga abogado, nananatili ang mga katanungang humihingi ng kasagutan at paglilinaw.
Kamakailan, naghain si Duterte ng petisyon sa Korte Suprema para ipatigil ang nangyayaring pagbusisi ng Kamara sa mga ebidensiya para sa kasong impeachment.
Manang-mana sa tatay niya. Gumagamit ng mga “delaying tactic” sa parehong pagdinig sa mga kasong impeachment ng pangalawang pangulo sa Kamara at sa kasong crimes against humanity ng kanyang amang dating pangulo sa International Criminal Court (ICC).
Sa ICC, tinadtad ng mga mosyon ng kampo ng nakatatandang Duterte ang korte sa iba’t ibang usapin na nagbunsod ng pagpapaliban sa confirmation of charges hearing mula Setyembre 2025 tungong Pebrero 2026.
Ginagamit naman ng bise presidente ang Korte Suprema para kuwestiyonin ang proseso ng impeachment sa Kamara para umiwas sa direktang pagtugon sa mga tanong at imbestigasyon sa kanya.
Tatak Duterte na ang pag-iwas sa pananagutan at ang paggamit sa mga teknikalidad para patagalin ang proseso. Sa lahat ng nabanggit, hindi man lang sinubukang direktang pabulaanan ang mga reklamo laban sa kanila.
Ngunit ito ang malinaw: Kung walang kinalaman ang dating pangulo sa mga extrajudicial killing, bakit hindi maglatag ng maayos na argumento’t ebidensiya ang panig ng depensa sa ICC? Kung wala talagang anomalya o iregularidad sa paggamit ng mga pondo ng OVP at DepEd, bakit hindi ipakita ng pangalawang pangulo ang kanyang mga ebidensiya?
Pinaiikot ng mga Duterte ang mamamayan sa kanilang mga buladas. Ngunit kahit anong pasirko-sirkong gawin ng kanilang mga abogado, nananatili ang mga katanungang humihingi ng kasagutan at paglilinaw.
Kung ano’t anuman, kailangan maging mapagbantay ng taumbayan. Sa gitna ng patong-patong na krisis pampolitika at pang-ekonomiya na humahambalos sa mamamayan, hindi tayo dapat malingat sa pagsigaw ng katarungan.
Dapat tigilan na ni Duterte ang pag-antala sa katarungan at pananagutan. Dapat siyang ma-impeach dahil sa pangungulimbat sa kaban ng bayan. Dapat siyang maging mabuting halimbawa sa panawagan ng mamamayan: lahat ng sangkot, dapat managot.
Napatunayan na sa kasaysayan na kayang panagutin ang mga kurakot at pasistang lider ng bansa, hindi lang sa mga korte, Senado at Kamara, kundi sa lansangan.
Hinihingi ng panahon ang malawak na pagkilos ng sambayanan para sa hustisya at pananagutan sa lahat ng dinaranas na pasakit at kahirapan.
