Uncategorized

Pakikiisa sa welga sa panahon ng social media

Pakikiisa sa welga sa panahon ng social media


Ngayong Lunes ang Pambansang Araw ng Pakikiisa sa mga Manggagawa ng Kowloon West, ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU). Itinaon ito sa gaganaping ikalawang negosasyon ngayong araw sa pagitan ng unyon at ng kompanyang Katipunan Food Services, Inc. mula nang simulan ang welga nitong nakaraang linggo.

Nananawagan ang KMU ng ibayong suporta sa Genuine Labor Organization of Workers in Hotel, Restaurant and Allied Industries-Kowloon House West Chapter (GLOWHRAIN-KHWC), ang unyon ng mga manggagawang gumagawa ng masasarap na siopao, siomai at wanton ng sikat na kainan na may mahigit 100 na tindahan sa buong bansa.

Ano ang usapin?

Ang welga ng mga manggagawa ay dahil sa kawalan ng kasunduan sa tamang umento sa kanilang sahod sa kolektibong pakikipag-tawaran (collective bargaining) sa kompanya. Panahon na kasi para sa panibagong kasunduan matapos ang huli bago pa ang Covid pandemic. Nagsimula ang unyon sa kahingiang P50 na dagdag sa arawang sahod. Bumaba sila sa P35 at dumulo sa P25 na umento kada araw.

Ang kompanya naman ay nakapako sa P13 na umento kada araw ang alok. Ang dahilan umano ng may-ari ng kompanya, may krisis ngayon dahil sa giyera ng US at Israel laban sa Iran at nagmahal ang diesel at ilang sangkap sa produksiyon. Ang nais ng kompanya ay ang manggagawa na lamang ang magtiis sa kakarampot na umento upang mapanatili ang antas ng kita nito.

Ang ganting tanong ng unyon ay, “Hindi ba dahil may krisis nga ay dapat kalingain naman ng kompanya ang manggagawa sa pamamagitan ng makabuluhang dagdag sahod? Hindi nga ba sa pamamagitan ng P25 na dagdag sa sweldo ay masisigurong may pandagdag sa pamasahe araw-araw ang mga manggagawa upang lumikha ng libo-libong siopao, siomai at wanton?”

Ang hinihinging umento ng mga manggagawa ay 0.375% lang ng arawang tubo ng Kowloon mula sa siopao at siomai na tinatayang nasa PHP400,000 araw-araw. Hindi pa kasama ang tubo ng Kowloon House mula sa pancit, mami, buchi at iba pang pagkain ng restoran sa buong Pilipinas. Sa 60 na manggagawa, PHP1,500 lamang ang kabawasan sa kita ng Pamilya Ng bawat araw, mas mura kaysa sa binabayaran ng isang pamilyang naghahapunan sa Kowloon.

Hindi lamang ang pambabarat ang idinadaing ng mga manggagawa. Talamak din umano ang paglabag ng kompanya sa mga batas-paggawa. Inaabot ng taon bago ma-regularisa ang kanilang manggagawa. Mayroon pa ngang tatlong-dekada nang manggagawa ay P800 lamang kada araw ang sinasahod. Mayroon ding 73 manggagawa ang tinanggal sa pagtatangkang buwagin ang unyon.

Samantala, naka-sports car ang isa sa may-aring si Stephen Ng ng dumating sa welga at sinigaw-sigawan ang mga manggagawa sa unang gabi pa lamang ng welga.

Pakiki-isa sa welga sa panahon ng social media

USAPANG SIOPAO. Mga kabataang nakikinig sa paliwanag ng mga nagwewelgang manggagawa ng Kowloon House. (GLOWHRAIN-KMU photo)

Dahil sa social media, mas malawak ang nararating ng mensahe ng welga ng mga manggagawa ng Kowloon House. Mahusay na naipaliwanag na naghapag ng collective bargaining ang unyon at kumbakit ito nabigo. Naipabatid din na nagkaroon din ng iba’t ibang protesta ang unyon, maging strike vote na nagkakaisang pasya upang dalhin ang kanilang laban sa mas mataas na antas.

Ang pagkakaisa at matibay na paninindigan ng GLOWHRAIN-KHWC ay malakas nang sandata para ipaglaban ang makatarungang kahingian ng mga manggagawa. Subalit ibayo pa itong nasusuhayan ng actual at virtual na pakikiisa ng maraming mamamayan.

Tuloy-tuloy ang pagdating ng mga nagpapahiwatig ng pakikiisa sa piketlayn sa Lungsod Quezon. Sa dami rin ng kanilang social media posts, mas marami ang nakaka-alam sa isyu, bagay na lalong nagpapalakas sa welga.

Dapat ding banggitin ang epektibong mga infographic at meme ng mismong KMU. Level-up na level up ang kanilang mga social media cards, ika nga. Simple, subalit turol na turol sa mga sentrong isyu ng welga. Ito na yata ang magiging pamantayan ng social media campaign sa mga susunod pang laban ng mga manggagawa.

Level up na social media card ng Kilusang Mayo Uno. (KMU image)

Mabisa itong pangontra sa pananakot ng isang nagpakilalang abogado ng kompanya na magsasara raw ang kompanya kung magtutuloy-tuloy ang welga, gayon din sa walang-awat ng pang-uupat ng pulisya sa mga manggagawa tuwing gabi. Malas nila, pabor na pabor sa unyon ang simpatiya sa mismong West Avenue at sa social media.

Ipagtagumpay ang welga

Wala nang hihigit sa pagnanais na matapos na ang welga kundi ang mga manggagawa mismo. Subalit kailangang matapos ito sa makatarungang batayan: makabuluhang umento sa sahod at paggalang sa kanilang mga karapatan.

Anyaya ng KMU na pumunta ang lahat sa welga at direktang maki-isa sa mga manggagawa. Magbibigay ito ng ibayong lakas sa kanila upang ipagpatuloy ang kanilang laban.

Mungkahi rin ng labor federation na mag-post sa social media ng mga selfie na may kasamang panawagan ng mga manggagawa. Gamitin ang hashtag na: #SiomaiSolidarity #SahodItaas #MayoUno2026

Sa mga nasa malalayo, maaring puntahan ang mga lokal na sangay ng Kowloon House at kausapin ang mga manggagawa roon hinggil sa welga. Pwede rin silang padalhan ng mensahe sa pamamagitan ng kanilang FB page.

Idamay na rin ang pagko-komento sa page ng National Conciliation and Mediation Board na agad na resolbahin ang isyu pabor sa mga manggagawa.

Dalawang linggo na lamang ay muling gugunitain ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa sa Mayo Uno. Hindi ba masayang isipin na tapos na ang welga sa Kowloon House sa araw na iyon at masayang ibabalita ng mga manggagawa ang kanilang tagumpay? # (Raymund B. Villanueva)

Pagandahan ng selfie sa welga ang isang maaring ambag sa laban ng mga manggagawa ng Kowloon House. (GLOWHRAIN-KMU photo)



Source link

Kodao
Kodao

Kodao Productions is an award-winning multi-media production outfit. It produces videos on burning social issues in the Philippines, such as environmental destruction, human rights, and other civil liberties. Aside from videos, Kodao also produces radio programs for national radio networks and community radio stations throughout the country. Both its video and radio productions have been awarded and cited by private and government institutions.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning