Iaakyat na ng apat na lider ng Cordillera Peoples Alliance (CPA) sa Court of Appeals ang kanilang petisyon sa pagbabasura sa arbitraryo at malisyosong designasyon sa kanila ng Anti-Terrorism Council (ATC) bilang mga terorista.
Pormal na inihain nina CPA chairperson Windel Bolinget, founding member Sarah Abellon-Alikes, Research Commission member Jennifer Awingan-Taggaoa at Regional Council member Stephen Tauli ang notice of appeal nitong Hunyo 11 sa Baguio City Regional Trial Court (RTC) Branch 78.
Ito’y matapos ibasura ni Judge Hilario Belmes ang kanilang petition for certiorari na kumukuwestiyon sa matinding pag-abuso sa kapangyarihan ng ATC sa arbitraryong designasyon nito noong 2023.
Bunga ng naturang designasyon, ipinatupad ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang pag-freeze sa kanilang mga ari-arian at bank account.
Ayon kay Cordillera Human Rights Alliance (CHRA) spokesperson Casselle Ton, nakatutok ang apela sa paggigiit ng hustisya dahil ibinasura na ang mga naunang gawa-gawang kaso laban sa mga lider bago pa man ilabas ang resolusyon ng ATC.
“We are urgently calling on the Court of Appeals to rule in favor of the indigenous leaders and completely junk the baseless terrorist designation,” ani Ton.
Aniya, nagdudulot ang arbitraryong designasyon ng malalim, mapanira at pangmatagalang epekto sa apat na lider-katutubo, kanilang pamilya at mga komunidad.
Kinondena rin ni Ton ang naging batayan ng RTC na lubos na umasa sa testimonya ng nag-iisang testigo na military asset. Ayon sa kanya, walang ibang ebidensiya na nagpapatunay sa mga paratang laban sa mga lider.
Ang petisyon ng apat na lider ang unang as-applied constitutional challenge laban sa kapangyarihan ng ATC sa ilalim ng Anti-Terrorism Act. Sa pamamaraang ito, hindi lang teksto ng batas ang kinukuwestiyon, kundi kung paano ito naging labag sa Konstitusyon nang aktwal itong ipatupad sa partikular na kaso ng apat na lider.
Dismayado naman ang National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) sa naging pasya ng RTC matapos nitong gamitin ang doktrinang stare decisis o pagbatay sa naunang hatol ng Korte Suprema. Ginamit kasi ng mababang korte sa maling konteksto ang kasong Calleja v. Executive Secretary, ang 2021 desisyon na nagdeklarang legal sa kalakhan ng Anti-Terrorism Act.
“The Decision denies petitioners effective judicial review despite clear evidence of serious constitutional infringements,” giit ng NUPL. Ibig sabihin, pinagkaitan umano ang mga petisyoner ng sapat at epektibong pagsusuri ng hudikatura na sana’y magsisilbing proteksiyon laban sa pang-aabuso ng estado sa kapangyarihan.
Nagbabala naman si Karapatan secretary general Cristina Palabay sa publiko sa panganib ng naging desisyon para sa lahat ng tagapagtanggol ng karapatang pantao.
“This ruling sets a dangerous precedent for human rights defenders, development workers, community organizers, environmental advocates, journalists, church people, and all those who have been wrongfully and maliciously branded as terrorists for their advocacy,” aniya.
Dagdag pa ni Palabay, ipinagkakait ng desisyon ang mga epektibong lunas sa mga mamamayan.
