Uncategorized

Presyo ng gamot, susunod na – Pinoy Weekly

Presyo ng gamot, susunod na – Pinoy Weekly


Na-diagnose kamakailan si Melissa ng high cholesterol. Dagdag ito sa dati na niyang kondisyon na altapresyon. Ayon sa kanyang pro-bono na doktor, kailangan na niyang uminom ng atorvastatin at acetylsalicylic acid bukod sa kanyang mga maintenance na gamot na losartan at amlodipine.

Umaabot sa P1,417.50 kada buwan ang kabuuang gastos sa kanyang mga gamot.

At hindi lang siya ang may sakit sa pamilya. May altapresyon din ang kanyang asawa at nangangailangan ng maintenance na gamot, habang na-diagnose naman ang kanilang anak noong nakaraang taon ng hypothyroidism at deep-vein thrombosis (DVT).

Para sa hypothyroidism, kailangan ng levothyroxine na aabot ng P330 kada buwan. Para sa DVT ng kanyang anak, inireseta ng doktor ang dabigatran etexilate para pabagalin ang blood clotting habang patuloy na iniimbestigahan ng mga doktor ang sanhi nito, na isang hindi pangkaraniwang kondisyon sa mga bata. Nagkakahalaga ito ng P5,205 kada buwan. Umaabot na ngayon sa P7,680 kada buwan ang kabuuang gastos ng pamilya sa gamot.

Parehong minimum wage earner sina Melissa at ang kanyang asawa. Sakop na ng mga gamot ang 26% ng buwanang kita ng pamilya, na lalong umuubos sa kanilang badyet para sa iba pang pangunahing pangangailangan.

Kabilang ang mga gamot sa Pilipinas sa pinakamahal sa buong Timog Silangang Asya. Ngunit ang pangunahing isyu sa kalusugan ay hindi lang ang presyo, kundi kung sino ang nagbabayad. Umaabot sa 44.7% ng kabuuang gastusing pangkalusugan ng bansa ang out-of-pocket spending.

Ibinunyag kamakailan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na napupunta sa pagbili ng gamot ang 40% ng out-of-pocket health expenses ng mga Pilipino.

Sa kabila ng mga batas na naglalayong pababain ang presyo ng gamot at pabutihin ang akses sa mga esensiyal na gamot, patuloy na nagdaragdag ang mataas na halaga ng mga gamot sa lumalaking pasanin ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Ngayon, mahigpit na binabantayan ng Department of Health (DOH) ang presyo ng mga gamot habang nagsisimulang makaapekto sa global supply chains ang mga tensiyong heopolitikal mula sa giyera ng United States (US) at Israel laban sa Iran.

Ayon sa mga industry source, pinipigilan ng mga kompanya ng gamot nitong mga nakaraang linggo ang pagtataas ng presyo mula sa tumataas na gastos sa logistics pa lang at hindi pa kabilang ang epekto ng mas mahal na mga raw ingredients at sumisikip na suplay.

Naghahanda sina Melissa at ang kanyang pamilya para sa mas mahirap at masasakitin pang panahon sa hinaharap.

Bakit mahal ang mga gamot sa Pilipinas? Bihag ang bansa sa kontrol ng “big pharma” o ilang multinasyonal na korporasyon na nagdodomina sa global pharmaceutical industry at nagdidikta ng presyo, suplay at akses.

Hawak ng nasa 50 kompanya ng gamot lang, na mayorya ay nakabase sa US, ang $4.7 trilyong market capitalization ng mga parmasyutiko noong 2024. Binubuo ng mga gumagawa ng gamot mula sa US ang 56% ng global market capitalization, kasunod ang Europe sa 34% at Asia na may 10% market share.

Habang nagbubuhos ng malaking kapital ang mga kompanyang ito sa research and development, mergers and acquisitions, at outsourcing ng mga kritikal na yugto ng produksiyon sa mga bansang may cutting-edge technologies ngunit murang lakas-paggawa, nagawa nilang makuha ang kontrol sa produksiyon at suplay ng mga produktong parmasyutiko sa buong mundo.

Dahil sa kontrol na ito, madaling nagagamit ng big pharma ang mga patent application, lalo na sa ilalim ng Trade Related Aspects of Intellectual Property Rights (Trips) ng World Trade Organization (WTO).

Noong 2023, naghain ang mga innovator sa buong mundo ng 3.55 milyong patent application, at naghain ang mga gumagawa ng gamot ng average na 140 patent application bawat gamot na mag-e-expire pagkatapos ng hindi bababa sa 20 taon. Magagawa lang ang mga generic at murang replika kapag nag-expire na ang patent.

Nagbigay ang mekanismong ito ng malaking bentahe sa mga pangunahing gumagawa ng gamot upang pigilan ang mga generic at biosimilar na kakumpitensiya. Pinalalakas ng mga patent ang kanilang posisyon sa mga litigasyon at negosasyon, na nagbibigay-daan sa kanila para maantala ang pagpasok ng mga mas murang alternatibo at ilayo ang mga ito sa abot ng publiko. Bilang resulta, malayang naitatakda ng big pharma ang napakataas na presyo para sa mga produktong medikal.

Sa kasalukuyan, 14 sa nangungunang 20 kompanya ng gamot sa buong mundo ang may manufacturing facilities sa Pilipinas. Pag-aari ng mga dayuhang entidad sa bansa ang hanggang 99% ng paid-up capital sa mga establisimyentong parmasyutiko na gumagawa, nag-aangkat at nagdi-distribute ng mga gamot.

Kinokonsolida nila ang produksiyon ng mga parmasyutiko sa bansa at lumilikha ng isang pambansang manufacturing hub para sa kanilang pandaigdigang negosyo na lumalawak sa lokal. Kaya naman, hindi nakakagulat na sobrang taas ng presyo ng mga gamot sa bansa.

Magkakaiba ang itinatakdang presyo ng mga dayuhang kompanya ng gamot sa bawat bansa. Pagkatapos, ilang mark-up sa kahabaan ng supply chain ang idinaragdag sa presyo bago makarating ang gamot sa pasyente.

Inaangkat ng Pilipinas ang 62% ng suplay nito ng gamot, na siyang kalahati ng sagot sa tanong kung bakit mahal ang mga gamot—mahal na ang mga ito sa simula pa lang.

Nangyayari ang unang mark-up sa mga transaksiyon sa pagitan ng mga dayuhang kompanya ng gamot at mga lokal na opisina sa Pilipinas na tinatayang nasa 4.5% hanggang 12.5%.

Sinusundan ito ng tinatayang mark-up na hindi bababa sa 20% mula sa cost-insurance-freight cost, import tariffs, finance charges, quality control testing fees, national corporate taxes at transport costs. Dadagdagan pa ito ng mga distributor at wholesaler ng 5% hanggang 13%. Magdadagdag naman ang mga retailer ng isa pang 13% hanggang 20%.

Samantala, mas mataas ang mark-up sa mga gamot na lokal na ginawa ngunit may mga imported na sangkap, hanggang 355% sa distributor at panibagong 117% muli sa mga retailer, na ginagawang pinakamayaman sa supply chain ang mga drug retailer sa Pilipinas.

Hindi pa ito ang katapusan ng pasanin ng pasyente. May karagdagang 12% value-added tax (VAT) na ipinapataw sa karamihang suplay ng gamot sa bansa. Ang mga pana-panahong update ng Food and Drug Administration (FDA) sa listahan ng VAT-exempt na mga gamot ay mahigpit na nakatuon sa mga gamot para sa non-communicable diseases tulad ng diabetes, high cholesterol, altapresyon, kanser, mental illness, tuberculosis at mga sakit sa bato.

Simula Pebrero 2026, mayroong 2,263 na VAT-exempt na gamot para sa nasabing mga sakit. Ngunit binubuo lang nito ang 5% ng 50,000 naitalang gamot na binili ng gobyerno noong 2019.

Gayunpaman, nananatiling taxable ang mga over-the-counter na produkto tulad ng paracetamol, vitamin and mineral supplements, mga gamot sa ubo’t sipon, antibiotics, antacids at marami pang iba.

Sa ideyal na sitwasyon, makakapagbigay ang mga pampublikong ospital ng iba’t ibang pagpipilian para sa mas murang gamot kaysa sa ibinebenta ng mga pribadong retailer.

Ngunit bukod sa katotohanang 79% ng mga gamot na binili ng gobyerno ay isinuplay ng big pharma, binitawan din ng pamahalaan ang mahalagang papel nito sa pamamagitan ng pag-devolve sa sistemang pangkalusugan at paglalaan ng hindi sapat na badyet sa kalusugan, na nakahagambala sa pagbili at distribusyon ng mga esensiyal na gamot sa mga pampublikong ospital.

Isang karaniwang senaryo sa mga pampublikong ospital ang limitadong suplay ng mga produktong medikal hanggang sa wala na talaga—kadalasan, pinapayuhan na lang ng mga doktor ang mga pasyente na bumili mula sa mga pribadong retailer na nag-aalok ng mas mahal na gamot.

Mula sa P216 bilyong kabuuang market sales noong 2024, 90% ang isinuplay sa pamamagitan ng malalaking drugstore chains at retail outlets na pag-aari ng mga lokal na bilyonaryo, habang 10% lamang ang dumaan sa mga ospital.

Nagbabayad ang mga pasyente para sa konsultasyon at mga diagnostic test, preventive services, batayang paggamot at mamahaling gamot. Para sa isang sakit na nangangailangan ng maraming gamot o may comorbidity, o para sa isang pamilya na may higit sa isang miyembrong may sakit, kadalasa’y pinipiling laktawan ang konsultasyon o ang pag-inom ng gamot.

Ginawang hindi abot-kaya maging ang pinakamurang mga regimen dahil sa mabigat na pasanin ng out-of-pocket spending at pagpapabaya ng gobyerno.

Dagdag pa rito, kumikita ng mas mababa sa P23,000 kada buwan ang 58% ng mga pamilyang Pilipino, kaya ang mga gamot na mukhang abot-kaya ay aktuwal na nagpapabigat sa mga mahihirap na pamilya. Tila mapangwasak ang mga metabolic disease kapag isinaalang-alang ang mga gastusing pangkalusugan.

Sa unang tingin, maaaring pakinggan itong banayad na paalala na mas mabuti ang pag-iwas kaysa lunas, ngunit isinisigaw nito ang isang malupit na katotohanan: hindi kayang magkasakit ng mga pasyenteng Pilipino tulad ni Melissa at ng kanyang pamilya.

Ngunit ang mas hindi matiis na katotohana’y nasa sangandaan ng kalusugan at kita ang big pharma at ang kanilang mga lokal na kasosyo na isang ganap na paglabag sa karapatan ng mamamayan sa kalusugan.

Nakatakdang magdulot ng mas matinding dagok sa mga pamilyang Pilipino ang sabwatang ito, dahil malamang na magtaas ng presyo ang mga kompanya ng gamot upang protektahan ang kanilang mga tubo sa gitna ng tumitinding krisis ng pandaigdigang kapitalismo at mga giyera.

Ang pinakahindi mapagtiisang katotohana’y ang pakikipagsabwatan ng gobyerno ni Marcos Jr. sa ganitong pagpapalaki ng tubo sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng mga neoliberal na patakaran sa sektor ng kalusugan. Sa huli, hindi lamang sakit ang napipilitang labanan ng mga Pilipino, kundi isang sistema na kumikita mula sa kanilang pagdurusa. /Unang inilathala ng Ibon Foundation. Salin ni Jeoff Larua.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning