Uncategorized

Mahigit 70 tirahan sa Los Baños, dinemolis – Pinoy Weekly

Mahigit 70 tirahan sa Los Baños, dinemolis – Pinoy Weekly


Napilitang manirahan ang mga residente ng Espiritu Compound sa Barangay Bambang, Los Baños, Laguna sa covered court ng Bambang Elementary School matapos ang tatlong araw na demolisyon ng mahigit na 70 bahay sa kanilang komunidad nitong Abril 16.

Inilabas ang Writ of Demolition ng Calamba Regional Trial Court Branch 35 na pumabor sa Bambang Land Corporation (BMC) sa kaso kung sino ang tunay na nagmamay-ari ng lupa, dahilan para agarang simulan ang demolisyon sa pangunguna ng BMC at ng mga pulisya noong Abril 14.

Bilang pagtutol sa demolisyon, nagtirik ng barikada ang mga residente upang ipaglaban ang kanilang lupang panirahan na nauwi sa pangha-harass at sakitan sa pagitan ng mga residente, BMC at pulisya.

Paglilinaw ng mga residente, wala silang problema sa kautusang ibinaba, ngunit ang walang abisong demolisyon ang naging pangunahing usapin.

Dagdag pa nila, hindi naipatupad ang kanilang karapatan sa ilalim ng Urban Development and Housing Act of 1992 dahil walang nangyaring konsultasyon at hindi nagbigay ng abiso at plano ng relokasyon ang BMC. 

Anila, may legal na batayan ang kanilang paninirahan alinsunod sa Proclamation 550, Series of 2004 na nagkaloob sa kanila ng lupain. 

Kinodena naman ng Anakbayan-UP Los Baños ang pagsasawalang bahala ng BMC at pulisya sa mga karapatan ng mga residente ng Espiritu Compound. 

“Hindi makatao ang pagpapaalis sa mga lokal ng Purok 6B nang walang relokasyon, dagdag pasanin ito sa gitna ng malalang pang-ekonomiyang krisis,” payag ng Anakbayan-UP Los Baños.

Sa kasalukuyan, wala pa ring malinaw na plano tungkol sa relokasyon habang umuusad ang pagpupulong sa pagitan ng mga apektadong residente, opisyal ng Barangay Bambang at Sangguniang Bayan ng Los Baños tungkol sa nasabing demolisyon.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning