Kailan pa naging spokesperson ang Department of Energy (DOE) ng kartel sa langis? Noong nakaraang linggo, humarap sa Kamara si DOE Secretary Sharon Garin at itinanggi ng opisyal na may kalabisan o anumang anomalya sa laki ng kita ng mga malalaking kompanya sa panahon ng krisis.
Nakakapagtaka, hindi ba, na mismong opisyal ng gobyerno ang nagtatanggol at nagsasalita na parang kinatawan ng mga bilyonaryo?
Tumambad sa mukha ng publiko ang kamakailang inilabas na pag-aaral ng Ibon Foundation na mula Peb. 26 hanggang sa katapusan ng Marso, kumita ang mga kompanya sa langis ng P45.6 bilyon o halos P1.5 bilyon kada araw. Itinuring itong “windfall profits” o biglang pagsirit ng kita dahil sa mga pambihirang sirkumstansiya.
Teka, noong una, ang sinasabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na dapat magtipid at maghigpit ng sinturon ang buong bansa. Iyon pala, habang tayo nagtitiis sa gutom, itong mga kaibigan ng gobyerno na kapitalista sinuswerte sa tubong-lugaw!
Nagagawa ang overpricing sa pamamagitan ng sinasabing “replacement cost” o ang pagtatakda ng presyo ng langis batay sa posibleng pagtaas ng presyo sa hinaharap. Kumbaga, nagtitinda ng kasalukuyang stocks sa presyong pang kinabukasan o bumibili nang suplay na mura at ibinebenta ng mahal.
Sa tala ng Global Petrol Prices sa buong mundo, pangalawa ang Pilipinas may pinakamataas na pagsirit ng presyo ng gasolina na 71.6% at ikatlo sa diesel na tumaas nang 111%.es
Consistent din na mas mataas ang presyo sa Pilipinas kumpara sa inaasahang pagbabago sa halaga ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
Advance mag-isip ang kartel sa langis at noong maagang bahagi pa lang ng pagsalakay ng United States sa Iran, tumanaw na sila na posibleng samantalahin ang sitwasyon para magpalobo ng pera.
Tama lang na magtaka si ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio kung bakit dalawang linggo bago biglang tumaas ang mga presyo, hindi naglabas ang DOE ng kanyang weekly price monitor. ‘Di kaya may pinagtatakpang hocus pocus sa presyuhan at suplay?
Dapat ilabas ng DOE ang breakdown ng presyo ng langis, kung paano ito itinatakda at kung saan napupunta ang pera at tubo. Pero patuloy na tumatanggi si Garin sa pag “unbundle” ng presyo.
Ang malaking kabalintunaan kasi sa polisiya ng langis na inaasahang maging tapat ang mga kartel sa publiko kahit na isinuko naman na ng gobyerno sa kanila ang kapangyarihan na manlamang sa pagtatakda ng presyo.
Ang pambansang krisis na ito ay para sa mahihirap lang. Pambansang jackpot pala para sa mga kapitalista at protektor nila sa gobyerno.
May pakinabang rin mismo ang gobyerno. Ngayon, pinagmamayabang ng administrasyon na gumastos siya ng P5 bilyon para sa ayuda matapos ang dalawang buwan. Pero ilang linggo pa lang ang krisis at may P5 bilyon na siyang nakolekta mula sa excise tax at value-added tax sa langis.
Ang malaking kabalintunaan kasi sa polisiya ng langis na inaasahang maging tapat ang mga kartel sa publiko kahit na isinuko naman na ng gobyerno sa kanila ang kapangyarihan na manlamang sa pagtatakda ng presyo.
Dahil sa Oil Deregulation Law na naisabatas noong 1998 at pinagtibay ng bawat administrasyong nagdaan, may laya ang mga kompanya sa langis na pagpasyahan ang mga lokal na presyo. Kapangyarihan rin itong magdesisiyon kung magkano ang kanilang kikitain at paano nila nais pahirapan ang mamamayan.
Hindi naman ito maitanggi ni Garin. Nasa “structure” daw kasi ng industriya natin na “fully liberalized.” Ibig sabihin, walang buffers, walang pondo para gawing estable ang presyo kagaya ng iba pang karatig na bansa.
Ang Pilipinas at Singapore lang ang may oil deregulation na batas sa Southeast Asia, na sila ding may pinakamataas na presyo ng langis sa rehiyon. Pero malayong malayo naman kalagayan sa ekonomiya ng dalawang bansa dahil limang beses na mas mataas ang basic pay sa Singapore kumpara sa atin.
May iba’t ibang anyo ng patakarang price control ang lahat ng naiba pang bansa sa Southeast Asia. Anim sa kanila ay may sarili ding industriya sa langis. Kaya’t malaking tulong at lunas sa mga gahamang kapitalista at tuwirang pagkontrol.
Halatang walang balak si Marcos Jr. na kontrolin ang presyo. Hindi dapat hintayin na biglang makonsensiya si Ramon Ang ng Petron. Pinakamabisang paraan para makatulong ang karaniwang tao ay pagsuporta sa laban ng karaniwang tsuper at komyuter.
Kung hindi dahil sa mga nakaraang welga ng mga tsuper at protestang bayan ng mamamayan, hindi masisiwalat ang katotohanan at patuloy lamang na mananaig ang batas ng mga gahaman.
