Sa pagbusisi ng House Committee on Justice sa mga testimonya at ebidensiya sa mga reklamong impeachment laban kay Pangalawang Pangulong Sara Duterte sa nagdaang higit isang buwan, maraming bagong impormasyong nalaman ang taumbayan sa salaping nilustay at pati na ang tagong yaman.
Sa mga pagdinig ng komite ng Kamara, hindi nasilayan ni isang beses ang pangalawang pangulo kahit pa paulit-ulit siyang inanyayahan na magpaliwanag at harapin ang mga alegasyon laban sa kanya.
Tanging mga abogado niya sa pangunguna ni Michael Poa, na dating chief of staff, spokesperson at undersecretary ng Department of Education (DepEd) noong si Duterte ang kalihim, ang humarap sa mga mambabatas.
At kahit pa may mga abogado si Duterte sa mga pagdinig ng komite, walang direktang tugon sa mga alegasyon ng korupsiyon, nakaw na yaman at iba pang reklamo ang pangalawang pangulo.
Sa halip na harapang sagutin ang mga reklamo, dumulog si Duterte sa Korte Suprema para kuwestiyonin ang proseso ng impeachment at ipatigil ang mga pagdinig ng Kamara.
Sa petisyon ni Duterte na isinumite sa Korte Suprema noong Abril 7, sinabi niyang inaabuso ng Kamara ang kapangyarihan nito sa pagpapatuloy ng pagdinig sa mga reklamong impeachment.
Pero kahit pa humingi na ng saklolo sa Korte Suprema na ipatigil ang proseso ng impeachment, walang inilabas na temporary restraining order ang hukuman at nagpatuloy ang komite ng Kamara kahit pa naka-session break ang Kongreso.
“In the absence of any legal restraint, the House of Representatives will continue to discharge its constitutional mandate,” pahayag ni House Speaker Bojie Dy.
Nitong Abril 29, aprubado na ng komite ang mga reklamong impeachment. Nagkakaisa ang buong komite sa desisyon sa botong 55-0, walang boto ng pagtutol.
Ayon sa komite, may probable cause ang reklamong impeachment at dapat na itong litisin ng Senado.
Inaprubahan na rin ng komite ang committee report na naglalaman ng articles of impeachment na iaakyat sa plenaryo upang pagbotohan ng mga miyembro ng Kamara sa Mayo 11.
Ayon kay House Justice Committee chairperson Rep. Gerville Luistro, sinunod nito ang prosesong itinakda ng Saligang Batas, Korte Suprema at mismong Kongreso para sa impeachment.
“We honored the process,” aniya. Hindi raw sila nagmadali at hindi nag-shortcut, kundi sinunod ang Konstitusyon.
Sa plenaryo, kinakailangang makuha ang botong pabor ng sangkatlo o 106 na miyembro ng Kamara para aprubahan ang articles of impeachment na ipapadala sa Senado para sa paglilitis.
Nagpahayag naman si Senate President Tito Sotto ng kahandaan para sa impeachment trial, “Ipasa nila o hindi, prepared kami.”
Sa halip na direktang sagutin ang mga paratang sa pangalawang pangulo, pinili ng mga abogado ni Duterte na magsagawa ng press conference para magpaliwanag. Sinabi ni Poa na sasagutin nila ang mga alegasyon sa isang “proper forum.”
Para naman kay Luistro, kung ganoon ang nais ng kampo ni Duterte, sa impeachment trial ng Senado ang proper forum.
Mga alegasyon kay Sara
Umikot ang serye ng mga pagdinig ng komite sa tatlong alegasyon laban kay Duterte: iregularidad sa paggamit sa confidential funds; ‘di maipaliwanag na yaman; at pagbabanta sa buhay ng matataas na opisyal ng gobyerno, partikular kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa inaprubahang committee report, may anim na articles of impeachment na inilatag ang komite para pagbotohan sa plenaryo: maanomalya at maling paggamit sa confidential funds; ‘di maipaliwanag na yaman; malubhang pagbabanta; panunuhol, katiwalian at korupsiyon; paglabag sa Konstitusyon; at pagtataksil sa tiwala ng publiko at iba pang krimeng mataas ang antas.
Sa mga pagdinig ng House Committee on Justice, sinuri nito ang mga ebidensiya mula sa mga testimonya, dokumento, at digital na materyal mula sa nasa 22 testigo at iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan kabilang ang National Bureau of Investigation, Commission on Audit (COA), Anti-Money Laundering Council (AMLC) at Bureau of Internal Revenue (BIR).
Sa testimonya ni Ramil Madriaga, dating tauhan ni Duterte, sinabi niyang sa loob lang ng 24 na oras naubos ang P125 milyon confidential funds na ibinigay ng Office of the President (OP) sa Office of the Vice President (OVP), taliwas sa unang impormasyon na naubos ang pondo sa loob ng 11 araw sa mga huling ng 2022.
Sa kabuuan, may P612.5 milyon na confidential and intelligence fund na ginamit si Duterte mula sa OVP at DepEd mula 2022 hanggang 2023. Kabilang dito ang P125 milyon noong 2022 at P500 milyon noong 2023 mula sa OVP at P112.5 milyon noong 2023 mula sa DepEd.
Peke o walang maipakitang mga resibo at dokumento ang kampo ni Duterte sa mga transaksiyong gamit ang mga pondong ito. Nananatili rin ang Notice of Disallowance mula sa COA para sa P448.2 milyon para sa mga ginamit na pondo.
Sinilip din ng komite ang mga negosyong may kaugnayan sa mga Duterte sa mga dokumentong mula sa Securities and Exchange Commission.
Sa mga General Information Sheet at financial statement ng nasa 10 kompanya, nakita ng komite ang mga hindi tugmang deklarasyon ni Duterte sa kanyang mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) mula 2017 hanggang 2024.
“Nakita natin na may kompanyang nabanggit sa SALN na hindi naman kinikilala ang [bise presidente] bilang stockholder. Napaisip tuloy tayo na baka ang mga pangalan na nakalista ay mga anino o dummy lamang,” ani Luistro.
Sa mga bank account naman na may kaugnayan kina Duterte at Carpio, sinabi ng AMLC na may kabuuang P6.7 bilyon na kahina-hinalang 600 na transaksiyon.
Lubhang mababa naman ang deklarado sa SALN ni Duterte nitong 2024 na nasa P88 milyon na net worth.
“The records showed ‘suspicious transactions’ involving large sums moving through accounts held by Duterte-Carpio and her husband, Mans Carpio, with P2.9 billion left in the accounts after the recorded inflows and outflows,” ani AMLC Executive Director Ronel Buenaventura.
Kapansin-pansin naman na hindi binuksan ang selyadong kahon ng mga income tax return at iba pang dokumento sa buwis ng mag-asawang Duterte at Mans Carpio na mula sa BIR. Sa botong 6-38, pinili ng komite na huwag buksan ang kahon para umano maiwasan ang anumang legal na panganib.
Ngunit para sa mga bumoto pabor sa pagbubukas ng kahon, kabilang ang tatlong mambabatas ng Makabayan bloc, esensiyal na makita ng komite ang nilalaman ng kahon upang malaman kung may probable cause sa ‘di maipaliwanag na yaman ng mag-asawang Carpio-Duterte.
Hakbang sa pananagutan
Sa panahong isinusulat ang ulat ng ito, nasa 137 na mambabatas na ang nagpahayag na bobotong pabor sa committee report na naglalaman ng articles of impeachment sa plenaryong sesyon sa Mayo 11. Kailangan lang ng 106 na boto para umusad ang impeachment complaint at maipadala ang articles of impeachment sa Senado para sa paglilitis.
Sabi ni Sara Duterte, ginagamit lang ang usapin ng confidential funds bilang “political weapon” laban sa kanya. Ngunit para sa mga mambabatas, kung talagang wala siyang ginawang krimen sa mamamayan, humarap siya para sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya.
“These are rehashed lines—’gasgas na script’—meant to evade accountability by playing the victim,” pahayag ng Makabayan bloc.
Mula sa mga pagdinig ng badyet ng OVP sa mga nagdaang taon hanggang sa mga pagdinig sa mga reklamong impeachment, walang malinaw na paliwanag na napala ang taumbayan mula kay Duterte. Sa halip na sagutin ang mga tanong, inililihis ng pangalawang pangulo sa usapin ng pampulitikang atake laban sa kanya.
Ngunit, ayon na rin sa ilang mambabatas ng House Committee on Justice, nararapat na matuloy na ang paglilitis ng Senado upang maliwanagan na ang taumbayan sa mga maanomalyang transaksiyon.
At hindi ito madadadaan sa mga patutsada at pag-iwas sa mga tanong na matagal nang humihingi ng kasagutan.
