Mula sa isang social media post, nakita ng isang Pilipinong turista si dating Presidential Spokesperson Harry Roque sa The Hague, The Netherlands na bumibili ng pagkain sa isang palengke roon kasama ang dalawang babae nitong Mayo 8.
Sa reel ng social media user na si @ashleyismuffin sa Instagram, kumakain lang siya at nagulat nang makita nang malapitan si Roque na nanonood ng isang video ni Sen. Imee Marcos.
Pinaniniwalaang tumakas si Roque patungong The Netherlands noong Setyembre 2024. Huli siyang napabalitang nasa Austria. Ilang buwan na rin ang lumipas na hindi nalalaman ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng dating opisyal ng Malacañang.
Itinuring na pugante si Roque matapos maglabas ang Regional Trial Court sa Angeles City, Pampanga ng arrest warrant noong Mayo 2025 para sa mga kasong qualified human trafficking kaugnay ng mga Philippine offshore gaming operator (POGO) hub.
Humiling si Roque ng asylum sa gobyerno ng The Netherlands noong Mayo 2025 ngunit tinanggihan ito. Muli siyang nag-apply ng asylum sa bansang Austria ngunit wala pa ring desisyon.
Aktibo pa rin ang arrest warrant kay Roque at patuloy na nakikipag-ugnayan ang mga awtoridad ng Pilipinas sa mga kaugnay nitong bansa sa Europa at pati sa Interpol para tuluyan siyang maaresto at maiharap sa husgado.
