Uncategorized

Pag-akyat ng Panginoon at panlipunang pakikipagtalastasan – Pinoy Weekly

Pag-akyat ng Panginoon at panlipunang pakikipagtalastasan – Pinoy Weekly


Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ng Panginoon – Mga Gawa 1:1-11 | Salmo 46 | Efeso 1:17-23 | Mateo 28:16-20

Humigit-kumulang animnapung taon na ang nakalipas nang itatag ng Simbahang Katolika ang Pandaigdigang Araw ng Panlipunang Pakikipagtalastasan o World Social Communications Day na ating ipinagdiriwang tuwing Dakilang Kapistahan ng Pag-Akyat sa Langit ng Panginoon.

Marahil kaya rin malapit sa akin ang pagdiriwang na ito sapagkat ang kongregasyong aking kinabibilangan, ang Society of St. Paul, ay may natatanging misyon na ipalaganap ang Mabuting Balita gamit ang “fastest and most efficacious means of social communication.”

Mula pa noon, kinilala na ng Simbahan na ang komunikasyon ay hindi lang simpleng pagpapadala ng impormasyon. Ito’y pakikibahagi sa katotohanan, paghubog ng kamalayan at pakikipagtagpo sa tao. Kaya ngayong taon, makahulugan ang paanyaya ni Papa Leon XIV sa temang “Preserving Human Voices and Faces.”

Sa gitna ng artificial intelligence (AI), troll farms, virtual influencers at algorithmic realities, tila may lumalalim na krisis: habang mas marami tayong “connection,” mas nawawala naman ang tunay na pakikipagtagpo.

Mahalagang maunawaan kung ano talaga ang ibig sabihin ng “Pag-Akyat” ni Hesus. Sa modernong isip, para itong eksenang sci-fi: paakyat si Hesus sa kalangitan hanggang matabingan ng ulap. Ngunit sa biblikal na imahinasyon ng sinaunang Near East, ang pag-akyat ay hindi simpleng pagbabago ng lokasyon kundi simbolo ng pagluklok ng isang hari matapos ang tagumpay laban sa kasamaan.

Sa mga sinaunang mito at kuwento ng Ancient Near East, ang bundok ang lugar ng trono ng diyos o hari—ang lugar ng kapangyarihan at paghahari. Kaya sa Ebanghelyo ngayong linggo, hindi aksidenteng sa bundok naganap ang huling pagpapakita ni Hesus.

Sa buong Ebanghelyo ni Mateo, ang bundok ay lugar ng kapahayagan: sa bundok itinuro ni Hesus ang Beatitudes; sa bundok siya nagbagong-anyo, at ngayon, sa bundok din niya ibinibigay ang kanyang huling habilin. Ang “pag-akyat,” samakatuwid, ay isang pagpapahayag: ang ipinako sa krus ay siya ngayong tunay na Hari!

Umaalingawngaw naman sa Salmo: “Umakyat sa trono ang Panginoong Diyos.” Ang Ascension ay enthronement. Coronation. Hindi ito escape from the world kundi pag-angkin ni Kristo sa buong kasaysayan. 

Sa ikalawang pagbasa mula sa Efeso, malinaw ang larawan ng Kristong Hari: Siya’y “naluklok sa kanan ng Diyos,” higit sa lahat ng pamunuan, kapangyarihan, at paghahari.

Sa mundo ng Imperyo Romano kung saan inaangkin ni Caesar ang titulong “panginoon,” radikal ang deklarasyong ito ni San Pablo. Hindi si Caesar ang may huling salita. Hindi ang imperyo. Hindi ang anumang kapangyarihang nag-aangking kayang kontrolin ang isip at puso ng tao.

Si Kristo ang Panginoon. At dahil ang umakyat sa langit ay hindi lang tunay na Diyos kundi tunay ring tao, dala rin ng kanyang pagluklok ang pag-asa para sa ating sangkatauhan. Ang ating hantungan ay hindi maging machine-like kundi maging ganap na tao sa Diyos.

Nang sinabi ni Hesus sa Ebanghelyo na, “Humayo kayo at gawin ninyong alagad ko ang lahat ng bansa,” mas nagiging makahulugan ito. Ang utos na ito ay hindi lang paraan ng pagmimisyon kundi pagpapahayag ng isang kuwento at isang katotohanan—ang katotohanang nagkatawang-tao.

Kaya isinugo ang Simbahan upang dalhin ang Mabuting Balita sa lahat ng espasyo kung saan naghahanap ang tao ng kahulugan at katotohanan. Mula sa mga sulat ni San Pablo hanggang sa printing press, mula radyo hanggang social media, patuloy na ginagamit ng Simbahan ang iba’t ibang paraan ng komunikasyon upang maipahayag si Kristo.

Ngunit sa ating panahon, nagiging masalimuot ang usapin ng komunikasyon. Sa ekonomiya ng atensiyon ngayon, ang mahalaga ay clicks, virality at engagement—kahit minsan ay kapalit nito ang katotohanan o dignidad ng tao.

Nagiging negosyo ang galit at commodity ang disinformation. At produkto ang mismong tao. Sa dami ng AI-generated content, deepfakes, bots at virtual personalities, may panganib na mawalan tayo hindi lang ng katotohanan kundi pati ng tunay na pakikipagtagpo.

Kaya napakatalim ng paanyaya ni Papa Leon XIV na pangalagaan ang tinig at mukha ng ating kapwa. Sabi nga ng isang eksistensyalistang pilosopo, ang mukha ng kapwa ay nananawagan sa atin tungo sa pananagutan at pagiging responsable para sa kanila. Sa tuwing nakikita natin ang mukha ng ating kapwa, kinikilala natin ang kanyang pagiging kawangis ng Diyos.

Kaya sa panahon natin ngayon, sa isang social media age, may panganib na maging faceless ang lipunan—pagpapalaganap ng galit sa pamamagitan ng pagtatago sa likod ng mga fake accounts na humahantong sa kawalan ng accountability sa ating mga ginagawa. Nawawala ang mukha ng kapwa kaya mas madaling mang-insulto, magpakalat ng kasinungalingan o maging manhid sa pagdurusa.

Gayundin, ang “boses” ay higit pa sa simpleng tunog sapagkat ito’y laging konektado sa isang tao. Ngunit sa panahon ngayon, napapaligiran tayo ng napakaraming tinig—AI voices, generated content at synthesized realities—na minsan hindi na natin matukoy kung sino talaga ang nagsasalita at ano ang totoo.

Sa sobrang ingay ng digital world, unti-unting namamatay ang kakayahan nating makinig. Kaya marahil ang hamon sa atin ngayon ay hindi lang magsalita kundi matutong muling makinig sa tunay na boses ng tao—lalo na ng mga pinatatahimik, binabaliwala at hindi napapansin.

Tayo’y pinapaalalahanan na ang Pag-Akyat ni Kristo ay hindi paglayo ng Diyos sa mundo kundi pagdedeklara na ang huling salita sa kasaysayan ay hindi kasinungalingan, hindi manipulasyon at hindi artificial simulation kundi ang paghahari ng katotohanan at pag-ibig.

Ang Hari ay naluklok na. Ngunit iniwan niya sa atin ang misyon ng pakikipagtalastasan—hindi lang upang magbahagi ng impormasyon kundi upang ibalik ang mukha sa mga ginawang numero, ibalik ang boses sa mga pinatahimik at ibalik ang pagkatao sa mundong unti-unting nakakalimot kung ano ang ibig sabihin ng maging tao.




Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning