Dismayado ang unyon ng mga superbisor ng telecommunications company na PLDT sa kakarampot na dagdag-sahod at pagkakait ng mga benepisyo ng manedsment ng kompanya sa negosasyon sa collective bargaining agreement (CBA).
Ikinagalit ng mga miyembro ng Gabay ng Unyon sa Telekomunikasyon ng mga Superbisor (GUTS) ang alok na P50 hanggang P100 dagdag na hospitalization benefits para mga dependent na anila’y insulto sa kabila ng bilyon-bilyong pisong kita ng kompanya.
Nitong Mayo 15, dahil sa pagmamatigas ng manedsment na nagdulot ng hindi pag-usad sa negosasyon sa CBA para sa 2025-2028, naglunsad ng “Jericho walk” ang unyon sa Central Business District ng Makati City.
Ayon kay GUTS president Charlie Arevalo, “standstill” o walang pag-usad ang usapan sa CBA dahil sa delaying tactics at pambabarat ng manedsment.
“Hindi kami hihinto hangga’t hindi nakakamit ang nakabubuhay na sahod at kaukulang respeto sa aming mga karapatan,” ani Arevalo.
Panawagan ng unyon ang makabuluhang taas-sahod na 25% o nasa P18,000, kabilang din sa mga demanda ng GUTS ang mas malawak na hospitalization benefits para sa mga dependent at ang pagpapatupad ng union shop clause upang matiyak ang proteksiyon ng mga na-promote na empleyado.
Iginiit ng unyon na katumbas lang ng halos 12% ng average na kabuuang kita ng PLDT bawat taon ang kanilang hinihinging umento, kaya’t walang dahilan ang manedsment para baratin ang mga superbisor na siyang katuwang sa pagpapatakbo ng operasyon nito sa buong bansa.
Mula 2020 hanggang 2024, may average na kabuuang kita na P201 bilyon kada taon ayon sa mga financial statement ng kompanyang pinamumunuan ni Manny V. Pangilinan bilang chairperson at chief executive officer.
Sa kabila ng 36 na beses na paghaharap sa negotiating table na nagsimula noong Nobyembre 2025, nananatiling bingi ang manedsment sa mga hinaing ng nasa 4,000 superbisor.
Maliban sa protesta sa corporate headquarters sa Makati City, nagkaroon din ng protesta ang mga superbisor sa mga opisina ng PLDT sa Quezon City, Cebu City at Davao City.
Nagpakita rin ng pakikiisa sa mga kilos-protesta at panawagan ng mga empleyado ng PLDT ang mga grupong Manggagawa sa Komunikasyon ng Pilipinas at BPO Industry Employees’ Network.
Ang PLDT ang pinakamatanda at pinakamalaking telecommunication company sa Pilipinas na may mga serbisyong fixed-line telecommunications, mobile telephony, broadband at internet of things sa ilalim ng iba’t ibang brand kabilang ang PLDT Home, PLDT Business, PLDT Enterprise, Smart Communications at TNT.
