Magkatambal ang pananampalataya at protesta sa bayan ng Pakil, Laguna.
Sa harap ng napipintong pagtatayo ng Ahunan Dam, pinagbibigkis ang komunidad ng panalangin at pagkilos upang depensahan ang kanilang pamayanan at ang kalikasang nagkakanlong sa tradisyon, alaala, kultura at pamumuhay. Susing lunsaran ng pagkilos ang lumang simbahan ng San Pedro Alcantara na nagkakanlong sa mahimalang imahe ng Birhen ng Turumba.
Tinatayang 300 ektaryang lupain ang maaapektuhan ng pagtatayo ng Ahunan Dam. Higit sa $1 bilyong ang gagastusin para sa proyekto na nasa pamamahala ng Prime Metro Power Holdings Corp. ni Enrique Razon at JBD Water Power Inc.
Kapalit ng ipinapangakong hydropower plant ang pagkasira ng Sierra Madre at matinding pagbaha sa komunidad. Higit 3,000 puno na ang naitumba bilang bahagi ng proyektong ito.
Mahigpit na nakabigkis ang mga relihiyosong tradisyon at ritwal ng mga Pakilenyo sa kanilang kalikasan. Sa kanyang premyadong aklat na “Ang Bayang Panitikan”, ipinakita ng iskolar na si Jerry C. Respeto ang mahigpit na pagkakabigkis ng mga tradisyon at pagtatanghal ng kabanalan at pananampalataya sa Birhen ng Turumba sa mayamang kalikasan—mula sa Bundok Ping-as hanggang sa baybayin ng Lawa ng Laguna—na kinatatagpuan ng bayan.
Simula nang rumatsada ang mga hakbangin sa pagtatayo ng dam, tuloy-tuloy na ang pagkilos ng sambayanang Pakilenyo sa pagtutol sa proyektong ito.
Matingkad ang kahalagahan ng pananampalataya bilang tagapagbigkis ng sentimyentong panlipunan at tagapagbuklod ng mga mamamayang handang ipagtanggol ang kagalingan ng kanilang pamayanan.
Itinatag ng mga Pakilenyo ang Mamamayan Nagmamahal sa Pakil (Manapak), isang organisasyong nakatuon upang tutulan ang Ahunan Dam. Masigla ang pakikilahok ng mga taong simbahan at relihiyong pamayanan sa paglulunsad ng serye ng mga lakad-panalangin upang ipahayag ang pagkakaisa upang maprotektahan ang Pakil mula sa dambuhalang proyektong ito.
Inilalantad ng pagkakabigkis ng pananampalataya at protesta ang gampanin ng relihiyon bilang balarila ng panlipunang pakikisangkot, pagmamalasakit sa kapwa at pagpapahalaga sa kalikasan bilang biyaya ng Maykapal. Matingkad ang kahalagahan ng pananampalataya bilang tagapagbigkis ng sentimyentong panlipunan at tagapagbuklod ng mga mamamayang handang ipagtanggol ang kagalingan ng kanilang pamayanan.
Dagdag pa rito, ang mga ritwal ng relihiyon at protesta na ito ay mahahalagang tagapag-anyaya rin mula sa mga hindi taga-Pakil na nais magpahayag ng kanilang pakikiisa sa tunguhin ng pamayanan.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang mga pagkilos at matingkad ang panawagan sa iba’t ibang sektor—siyentista, kultural na manggagawa, taong simbahan, akademiko, kabataan at iba pa—na makapag-ambag upang palakasin ang kampanya ng sambayanang Pakilenyo.
Higit na kinakailangan ang pagkakaisa sa panahon ng malaong pagkasira ng kalikasan sa ngalan ng kaunlarang dinidiktahan ng korporatisadong interes. Sa rehiyon ng Timog Katagalugan kung saan matatagpuan ang Pakil, nariyan din ang banta ng Kaliwa Dam na wasakin ang panirahan ng mga katutubong Dumagat-Remontado sa Sierra Madre.
Sa harap ng mga bantang pagkasira ng kalikasan at mga pamayanan, nabubuo ang muog ng sambayanang nananampalataya at nakikibaka.
