Dalawang buwan matapos ang masaker sa Toboso, Negros Occidental, muling nanawagan ang mga kaanak ni Errol Wendel na agaran nang ibalik ang kanyang mga labi.
“Pinatay na nila ‘yong anak ko, tinanggalan pa ako ng karapatan bilang ina na gusto ko lang maibalik ang anak ko na hindi ko maintindihan bakit ayaw nila ibigay sa amin iyon,” sabi ni Lisa, ina ni Wendel.
Ayon sa kapatid ng biktima, bukod sa agarang hustisya, gusto ng pamilya na agad mabigyan ng permiso na maiuwi ang tunay na bangkay ng kanilang mahal sa buhay. Noong Mayo 7, ibinahagi ni forensic pathologist Dr. Raquel Fortun na mali ang unang bangkay na ibinigay ng militar sa pamilya.
Ibinahagi ni Florence Guzon ng Manindigan Negros na tumanggi ang pamahalaang lokal ng Don Salvador Benedicto sa Negros Occidental, kung saan posibleng nakalibing si Wendel, sa lahat ng rekwes ng Commission on Human Rights kaugnay sa paghukay sa bangkay ni Wendel.

Ayon kay Guzon, hindi ito naaprubahan dahil sa patakarang itinakda ng Department of Health na kailangan lumipas ang tatlong taon bago maaaring hukayin ang isang bangkay.
Pero ayon kay Guzon at iba pang tanggol-karapatan, dapat bigyan ng “humanitarian consideration” ang kaso ni Wendel dahil pagkakamali ng gobyerno ang dahilan sa kaguluhan.
“Hangga’t hindi natin nakuha ang bangkay at naibalik sa pamilya, dapat hindi tayo titigil sa pagkilos,” ani Ronnie Manalo ng Tanggol Magsasaka. Dagdag niya, tuloy ang pagkilos para sa hustisya at makataong reporma sa lupa sa Negros.
Inimbitahan naman ng mga kaanak ang lahat ng nakikiisa sa kampanyang hustisya sa nakatakdang pagtatatag ng “Justice For Negros 19” sa Hunyo 24, sa College of Media and Communication sa University of the Philippines Diliman.
