Pagsagasa ng Salex sa heritage sites, pinangangambahan – Pinoy Weekly

Pagsagasa ng Salex sa heritage sites, pinangangambahan – Pinoy Weekly


Nangangamba ang grupong Manileños for Heritage (M4H) sa posibleng pagsagasa ng proyektong Southern Access Link Expressway (Salex) ng San Miguel Corporation sa 50 makasaysayang lugar sa Maynila.

Matapos ang mapping ng M4H nitong Mayo 31, inilatag nila ang maaapektuhang mga makasaysayang gusali at mga punong mapuputol kapag itinuloy ang pagpapagawa ng Salex.

Kabilang sa daraanan ang Quirino Avenue, Roxas Boulevard, Pedro Gil Street at Padre Faura Street na lulan ng mga kultural at makasaysayang pook at pasyalan tulad ng Manila Zoo, Casa Tesoro, Malate Church, Fort San Antonio Abad at Paco Park sa Maynila.

Ang nasabing expressway ay magdurugtong sa Metro Manila Skyway Stage 3 patungo sa ibang parte ng Kamaynilaan, gayundin sa iba’t ibang paliparan, kagaya ng Ninoy Aquino International Airport sa Pasay City at New Manila International Airport sa Bulacan.

Ayon sa M4H, kahit na ang iminumungkahi’y nakataas na kalsada, hindi pa rin maaalis ang posibilidad na masira ang mga establisimyento o mga punong nakapailalim rito.

“Mahalagang i-highlight na maraming iba pang pamana ng mga ari-arian ng komunidad na maaaring maapektuhan, hindi lamang sa pamamagitan ng pisikal na panghihimasok at ng mga epekto ng matataas na imprastraktura, kundi pati na rin sa pamamagitan ng mga dramatikong pagbabago na maaaring idulot nito sa pangkalahatang kalidad ng buhay ng mga residente at stakeholder sa lugar,” ayon sa M4H sa isang Facebook post.

Kabilang din sa mga kumokondena ang grupong CARe-Centric Ph, na nagpahayag hindi lang ito usaping imprastruktura, kundi isang matinding pagbabago sa buhay ng mga Pilipino.

“Hindi lamang tayo nagkakaroon ng panibagong kalsada, bagkus nawawala sa atin ang mga punong silungan, maayos at malinis na kalsadang tawiran ng mga mamamayan, at ng pagkakakilanlan ng mga nakatira rito. At tulad ng iba pang mga naipagawa na kalsada, magdudulot lamang ito ng mas maraming sasakyan, mas maraming polusyon na lubhang makaaapekto sa mga residente,” ayon sa CARe-Centric Ph.

Nakatakdang maghain ng iba’t ibang pagsusuri ang M4H sa lokal at pambansang gobyerno upang maipaliwanag ang magiging epekto ng Salex hindi lang sa mga tao kundi maging sa mga puno at mahahalagang pook at kasaysayan sa Manila.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning