Tagumpay ng mga Pinoy ang pagkatanggal kay Sen. Alan Peter Cayetano bilang senate president. Nabawasan ang balakid sa hangaring mapatalsik si Pangalawang Pangulong Sara Duterte. Ngayon, mahalaga na mapalawak at mapalakas pa ang kilusang bayan para mapanagot ang lahat ng sangkot sa sistematikong korupsiyon.
Sa isang espesyal na sesyon ng Kongreso noong Hunyo 17, pormal nang naluklok si Sen. Sherwin Gatchalian bilang pinuno ng Senado. May bago nang komposisyon ang mayorya at minorya. Nakuha ni Sen. Erwin Tulfo ang Blue Ribbon Committee na nag-iimbestiga sa korupsiyon sa flood control, habang inaabangan pa kung sino ang itatalagang presiding officer sa impeachment trial.
Tapos na ba ang drama sa Senado? Hindi. Inaasahang titindi pa nga ang bangayan sa paggulong ng impeachment at imbestigasyon sa korupsiyon, na puno’t dulo ng ilang buwan nang larong buko ng dalawang Senado, ang Senado ni Duterte at Senado ni Marcos Jr.
Sa panibagong rigodon, naagaw ng Senadong Marcos Jr. ang bola sa impeachment ni Duterte at sa kung sino ang idadawit sa korupsiyon sa flood control. Nagsimula na ang mga pre-trial conference at tiniyak na tuloy ang impeachment trial sa Hulyo 6. May paunang pagdinig na rin ang Blue Ribbon Committee para kontrahin ang mga paratang ng 18 “Maleta Boys” ni Zaldy Co.
Nalagasan ang Senadong Duterte sa paglipat-bakod nina Sen. Chiz Escudero at Sen. Joel Villanueva, pagkaaresto kay Sen. Jinggoy Estrada at pagtatago ng puganteng si Sen. Ronald dela Rosa. Pero panay pa rin ang banat ni Cayetano sa social media at paghahabol sa Supreme Court para kuwestiyunin ang pagsipa sa kanya sa puwesto.
Ginagamit ng mga senador ni Duterte ang kuwentong maleta ng goons ni Co para maghugas-kamay sa korupsiyon at ibaling ang opinyong publiko laban sa Senadong Marcos Jr. at mga kritikong nagsasangkot sa kanila sa katiwalian.
Napakahalaga kung gayon na palawakin at palakasin pa ang pagkilos ng mamamayan para ma-impeach si Duterte at mapanagot ang lahat ng sangkot sa korupsiyon sa flood control projects at iba pang pagawaing-bayan.
Ang Senadong Duterte, desperadong iabsuwelto ang pangalawang pangulo para makatakbong presidente sa 2028. Umaasa silang makapanatili o magkahigit pang kapangyarihan sakaling makabalik sa poder ang mga Duterte.
Ang Senadong Marcos Jr., kailangang ma-impeach si Duterte para hindi makatakbo sa 2028. Ikinakabahala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang posibleng ganti ni Duterte sa pampolitikang panggigipit at pagpapaaresto sa International Criminal Court kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nagtuturuan ang dalawang kampo kung sino ang dapat managot sa anomalya sa flood control, na pareho naman nilang kinasasangkutan. Nagbabatuhan ng putik ang mga kampon nina Duterte at Marcos Jr. para protektahan ang kani-kanilang kapangyarihan at parehong matakasan ang pangungulimbat sa kaban ng bayan.
Ang mga maka-Duterte, gustong itinuturol si Marcos Jr. bilang utak ng flood control habang inaabsuwelto naman ang kani-kanilang sarili sa mga maanomalyang proyekto sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Ang mga maka-Marcos Jr., pinipili lang ang mga idinadawit sa korupsiyon sa mga kakampi ni Duterte, habang pinagtatakpan ang nagpapatuloy at sumahol pa ngang pagbulsa ng “allocables” sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Naungkat sa imbestigasyon ng Philippine Center for Investigative Journalism na halos lahat ng senador, kampo man ni Duterte o Marcos Jr., ay may kanya-kanyang kinakaharap na mga kaso ng katiwalian, kriminal at paglabag sa internasyonal na batas.
Maaasahan bang magkaroon ng tunay na pananagutan kung sila-sila rin ang nagnakaw sa kaban ng bayan? Mawawakasan ba nila ang korupsiyon kung sila-sila rin ang nangungurakot?
Aabangan pa ang mga susunod na kabanata ng teleserye ito. Pero ang malinaw ngayon, walang kinalaman sa pananagutan at pagwakas sa korupsiyon ang larong buko ng dalawang Senado.
Hindi nawawakasan sa pagpapalit lang ng liderato ng Senado ang korupsiyon at pagnanakaw sa kaban ng bayan. Pinapalitan lang nito kung sino ang mapapanagot at makakaligtas.
Napakahalaga kung gayon na palawakin at palakasin pa ang pagkilos ng mamamayan para ma-impeach si Duterte at mapanagot ang lahat ng sangkot sa korupsiyon sa flood control projects at iba pang pagawaing-bayan.
Sa pagsisimula ng impeachment trial ni Duterte at sa mga gagawing imbestigasyon sa korupsiyon, dapat magbantay at makilahok ang bawat Pinoy. Hindi dapat magpalinlang at magpabola sa larong buko ng mga kurakot, mga trapo at mga dinastiya. Dapat ding itakwil ang kaisipang hintayin pa ang eleksiyon sa 2028 bago panagutin at sibakin ang mga kurakot at magnanakaw.
Ang tunay na pananagutan at pagwakas sa korupsiyon, wala sa Senadong Duterte o Senadong Marcos Jr. Mahigpit na pagkakaisa at tuloy-tuloy na pagkilos at pagprotesta ng mamamamayan ang solusyon. Ang tamang panahon ay ngayon.
