Pol pris

Pol pris


Ngayong Hunyo, naglabas ng praymer ang Karapatan hinggil sa political prisoners. Isang bahagi ng paliwanag nito ang pumukaw sa akin: ang paggamit ng “persons deprived of liberty” bilang pangkalahatang termino sa mga detinado at bilanggo na bahagyang nagpapalabnaw sa dahilan ng pagkakakulong ng mga ito. 

Dito mas tumingkad sa akin na kung pagkakaitan ka ng kalayaan at karapatan dahil taliwas ang iyong pampolitikang prinsipyo sa gobyerno, pagkakaitan ka rin ng oportunidad na linawin at ipaalala ang kasaysayan ng iyong pagkakabilanggo. 

Taong 2017 noong inanunsiyo ng Bureau of Corrections na gagamitin na ang terminong ito alinsunod sa Mandela Rules o ang resolusyong nagtatakda sa minimum na pamantayan sa pagtrato sa mga bilanggo na ipinatupad ng United Nations.

Kabilang sa mga pamatayan na ito ang mga sumusunod: (1) Lahat ng bilanggo ay kailangang tratuhin nang may respeto at dignidad bilang tao, kaya wala sa kanilang dapat dumanas ng tortyur at iba pang nakasisira sa kaniyang dangal; (2) Kailangang natutugunan ang personal na pangangailangan ng mga bilanggo, lalo na ang mga pinakabulnerable, at hindi maaaring magkaroon ng diskriminasyon batay sa lahi, kasarian, wika, relihiyon, politikal na opinyon, bansang pinagmulan at iba pang katulad; at (3) Hindi dapat nakadadagdag pa sa pagdurusa na ng isang bilanggo ang kalagayan niya sa loob ng piitan.

Sa kabuuan ay may 122 batas ang Mandela Rules na sumasaklaw sa iba’t ibang aspekto ng pagpapagana sa mga bilangguan, kasama ang pagturing sa mga may kapansan, may kondisyong medikal at mental, mga pamamaraan upang magkaroon ng pag-aaral at aklatan, kondukta ng mga inspeksiyon, alituntuning pandisiplina at marami pa. 

Gayunpaman, maraming nag-uulat ng mga kalunos-lunos na kalagayan sa loob ng mga bilangguan sa bansa. Nariyan ang overcrowding, labis na init, maruming tubig, hindi maayos na palikuran, hindi masustansiyang pagkain at gulo. May isang pag-aaral na naglarawan sa dalawang bilangguan sa Mindanao na “most challenging carceral settings.”

Nagpaalala ang Korte Suprema noong 2025 na kailangan paunlarin ang kalagayan ng mga bilangguan matapos itong malantad sa isang imbestigasiyon hinggil sa reklamo ng Commission on Human Rights sa pagkakaroon ng “secret detention cell” sa isang estasyon ng pulis. Nagbunsod ang imbestigasiyon ng pagpapaalalang tungkulin ng estado na panatilihing maayos ang kalagayan ng mga kulungan at detensiyon. Napakarami ring matatandang bilanggo na hindi nakatatanggap ng karampatang lunas at gamot para sa kanilang mga sakit.

Noong 2018, namatay ang bilanggong politikal na si Alex Arias dahil sa atake sa puso. Edad 63 siya noong pumanaw at anim na taong nakadetine habang nililitis ang mga gawa-gawang kaso laban sa kaniya. Noong 2016, pumanaw ang bilanggong politikal at dating konsultant ng NDFP na si Eduardo Serrano sa edad na 62. Mula na mismo sa isang korte sa Quezon City na kailangan na siyang palayain matapos ang 11 taong pagkakakulong dahil sa maling pagkakakilanlan.

Noong 2021, naman pumanaw ang 75 taong gulang na bilanggong politikal na si Jesus Alegra. Labing-anim na taon siyang nasa kulungan dahil sa kasong ginamit laban sa kanya upang itaboy siya sa maliit na lupang sinasaka sa Sagay, Negros Occidental. Tatlo lang ang mga ito sa nasa 685 na bilanggong politikal, habang nasa 52,000 naman ang kabuuang bilang ng mga bilanggo sa buong bansa.

Bagaman nilalayon ng taguring “person deprived of liberty” na nananatili ang dignidad ng mga nasa bilangguan, tatagos lang ang kahulugan nito kung magkakaroon ng makabuluhang pagbabago sa sistema ng pagkamit ng hustisya sa bansa.

Samantala, ang pagpapanatili at paggiit na gamitin ang terminong political prisoner o bilanggong politikal ay pagpapaalala sa dahilan ng kanilang pagkakabilanggo at lalo pang naglalantad sa “parusa” ng estado sa mga tumutunggali rito. Itinuturing silang walang pinagkaiba sa mga napatunayang gumawa ng krimen. 

May tumatagal sa kulungan dahil sa bagal ng sistema ng hustisya sa bansa at dahil walang access dito ang pinakamahihirap na bilanggo, kalunos-lunos ang kalagayan ng mga nasa kulungan dahil na rin sa konsepto ng parusa at hustisya ng estado, at may mga bilanggong politikal dahil itinuturing silang kalat, sagabal at hadlang sa mga polisiya at programa ng gobyerno. Dito pa lang, wala nang dignidad na ibinibigay ang nasa kapangyarihan kaya babawiin na lang sa pangalan.  

Anumang pagtatangkang baguhin ang pangalan o tawag sa isang tao sa ngalan ng paggalang at/o political correctness ay magsisilbi lamang sa nagsambit, lalo kung wala namang nararamdamang pagbabago sa pagturing ang pinatutungkulan.




Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning