Kumusta na sa ating mga paaralang sira—este, sinta?
Nitong unang linggo ng Hunyo, muling nagsama-sama ang mga guro, magulang, at estudyante para maglinis ng paaralan sa taunang Brigada Eskwela. Marami sa mga kabataan ang mapapansing sabik sa pagtatapos ng kanilang bakasyon at nagboluntir sa paghahanda ng mga klasrum kasama ang kanilang mga barkada.



Sa kabilang banda, nakakunot ang noo ng halos lahat ng mga guro at magulang habang nagwawalis sila ng mga sahig at nagpupunas ng mga upuan at mesa. Iniisip nila ang mga inakong trabaho at inabonong gamit bago pa magsimula ang pasukan.

Makasaysayan ang P1 trilyon badyet ng Department of Education (DepEd) ngayong taon sapagkat ito ang unang beses na naglaan ang gobyerno ng 4% ng gross domestic product (GDP) ng bansa o P1.35 trilyon para sa sektor ng edukasyon. Ipinagmamalaki ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtupad sa pamantayang ito ng United Nations para matugunan ang deka-dekadang mga problema sa mga pasilidad, kagamitan sa pag-aaral at iba pang mga programa para sa mga estudyante’t guro.
Ngunit ngayong pasukan, umaalingawngaw ang tanong ng maraming guro gaya ni Helenette Ramirez mula sa isang paaralan sa Quezon City, “Nasaan na ba ang budget na ‘yan? Parang hindi namin nararamdaman.”

Kabilang si Ramirez sa mga gurong naglinis at nag-ayos ng kagamitan ng kanyang homeroom para sa buong taon. Matagal na siyang sanay sa ganitong kalakaran.
“Hindi talaga makakakilos kung hindi bubunot muna sa’min ng kaunting halaga ng pera. Ang iba lang [ay] ‘yong energy namin. Hindi naman kami bumabata,” sabi ni Ramirez.

Ani Ramirez, maraming Pilipinong guro ang napipilitang tumigil o nangingibang-bansa dahil sa kawalan ng suporta ng estado.
Dagdag-pasanin pa ang mga polisiya’t reporma na mabilisang ibinababa ng DepEd nang walang sapat na konsultasyon sa mga guro, tulad ng three-term school calendar at Academic Recovery and Accessible Learning (Aral) tutoring program.

“Ang dami-daming programang ginagawa pero hindi natutumbok [ng DepEd] ang solusyon para sa learning crisis,” daing ni Ramirez. “Kung gusto nila ng dekalidad na edukasyon, kamustahin nila kaming mga [teacher tungkol sa] mga pangangailangan namin.”
Matagal nang nakikipagbuno si Ramirez at iba pang mga kasaping guro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa pamahalaan para sa dagdag-pondo sa edukasyon, nakabubuhay na suweldo para sa mga guro, at isang makabayan, siyentipiko at makamasang sistema ng edukasyon.

Para kay Ramirez, masasabing disente na ang edukasyon sa Pilipinas kapag mulat ang kabataan sa kanilang hangarin sa buhay at kung para saan sila nag-aaral. Ngunit tiyak na hindi ito matatamasa kung mga guro pa rin ang sasalo sa mga puwang na gobyerno dapat ang may pananagutan.
