Parang ‘di pamilya e – Pinoy Weekly

Parang ‘di pamilya e – Pinoy Weekly


Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon – 2 Hari 4:8-11, 14-16a | Salmo 88 | Roma 6:3-4, 8-11 | Mateo 10:37-42

Alam naman natin na napakalaki ng pagpapahalaga natin sa pamilya. Sa pamahalaan, ang pamilya ang itinuturing na pangunahing yunit ng lipunan. Para naman sa Simbahang Katolika, ang pamilya ang pundasyon ng lipunan at isang “munting simbahan” (Domestic Church).

Nagkakasundo ang Simbahan at pamahalaan sa pagkilala na ang pamilya ay binubuo ng dalawa o higit pang taong pinag-uugnay ng dugo, kasal o pag-ampon, at namumuhay nang magkakasama. Dahil sa mataas na pagpapahalagang ito sa pamilya, hindi ba nakapagtataka ang sinabi ni Hesus sa ating Ebanghelyo ngayon?

Sa unang tingin, tila mahirap tanggapin ang kanyang mga salita. Si Hesus, na isinugo upang ipahayag ang Mabuting Balita, ay nagsabi, “Ang umiibig sa ama o sa ina nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. At ang umiibig sa anak na lalaki o babae nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin.”

Mas tumitindi ang hamon kapag atin itong i-uugnay sa tila na-redact na part mula sa Ebanghelyo noong nakaraang Linggo at sa kasalukuyang Linggo. Sinabi ni Hesus, “Huwag ninyong isipin na naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa; hindi kapayapaan kundi tabak ang dala ko.” Paano nagkakaroon ng tensiyon ang mensahe ng Prinsipe ng Kapayapaan? Paano nagiging sanhi ng alitan ang Mabuting Balita?

Marahil dahil may mga uri ng kapayapaan na nakabatay lang sa pananahimik sa harap ng mali. May pagkakaisang nabubuo dahil walang gustong magsalita tungkol sa mga sugat na matagal nang ikinukubli. May mga pamilyang mukhang maayos ngunit may nakatagong pang-aabuso o kawalang-katarungan. Kapag dumating ang katotohanan ni Kristo, hindi niya hinahayaang manatili ang mga ito sa dilim. Ang Ebanghelyo ay hindi naghahasik ng away, ngunit inilalantad nito ang mga kompromisong matagal nang tinatanggap bilang normal.

Dahil dito, ang pagsunod kay Kristo ay maaaring magdulot ng tensiyon maging sa loob ng pamilya. May anak na nais manindigan para sa tama ngunit pinipigilan ng mga magulang. May magulang na nagsisikap mamuhay nang may integridad ngunit kinukutya ng sariling anak. May mga taong tumugon sa tawag ng Diyos kahit hindi ito maintindihan ng kanilang mga mahal sa buhay. Hindi laban si Kristo sa pamilya. Ngunit may mga sandaling ang katapatan sa Diyos ay humihingi ng pasyang hindi lahat ay mauunawaan.

Kasabay nito, ipinakikita rin ng Ebanghelyo na ang kaharian ng Diyos ay mas malawak kaysa sa mga ugnayang dulot ng dugo o apelyido. May mga kamag-anak na maaaring tumutol sa atin dahil sa ating pananampalataya, ngunit may mga estrangherong nagiging katuwang sa misyon. May mga taong hindi natin kaano-ano na nagpapakita ng kabutihan at pakikiisa na hindi natin inaasahan. Lumalampas ang Diyos sa mga hangganang tayo mismo ang gumuguhit.

Ito ang ipinakikita ng Unang Pagbasa. Isang mayamang babae sa Sunem ang nagbukas ng kanyang tahanan para kay Eliseo. Wala siyang hinihinging kapalit. Nakita lang niya na ang propeta ay lingkod ng Diyos at karapat-dapat tulungan. Naglaan siya ng silid at mga pangangailangan nito upang makapagpahinga ang propeta. Sa simpleng pagtanggap na iyon, naging bahagi siya ng gawain ng Diyos at tumanggap ng pagpapalang hindi niya inaasahan.

Mahalagang paalala ito sa ating panahon. Hindi lahat ay tinatawag upang mangaral mula sa pulpito o magmisyon sa malalayong lugar. Ngunit lahat ay maaaring makibahagi sa misyon sa pamamagitan ng pagtulong at pagsuporta. Maraming naglilingkod sa Simbahan at sa komunidad dahil may mga taong handang magbahagi ng oras, panalangin, lakas o kahit isang simpleng basong tubig. Sa mata ng Diyos, walang kabutihang nasasayang.

Ito rin ang punto ni Hesus sa dulo ng Ebanghelyo. Ang tumatanggap sa kanyang mga alagad ay tumatanggap din sa kanya. Ang bawat kabutihang ginagawa para sa iba ay nakikita ng Diyos. May halaga ang bawat kilos ng pagmamahal sapagkat ang Diyos mismo ay mapagbigay at marunong kumilala sa kabutihan.

Sa Ikalawang Pagbasa mula sa Sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma, pinaaalalahanan tayo na sa pamamagitan ng binyag, nakikibahagi tayo sa kamatayan at muling pagkabuhay ni Kristo. Ang ating buhay ay hindi na umiikot sa ating sarili lang, nakikibahagi tayo sa kanyang misyon. Kung tayo ay tunay na kaisa ni Kristo, hinahayaan natin siyang hubugin ang paraan ng ating pag-iisip, pagpapasya at pakikitungo sa kapwa.

Kaya marahil ito ang tanong ng mga pagbasa ngayong Linggo: Sino ba talaga ang nasa sentro ng ating mga relasyon? Hindi hinihingi ni Hesus na talikuran natin ang ating pamilya. Inaanyayahan niya tayong ilagay ang Diyos sa sentro upang matutuhan nating magmahal nang mas malalim at mas malaya. Kapag si Kristo ang sentro, ang ating pagmamahal ay hindi nagiging mapang-angkin. Nagiging pagmamahal itong nagbibigay-buhay sa iba.

Sa ating lipunan ngayon, marami ang nananawagan ng pagkakaisa. Ngunit ang pagkakaisang walang katotohanan ay marupok. Hindi ito mabubuo sa pagwawalang-bahala sa mali o sa pagsunod lang sa makapangyarihan. Ang pagkakaisang nais ng Ebanghelyo ay nakaugat sa katotohanan at pagkilala sa dignidad ng bawat tao. May mga pagkakataong nagdudulot ito ng tensiyon, ngunit ang layunin nito ay paggaling at mas matatag na pagkakaisa.

Hindi naman ipinupunto ni Hesus na dapat wala tayong pagmamahal sa mga ating pamilya, datapwat tinitingnan niya kung sapat ba ang ating pagmamahal sa kanya upang piliin ang tama kapag mahirap, upang buksan ang ating puso sa mga hindi natin kauri at upang magbigay kahit walang katiyakan ng kapalit.

Sa kaharian ng Diyos, may mga kamag-anak na nagiging estranghero at may mga estrangherong nagiging pamilya. At doon natin mauunawaan na ang buhay na ibinibigay kay Kristo ay hindi nawawala. Sa kanyang mga kamay, ito ay mas ganap na natatagpuan.




Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning