Mangingisda, katutubo, nangangamba sa pag-arangkada ng ‘clean energy’ sa balwarte ng mga Marcos – Pinoy Weekly

Mangingisda, katutubo, nangangamba sa pag-arangkada ng ‘clean energy’ sa balwarte ng mga Marcos – Pinoy Weekly


Sa dalampasigan, habang tirik ang araw, nakayukong nag-aayos ang isang mangingisda ng itim na sapin ng damong-dagat. Nakalagay ito sa banig na kawayan na inilatag sa buhangin. Suot ang sombrerong dayami na sapat ang lapad para liliman ang buong katawan, iniipit at isinisilong ng mangingisda ang kanyang mga binti upang hindi mabilad.

Ang gamet, isang ‘di karaniwan at mahalagang uri ng damong-dagat na matatagpuan sa mga baybayin ng Ilocos Norte, ay pangunahing pagkain ng mga komunidad ng mangingisda at popular na pasalubong ng mga turista.

Ngunit may panganib ang pag-aani ng hinahanap-hanap na damong-dagat. Tulad ng mas kilalang nori, kabilang ito sa pamilyang Bangiaceae ng pulang algae at tumutubo lang sa matutulis at matatalim na bato sa mas malamig na tubig ng hilagang baybayin ng Pilipinas.

Inilalatag ng isang mangingisda sa Burgos, Ilocos Norte ang sapin ng gamet upang patuyuin sa dalampasigan. Michael Beltran/Mongabay

Sa kabilang dulo ng dalampasigan, kararating lang sa pampang ni Ed Singson, lider ng lokal na samahan ng mga mangingisda. Dala niya ang isang timba ng sariwang gamet. Kumuha siya ng isang dakot ng damong-dagat mula sa timba at sinabi, “Magpoprotesta kami sa karagatan para rito kung kailangan.”

Nalaman ni Singson, 55, at ng kanyang mga kapwa mangingisda mula sa lokal na awtoridad ang plano ng isang dayuhang kompanya na magtayo ng malawak na hanay ng offshore wind turbines sa tradisyonal na pangisdaan.

Nangangamba sila na ang konstruksiyon, panginginig at, sa kalaunan, ang natapos na mga estruktura ay maaaring makagambala sa kanilang mga ruta sa pangingisda at sa lokal na yamang-dagat.

Sumasailalim sa radikal na pagbabago ang Ilocos Norte, ang pinakahilagang-kanlurang bahagi ng Pilipinas at probinsiya ng pamilya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Kasalukuyang nangingibabaw ang fossil fuels sa lokal na energy mix. Humigit-kumulang dalawang-katlo ng power generation noong 2024 ang mula sa coal. Ngunit nangako ang gobyerno na maabot ang 50% renewables pagsapit ng 2050.

Inilagay ng kasalukuyang administrasyon ang lalawigang pinagmulan ng pangulo sa pangunahing posisyon para maging “renewable energy capital of Southeast Asia” na may dose-dosenang malalaking proyekto.

Gayunpaman, nakikita ng lokal na mga komunidad ng mangingisda at katutubo ang mga proyektong ito bilang banta sa kanilang kabuhayan. Nangangamba sila na sa kanila ipapapasan sa bigat ng pagpapaunlad ng imprastruktura ng enerhiya kahit pa wala silang matatanggap na tunay na benepisyo.

Pinamumunuan ni Fr. Arvin Mangrubang, kura paroko ng Iglesia Filipina Independiente (IFI) sa bayan ng Pasuquin, Ilocos Norte, ang Salwadan, isang koalisyon ng mga residente mula sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan na nakatuon sa hustisyang pangkalikasan.

Naniniwala ang pari na hahantong ang mga bagong proyekto sa pangangamkam ng lupa at pagkawasak ng likas na yaman, sunod sa nasaksihan na niya noon.

“Ang kabuhayan ng mga mangingisda, ang lupain ng mga katutubo, ang mga isda at korales sa ating karagatan—lahat ng walang hanggang yamang iyan ay nagsilbi sa atin sa loob ng maraming henerasyon at lahat ng ito ay pinupuntirya,” sabi ni Mangrubang. “Ilang henerasyon ng mga tao ang mapagsisilbihan ng dambuhalang mga windmill na ito?”

Ayon naman sa pamahalaang panlalawigan, nagsusumikap itong mabawasan ang anumang negatibong epekto.

Sinabi sa Mongabay ni Joegie Jimenez, program officer sa provincial environment department, na “talagang makatutulong sa ekonomiya ng lalawigan ang mga proyektong pang-enerhiya. Ngunit kailangan nating tiyakin na hindi natin mapipinsala ang mga komunidad ng mangingisda.”

Nagbibigay ng abo si IFI Laoag Bishop Vermillion Tagalog noong Ash Wednesday. Michael Beltran/Mongabay

Nangaral si Bishop Vermillion Tagalog ng IFI Diocese of Laoag, sa isang sermon tungkol sa “stewardship of creation,” tema ng diyosesis para sa taon, at sinabing hinihikayat nito ang environmental vigilance sa simbahan.

“Anuman ang mangyari sa kalikasan ay bumabalik sa atin bilang mga tao. Dapat tumbasan ng pag-unlad ng mga berdeng proyektong ito ang pagkawasak,” aniya.

Ayon sa tala ng Department of Energy (DOE) noong Setyembre 2025, may 1,366 aktibong renewable energy service contracts ang Pilipinas, katumbas ng potensiyal na 141.8 gigawatts (GW). Inaasahang makapagdudulot ang mga bagong wind power project ng 90 GW.

Ipinapakita ng datos mula sa ahensiya na 46 sa mga proyektong ito ay nasa Ilocos Norte, ang balwarte ng pamilyang Marcos. Sa mga ito, 34 ang iginawad matapos maupo si Marcos Jr. noong Hunyo 2022.

Iniuugnay ni Energy Undersecretary Rowena Guevara ang pag-arangkada ng renewable energy sa amyenda noong Nobyembre 2022 sa batas sa enerhiya ng Pilipinas na nagpapahintulot sa buong dayuhang pagmamay-ari ng mga renewable energy project.

Noong huling bahagi ng 2025, inanunsiyo ng DOE na nasa 20 GW ng enerhiya ang lubos na pagmamay-ari ng mga dayuhang korporasyon. Mula sa ibang bansa ang pondo para sa karamihan ng mga proyekto sa Ilocos Norte, kabilang ang Singapore, China, Denmark at Germany.

Sa isang talumpati noong 2023, idineklara ni dating Finance Secretary Benjamin Diokno na “determinado ang Pilipinas na maging pandaigdigang lider sa Race to Net Zero. At magiging estratehikong katuwang ang rehiyon ng Ilocos sa misyong ito.”

Itinatag ng pamahalaang panlalawigan ang Ilocos Norte Investment Promotions Center (INvest) noong 2021 upang mas makaakit ng mga negosyo. Tinanggal nila ang property tax para sa mga potensiyal na mamumuhunan.

Iniuugnay ni Jimenez ang mga proyektong pang-enerhiya sa kanilang rekord na kita at badyet panlalawigan na halos P3 bilyo (humigit-kumulang $49 milyon) para sa 2026.

“Dito, batas ang salita ng mga Marcos,” sabi ni Mangrubang. “At nang maging pangulo si Marcos Jr., napansin naming nakatutok ang pamilya sa clean energy. Ngunit ang tanong, ano ang mapapala ng karaniwang mamamayan?”

Hinihikayat ng pamahalaang lokal ang bilyon-bilyong dolyar na pamumuhunan para sa mga proyekto. Batay sa datos, apat sa mas malalaking wind farm ay nagkakahalaga na ng kabuuang $6.1 bilyon.

Kasalukuyang lumilikha ang lalawigan ng humigit-kumulang 430 megawatts (MW) ng renewable energy. Inaasahang lilikha ang mas bagong mga proyekto ng higit 25 beses pa nito, katumbas ng 10% ng pambansang target. Dadalhin nito ang kabuuang renewable generating capacity ng lalawigan sa 11.3 GW, sapat para sa peak demand ng humigit-kumulang sangkatlo ng bansa.

May populasyon ang lalawigan na bahagyang lampas 600,000, humigit-kumulang 0.5% ng kabuuang populasyon ng bansa, at tinatayang mas mababa sa 100 MW ang electricity demand nito sa 2026.

Isa sa mga proyektong nagdudulot ng pangamba sa mga mangingisda sa Pasuquin ang North Luzon offshore wind farm, tinaguriang BuhaWind Energy, isang P350 bilyon ($5.7 bilyon) na joint venture sa pagitan ng PetroGreen Energy ng Yuchengco Group of Companies at Copenhagen Energy ng Denmark.

Sasaklaw ito sa mga baybayin ng mga bayan ng Bangui, Burgos, Pagudpud, Pasuquin, at, ayon sa ulat, Dumalneg. Binigyan ang proyekto ng lease para sa 25 taon, at ang planong 20-GW capacity nito ang magiging ikaapat na pinakamakapangyarihang green energy source sa mga planadong proyekto.

Nasa 7,000 rehistradong mangingisda ang naninirahan sa mga bayang iyon, halos kalahati ng kabuuang bilang sa lalawigan. Sinasabi ng mga lokal na doble ng opisyal na senso ang aktuwal na bilang.

Ayon kay Tony Tabat, 69, pinuno ng Pasaleng Bay Fisherfolks Association sa Pagudpud, walang kinatawan mula sa BuhaWind o gobyerno ang kailanma’y kumonsulta sa sinuman sa nayon tungkol sa mga epekto ng proyekto.

“Dapat pigilan ang mga ganitong hakbang para maprotektahan ang kabuhayan ng mga tao rito,” sabi ni Tabat sa Mongabay sa wikang Ilocano.

Sinabi naman sa Mongabay ni Vanessa Peralta, communications head ng BuhaWind project, na kinikilala ng kompanya ang mga pangamba tungkol sa kabuhayan. Sinabi niya na natapos nila ang isang information drive noong Pebrero 2026 at natuklasang “walang tuwirang pagtutol.”

Nag-aayos ng huli ang mga mangingisda sa Pagudpud, Ilocos Norte. Michael Beltran/Mongabay

May higit 30 pamayanan sa tabing-dagat sa saklaw ng mga turbine ng BuhaWind. Binisita ng mga kinatawan ng kompanya ang 19 sa mga nayong ito para sa konsultasyon noong nakaraang Pebrero, sabi ni Peralta. Hindi kabilang ang Pasaleng dahil, ayon kay Peralta, pumunta lang sila sa mga lugar na saklaw ng “service contract na may aktuwal na wind turbines at facility components.”

Sa magandang buwan, nasa P10,000 ang kinikita ni Tabat sa pagbebenta ng isda, ngunit karaniwan ay kalahati lang nito ang kanyang kinikita.

Kabilang ang malasugi, dilis, tambakol, tulingan, dorado, talakitok at pugita sa karaniwang huli sa katubigang malapit sa mga baybaying bayan, bukod sa popular na gamet seaweed. Kapag nailagay na ang mga turbine, sabi ni Tabat, kailangan nilang pumalaot ng nasa 100 kilometro palabas upang makahuli para sa isang araw—isang mapanganib na biyahe.

“Maraming nawawala sa ganoong kalayong lugar,” sabi ni Tabat. Umaasa ang mga pamilya at lokal na ekonomiya sa pangingisda. “Mawawala sa amin ang lahat. Hindi ko alam kung paano kami makapagtatayo ng buhay sa ibang lugar.”

Sinabi ng mga opisyal ng BuhaWind project sa Mongabay na may malalaking puwang sa pagitan ng bawat turbine ang kanilang disenyo, kaya makadaraan ang maliliit na bangkang pangisda.

Ayon kay Jimenez, naipresenta na ng kompanya ang mga paraan upang tugunan ang mga pangamba, tulad ng paglikha ng artificial reefs at pagmamapa ng mga daanan ng pangingisda para madaanan ng mga bangka.

“Titingnan natin kung anong mga solusyon ang mayroon sila na maaaring makatulong na sagutin ang mga tanong ng mga lokal,” sabi niya.

Mangingisda ng Pagudpud, Ilocos Norte patungong laot matapos makakita ng kawan ng isdang malasugi. Michael Beltran/Mongabay

Kinikilala ni Guevara ng DOE na magiging mahirap ang konstruksiyon, ngunit sinabing kapag nakatayo at umaandar na ang mga turbine, “babalik nang todo” ang mga isda.

Iniuugnay niya ito sa mga siyentipikong natuklasan mula sa mga karanasan sa ibang lugar, tulad ng daungan ng Grimsby sa United Kingdom (UK), kung saan muling sumigla ang industriya ng pangingisda matapos ang mga turbine mismo ay naging marine habitats.

“Sa offshore wind, hindi makakapasok ang malalaking barko. Sino ang makikinabang? Maliit na mangingisda,” sabi ni Guevara sa Mongabay.

Hindi lahat ay ganoon kaoptimistiko. Natuklasan ng pananaliksik ng Centre for Environment, Fisheries and Aquaculture Science (Cefas) ng pamahalaan ng UK ang inconclusive o ‘di tiyak ang mga resulta para sa kapwa kapaki-pakinabang o nakapipinsalang epekto ng offshore wind sa marine biodiversity.

Sinabi ni Narod Eco, isang siyentista mula sa groupong Agham-Advocates of Science and Technology for the People, na walang dalawang ekosistema ang magkapareho at mas malaki ang posibilidad na makapinsala sa biodiversity ang offshore wind farms kaysa malinang ito.

Nanawagan siya sa gobyerno na “magpatupad ng mas maraming marine protected areas sa pamamagitan ng community-based coastal resource management na pinamumunuan mismo ng mga komunidad ng mangingisda.”

Sinasabi rin ng mga eksperto mula sa Agham na bagama’t wala pang malinaw na ebidensiya na magdurusa sa pangmatagalan ang mga lokal na habitat ng gamet, hindi nila ito maitatanggi.

Sinasabi ng isang working study ng Ilocos Center for Research, Empowerment, and Development (ICRED), isang non-government organization, na ang ingay at panginginig mula sa konstruksiyon at operasyon ng wind turbines ay maaaring “magbago sa distribusyon at galaw ng marine life, lalo na ang pelagic fish. Partikular na ang malalaki at mabilis gumalaw na uri tulad ng yellowfin at bluefin tuna, mataan, dumadara, dorado, tanggigi, at blue marlin.”

Nililinis ng isang mangingisda ang kanyang lambat sa Burgos, Ilocos Norte. Michael Beltran/Mongabay

Binanggit ng grupo ang kahalagahan ng Ilocos Norte bilang ruta ng migratory birds sa Luzon Strait, na nag-uugnay sa hilagang Pilipinas at Taiwan.

“Sa pagsakop sa humigit-kumulang 754 kilometro kuwadrado, maaaring mapaalis ng proyekto ang mga ibon sa loob ng lugar at hanggang 10 hanggang 24 kilometro ang layo,” sabi nito.

Sinabi ni Jimenez na maaaring isama ng BuhaWind project ang “flight diverters” sa engineering design nito. “Sinabi ng kompanya na maaaring handa silang patigilin ang mga turbine sa panahon ng peak migration season,” sabi niya.

Sinabi ni Peralta na isinasagawa pa rin ng developer ang feasibility study nito, na maaaring tumagal ng ilang taon—isang panahong inaasahan nitong magamit upang mapawi ang mga pangamba ng lokal na mangingisda. Maaaring umabot hanggang 10 taon ang itatagal ng proyekto, sabi niya.

“Maaaring maapektuhan [ang pangisdaan], pero hindi pa natin alam. Speculative ito,” dagdag niya. “Iyan ang gusto naming tutukan sa pag-aaral sa sitwasyon.”

Nasa 7 kilometrong layo o katumbas ng isang oras na biyahe mula sa baybayin ng bayan ng Bangui paakyat sa maruming kalsada, matatagpuan ang isang malawak na clearing na gawa ng tao: isang malaki at matingkad na kayumangging kalbong bahagi sa dati’y luntiang gilid ng burol.

Malungkot na nakatayo si Joseph Padama, 39, pinuno ng tribong Masamuyao Isneg Yapayao, sa mga burol ng Burgos at Bangui na dati’y taniman ng mangga ng kanyang mga tao. Ngayon, ito ang magiging lugar ng isang solar farm na sasaklaw sa higit 200 ektarya, tuyo at maalikabok mula sa konstruksiyon ng developer na Energy Logics Development Inc. (ELPI) na nagsimula noong 2018 nang walang pahintulot ng tribo.

“Kung wala ito rito ngayon, nagpapastol sana kami ng baka at nag-aani ng prutas,” sabi ni Padama.

Bago nagsimula ang konstruksiyon, idineklara ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na hindi nag-o-overlap ang planong pasilidad sa ancestral domain. Kalaunan, kinilala ng NCIP na mayroon ngang overlap sa lupain ng Masamuyao, at ipinaalam sa kompanya na kailangan nitong hingin ang pahintulot ng tribo. Ngunit sa puntong iyon, ilang solar panel na ang nailagay.

Naghain si Padama ng ilang petisyon, ngunit walang ni isang sinagot. Ang pinakahuli na inihain noong Oktubre 2025 ay humiling ng cease-and-desist order laban sa proyekto. Ngayon, nangangamba siyang patuloy na hindi papansinin ang kanyang mga panawagan habang nagpapatuloy ang pagpapalawak ng solar farm.

“Nilaktawan ang proseso. Patuloy naming ipapaalala iyan sa gobyerno,” sabi ni Padama sa Mongabay. “Kailangang kumilos nang mas mabilis ang NCIP. Kinukuha sa harap mismo namin ang mga burol, puno at ilog ng aming tribo.”

Pinalawak ng sister company nito, ang kompanyang Tsino na Nanchao Renewable Energy, ang solar farm ng ELPI. Nagsimulang pumutol ang Nanchao ng 1,500 mature trees at halos 200 saplings noong Oktubre 2025 upang magtayo ng solar farm kasabay ng pasilidad ng ELPI.

Nakatayo si Joseph Padama sa ibabaw ng mga solar panel na itinayo sa kanilang ancestral land. Michael Beltran/Mongabay

Sinabi ng mga opisyal ng NCIP sa Mongabay na noong Enero 2026, hiniling ng komisyon para sa mga katutubo sa ELPI at Nanchao na ipagpaliban ang kanilang operasyon hanggang maibigay ang mga kinakailangan upang makapagpatuloy sila sa ancestral domain.

Nang bisitahin ng Mongabay ang lugar noong kalagitnaan ng Pebrero, nagpatuloy ang operasyon at konstruksiyon ng ELPI at Nanchao. Hindi tumugon ang alinmang kompanya sa mga hiling ng Mongabay para sa komento.

“Hindi sila nakikipagtulungan. Paglabag ito,” sabi ni Jifford Rosqueta, regional legal officer ng NCIP, sa Mongabay. “Hindi kumpleto ang kanilang mga aplikasyon, na maraming inconsistency.”

Hindi na maibabalik ang mga proyekto. Ngunit sinabi ni Rosqueta na pagmumultahin ang mga kompanya “mula sa panahong nagsimula silang magtayo nang walang pahintulot.”

Ayon kay Joanna Sta. Isabel, Asia network coordinator ng advocacy group na 350.org, dapat “igalang ng mga kompanya ang karapatan ng komunidad, kabilang ang karapatan sa lupang ninuno, at iwasan ang pagdudulot ng pinsalang ekolohikal tulad ng deforestation.”

Binanggit niya ang matagal nang pagdepende ng Pilipinas sa mga fossil fuel bilang isa sa mga dahilan ng “chronic underdevelopment” nito.

Itinutulak ng 350.org ang “fast but fair” transition palayo sa fossil fuels sa bansa. Ngunit dahil sukdulang pribatisado ang sektor ng enerhiya sa Pilipinas, kadalasan raw napag-iiwanan ang social justice.

“Maaaring magbigay-daan ang solar power sa mga bagong demokratikong anyo ng pagmamay-ari ng enerhiya, tulad ng community cooperatives kung saan ang mga tao, sa halip na merkado, ang nagpapasya kung gaano karaming enerhiya ang lilikhain at kukunsumuhin,” sabi ni Sta. Isabel.

Sa dalampasigan ng Pasuquin, inaalala ni Singson ang kapalaran ng iba pang katutubo ng Ilocos Norte, “Ano ang mangyayari sa amin?”

Bihira raw makinig ang gobyerno, at nangangamba siyang lalasunin ng basura mula sa konstruksiyon ng wind farm ang damong-dagat. “Hindi namin ito maaaring payagan,” pahayag ni Singson, bago tahimik na itinulak pabalik sa dagat ang kanyang bangka. /Unang inilathala sa Mongabay. Isinalin sa Filipino ni Joshua Isaac Español.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning