Nagkaroon lang ng tsapa, akala’y kung sino na. Kung makapagsalita, mistulang diyos-diyosan sa kalsada. Nagpapatupad lang daw ng batas pero wagas kung makapanglait. Walang kinikilingan pero anakpawis ang kadalasang napag-iinitan.
Walang personalan, trabaho lang. Sino ba ang naniniwalang patas ang panghuhuli sa mga kalsada sa Metro Manila? Suriin ang karamihan sa mga bidyong pino-post ng pinuno ng Special Operations Group-Strike Force (SOG-SF) ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA). Bakit kaya puro gitnang-uri’t mahihirap na naghahanap-buhay ang sinesermonan niya? Bakit bihira siyang makita sa lugar ng mga mayaman at makapangyarihan?
Kung bibisitahin ang malilinis na kalye ng Makati City at Bonifacio Global City (BGC), halimbawa, mayroon ding mga sasakya’t iba pang bagay na nakaharang sa mga daanan. Sa paligid ng ilang naglalakihang gusali, kapansin-pansin ang ilang magagarang sasakyang nakabalandra sa mga lugar na dapat nilalakaran, hindi pinaparadahan.
Posibleng argumento ng MMDA ang kanilang pag-aksiyon batay sa mga reklamo ng publiko. Sasabihin nilang wala silang magagawa kung mas nanggagaling ang mga ito sa mga komunidad na maraming naghihirap.
Tapos sasabihin pa nilang hindi sila basta-basta makakapasok sa mga subdibisyon ng mga mayaman at makapangyarihan dahil gated ang mga ito’t may sarili silang mga guwardiya’t asosasyon ng mga residenteng nagpapatupad ng mga polisiya. Malamang na tutuldukan nila ang paliwanag sa mga katagang “Wala namang dapat ipag-alala kung sumusunod lang sa batas.”
Sa unang tingin, may punto naman ang MMDA. Huwag gawing ekstensiyon ng bahay ang lansangan, pumarada sa totoong paradahan, huwag harangan ang daanan kung nagbebenta ng kung anuman. Madaling sundin kung nabubuhay sa pribilehiyo pero nagmimistulang patintero kung nasasadlak sa delubyo.
Para sa isang kahig, isang tuka, nagiging bayolenteng palaruan ang paglalako sa mga lansangan para lang may maiuwing katiting sa pamilya. Bahagi na ng buhay ang taguan at habulan para protektahan ang anumang puhunang balak kumpiskahin ng mga diyos-diyosan.
Porke’t may tsapa, iba na kung umasta. Diyos-diyosan kung kaharap ang ordinaryong mamamayan. Pero tiklop naman kung napapatapat sa mga mayaman at makapangyarihan.
Kamay na bakal. Tatlong salitang ginagamit na pananggalang sa mga kritisismo ng pang-aabuso, lalo na ang ibayong pagpapahirap sa mga naghihirap. Simple lang naman ang mga argumento. “Huwag nang magtanong-tanong pa, basta sumunod na lang. Hindi bawal maghanapbuhay basta’t huwag sa bangketa. Puwedeng iparada ang sidecar, tricycle o motorsiklo basta’t huwag gawing garahe ang kalye.”
Kunwari’y walang pinapaboran pero mas mainit ang mata sa mga ginagawang hanapbuhay ang pag-iikot sa mga lansangan. Ordinaryong manininda’t drayber ang kadalasang nasisita’t sinisigawan.
Kung minamalas nga naman, minsa’y agaw-eksena pa ang mismong pinuno ng SOG-SF sa pagkuha ng bidyo para may ipo-post na naman sa personal niyang social media account. Ayan tuloy, biglang sisikat ang mga pinahiya ng MMDA at matindi ang bashing na makukuha mula sa trolls.
Kung tutuusin, ang pamamahiyang naranasan noong Hulyo 14 ng isang gurong nahuling nagmomotorsiklo nang walang helmet ay hindi na bago. Kailangan lang ipaalalang isa siya sa napakaraming biktima ng aroganteng pagtrato ng mga dapat na nagsisilbi sa interes ng publiko, kasama na ang mga nagkakamali. Malinaw naman sa bidyo ang pag-ako ng kasalanan, pero sige pa rin ang pinuno ng SOG-SF sa panlalait.
Pinakiusapang huwag nang kunan ng bidyo pero hindi pinakinggan ng diyos-diyosan. Tuloy pa rin ang pagkuha at ipinost pa sa social media! Tila nakalimutan ng MMDA na bawal ang ginawa nila. Kahit na naka-blur ang mukha ng guro, wala pa rin siyang pagpayag.
Hindi uubra ang argumento ng MMDA na pampublikong espasyo ang mga lansangan kaya hindi kailangang magpaalam sa pagkuha ng bidyo’t pag-upload sa Internet.
Ang mga pribadong indibidwal, kasama na ang mga lumabag sa batas, ay may mga karapatang kailangang protektahan. Kung kukunan ng bidyo, ipaliwanag kung bakit kailangan at siguraduhing hindi ito maisasapubliko (kahit na blurred ang mukha). Hindi dapat gawing pampublikong kahihiyan ang isang pribadong pagkakamali.
Salamat sa MMDA, nananatiling ebidensiya ang mga lansangan ng kawalang katarungan sa bayan. Porke’t may tsapa, iba na kung umasta. Diyos-diyosan kung kaharap ang ordinaryong mamamayan. Pero tiklop naman kung napapatapat sa mga mayaman at makapangyarihan.
Sa gitna ng malawakang pamamahiya, sino ang tunay na nakakahiya?
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com
