Opisyal nang kabilang ang Pilipinas sa hanay ng mga upper middle-income country (UMIC) ayon sa World Bank. Ipinagmalaki ng administrasyong Marcos Jr. ang reklasipikasyon ito.
Ani Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan, patunay daw ito ng katatagan ng atin ekonomiya. Pero sa taumbayan, walang kuwenta ang klasipikasyong ito dahil hindi naman umangat ang antas ng pamumuhay ng nakararaming Pilipino.
Pinuna ng independent think tank na Ibon Foundation ang deklarasyon ng World Bank kamakailan. Ayon sa think tank, isa lang itong “statistical milestone” na hindi sukatan ng totoong kaunlaran.
Tama ang Ibon sa pagkuwestiyon sa deklarasyon. Hindi ito dapat ipagdiwang sa gitna ng laganap na kahirapan ng mamamayang Pilipino.
Maaaring magbigay ang mga numero ng ilusyon ng pag-unlad habang tinatakpan ang katotohanang iilang naghahari lang ang nakikinabang. Sa isang bansang malaki ang agwat ng mayaman at mahirap, hindi sapat na sabihing “umangat na ang ekonomiya” kung milyon-milyon pa rin ang hirap sa pagkain, trabaho at serbisyo.
Mahalagang tandaan na ang income classification ng World Bank ay pagkategorisa sa mga bansa para sa mga programang pautang nito. Nakabatay ito sa gross national income per capita. Ibig sabihin, tinitingnan nito ang average, hindi ang aktuwal na karanasan ng bawat pamilyang Pilipino.
Sa reklasipikasyong ito ng World Bank sa ekonomiya ng Pilipinas, asahan na natin ang mga bagong pautang na papasukin ng gobyerno sa pagpopondo ng mga proyektong para sa ganansiya ng mga burukrata-kapitalista’t malalaking negosyo.
Kaya kahit tumaas ang antas ng kita sa papel, naramdaman ba ito ng karaniwang manggagawa, magsasaka, propesyonal, malamanggagawa at maliliit na negosyante? Kung hindi, mahirap itong tawaging tunay na pag-unlad.
Marapat na igiit ng mamamayan ang yamang dapat napupunta sa kanila sa pamamagitan ng walang humpay na pagdemanda ng regular na hanapbuhay, nakabubuhay na sahod, makabuluhang serbisyo publiko at katarungang panlipunan.
Mas masakit pa ang katotohanang habang ipinagdiriwang ng ilan ang bagong income status, nananatiling kapos ang maraming Pilipino sa pangunahing pangangailangan.
Masyadong maaga ang pagbubunyi ng rehimeng Marcos Jr. sa UMIC status kung ang batayan lang ay pag-angat ng isang statistical threshold. Hindi pa rin nawawala ang mababang sahod, hindi sapat na trabaho, mataas na presyo ng bilihin at kakulangan sa serbisyong panlipunan. Sa ganitong kalagayan, ang reclassification ay tila mas angkop na tawaging bagong label kaysa bagong realidad.
Ang isang bansang itinuturing nang upper middle-income, dapat may mas matibay na batayan ng inklusibong pag-unlad tulad ng regular at disenteng trabaho, nakabubuhay na sahod, abot-kayang pagkain, de-kalidad na edukasyon, at maayos na serbisyong pampubliko. Kapag wala ang mga ito, hindi ganap ang kaunlaran at nananatiling pangako.
Hindi rin dapat kalimutan na ang tunay na kaunlaran ay hindi lang nasusukat sa kita ng ekonomiya, kundi sa kalidad ng buhay ng tao. Ang isang lipunang matuwid at maunlad ay yaong kayang tiyakin na ang paglago ay nararamdaman sa hapag-kainan, sa paaralan, sa pagamutan at sa trabaho. Doon masusukat kung may saysay ang pag-angat ng isang bansa sa income ladder.
Ang upper middle-income status ng Pilipinas ay maaaring isang teknikal na tagumpay, ngunit hindi pa ito dapat ipagkamaling ganap na tagumpay para sa sambayanan hanggang hindi nararamdaman ng mga pinakamahihirap na Pinoy ang pag-angat ng kanilang kalidad ng buhay.
Tama ang paalala ng Ibon na kung ang pag-angat ay hindi nararamdaman ng nakararami, may malalim na problema sa mismong direksiyon ng pag-unlad. Ang tunay na hamon ay hindi kung paano tatawaging mas mayaman ang bansa, kundi kung paano tunay na mapapabuti ang buhay ng mamamayan.
Sa ganitong kalagayan, marapat na igiit ng mamamayan ang yamang dapat napupunta sa kanila sa pamamagitan ng walang humpay na pagdemanda ng regular na hanapbuhay, nakabubuhay na sahod, makabuluhang serbisyo publiko at katarungang panlipunan.
Napatunayan na ng kasaysayan na sa sama-samang pagkilos ng taumbayan nakakamit ang mga demokratikong mithiin. Kahit ipagmayabang ng estado ang umano’y pag-angat ng ekonomiya, sikmura pa rin ng mamamayan ang magdidikta kung may totoong pag-unlad.
