Ni Ares P. Gutierrez
Sa isinasagawang Impeachment Trial ni Vice President Sara Duterte, hindi mo maiiwasang pansinin si Senator Robin Padilla na paulit-ulit sa pagpapasiklab sa kanyang mga manifestation — mula sa pagpuna na “one-sided” daw ang mga prosecutors hanggang sa kung ano-anong pagbibida-bida gaya nang kanyang deklarasyon na siya raw ay isang komunista. At sa bawat bitaw ni Senator-Judge Robin nang kanyang mga linya, matik na umuusok ang social media at yun na ang magiging pinaka-highlight nang ilang oras na balitaktakan ng prosecution at defense.
Pero bago natin tawaging kapalpakan ng proseso o kamangmangan ang lahat ng ito, aminin natin: panalong-panalo ang palabas ni Robin sa mata ng marami.
Hindi gaya ni Senador Lito Lapid na tahimik lang na nagmamasid sa mga pangyayari, halatang sinasadya ni Senator-Judge Robin na gawing sit-com o circus ang Impeachment Trial at unti-unti nang nasasanay ang taumbayan na ituring na ‘Wow Mali’ o ‘Bubble Gang’ ang gobyerno, kung saan ang mga patawa at pabida-bida ay napagkakamalang tunay na serbisyo publiko.
Hindi na bago ang ganitong PR tactic sa kasaysayan ng politika sa Pilipinas.
Ganitong-ganito ang pag-package kay Joseph Estrada nang umpisahan niyang asintahin ang Malacañang. Ginawa niyang asset ang kanyang “Erap jokes” at ipinangalandakan ang kanyang kawalan ng college diploma.
Pinatunayan ni Erap na hindi mo kailangang maging edukado o matalino. Basta ang image mo ay “para sa mahirap” at kaya mong makipagbasag-ulo sa publiko at gawing viral ang kawalan ng modo, magiging idolo ka na ng masa.
Ang ginagawa ngayon ni Senator Robinhood Padilla ay mas pinagandang bersyon ng lumang pormulang ito na itinuloy din ni Rodrigo Duterte.
Ginagamit niya ang tinatawag sa psychology na parasocial familiarity effect at ang anti-establishment archetype. Sa madaling salita: kapag nagpapakatanga o nag-barumbado ka sa harap ng mga edukadong abogado o otoridad, pumapatok iyon sa mga botanteng galit o dismayado sa sistema.
Nadadala ang tao sa cognitive bias na: “Tulad ko rin siyang nagkakamali, hindi siya nagmamarunong, kaya kakampi ko siya.”
At huwag ka, epektibo ang ganyang diskarte.
Nag-number one si Robin sa nakaraang senatorial election at hindi natinag sa kaniyang pwesto kung pagbabasehan ang latest survey para sa pagka-senador at pasok rin siya sa survey sa pagka-Vice President.
Sa mundo ng social media, mas mabilis mag-viral ang maging meme, payaso o kamote kaysa sa maging seryoso, maalam at matalino.
Bawat sablay o pagmamarunong niya sa Impeachment Trial, kasunod nito ang libreng patalastas at pampalakas ng kanyang karisma bilang idol sa kanto.
Dito na nagiging delikado ang plot twist.
Pag-isipan natin ng mabuti. Kapag ang pamamahala sa bansa ay ginawa na lang nating parang question and answer portion sa pa-contest ng Showtime o eksena sa Bubble Gang, ang talagang natatalo ay tayong mamamayan.
Nabubulag tayo sa mga palabas habang ang mga totoong problema sa edukasyon, ekonomiya, katarungan at maging ang wine-weaponize ng mga DDS na flood control ay naiiwang nakabaon sa limot.
Hahayaan na lang ba natin na ang pamamahala sa bayan ay maging isang komedya?
Kapag ang batayan natin sa pagpili ng mamumuno sa bayan ay dahil magaling siyang magpatawa o bumitaw ng mga pasabog na one-liner at gawin nating libangan ang mga institusyon ng pamahalaan, tayo ring mga Pilipino ang magbabayad ng totoong utang kapag natapos na ang palakpakan, hiyawan at tawanan. #
