Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon – 1 Hari 3:5, 7-12 | Salmo 118 | Roma 8:28-30 | Mateo 13:44-52 [o Mateo 13:44-46]
Bago tayo bumili ng isang bagay, karaniwan muna nating kinokonsidera kung sulit ba ang ating bibilhin. Lalo na sa panahong mataas ang presyo ng mga bilihin, hindi na basta-basta ang paggastos. Kinukumpara natin ang kalidad, presyo at kung gaano ito tatagal.
At kung sa usapin ng gamit, ganoon na tayo mag-isip, pano pa sa mga mahahalagang desisyon sa buhay natin? Napapatanong din tayo kung “Sulit ba ang trabahong ito?” kung “Sulit ba ang relasyong ito?” at kahit “Sulit bang ipaglaban ang prinsipyong ito kahit may kapalit?”
Hindi naman mali ang magtanong kung ano ang may halaga. Ngunit siguro mas importanteng pagnilayan kung ano ang batayan o ang pagsukat natin sa tunay na halaga.
Sa mundong ang sukatan ay kita, kasikatan, impluwensiya at seguridad, madaling isipin na ang pinakamahalaga ay ang mga bagay na kayang ipakita at ipagyabang. Ngunit may mga pagkakataong saka lamang natin natutuklasan ang tunay na kayamanan kapag handa tayong isuko ang mga bagay na akala natin ay pinakamahalaga.
Sa tatlong talinghagang ibinigay ni Hesus sa ating Ebanghelyo ngayon, ang mga ito’y naglalarawan ng Kingdom of God.
Ang tao na nakatagpo ng kayamanang nakabaon sa bukid at ang mangangalakal na nakakita ng isang napakahalagang perlas ay pareho ang naging tugon: ipinagbili nila ang lahat upang makuha ang kanilang natagpuan. Hindi sila napilit. Hindi sila nanghinayang. Sa halip, ginawa nila iyon nang may kagalakan dahil nakita nila ang isang bagay na higit ang halaga kaysa sa lahat ng kanilang pag-aari.
Mahalagang pansinin na hindi nagsimula ang kanilang kuwento sa pagsasakripisyo kundi sa pagkakatuklas. Ang pagbibigay ng lahat ay bunga ng pagkilala sa tunay na halaga ng kanilang natagpuan. Kapag nakita mo ang isang kayamanang walang kapantay, nagbabago rin ang paraan ng iyong pagtingin sa lahat ng iba pang bagay.
Tayo ba ay may pusong 100% nating ibinibigay sa pagsunod natin kay Kristo o ito ba’y hati at may mga bagay tayong ‘di mabitaw-bitawan at humahadlang sa ating pagsunod. At kung ang puso natin ay nakatuon sa pagpapasangayon ng paghahari ng Diyos, nawa’y ito rin ay makikita sa aking mga pasya, sa paggamit ko ng aking oras at sa paraan ng aking pakikitungo sa iba.
Sa Unang Pagbasa mula sa Unang Libro ng mga Hari, ating narining ang kuwento tungkol kay Haring Solomon, ang haring maalam, marunong, puno ng karunungan.
Nang bigyan siya ng Diyos ng pagkakataong humiling ng anumang nais niya, hindi siya humingi ng mahabang buhay, kayamanan o tagumpay laban sa kanyang mga kaaway. Humiling siya ng pusong marunong umunawa at kumilala sa mabuti at masama (#priorities, ‘di ba?). Alam niyang ang pinakamalaking pangangailangan ng isang pinuno ay hindi kapangyarihan kundi karunungan.
Paulit-ulit ring ipinahahayag ng Mag-aawit na ang salita at kautusan ng Diyos ay higit na mahalaga kaysa ginto at pilak. Hindi dahil walang halaga ang mga materyal na bagay, kundi dahil may mga kayamanang hindi kayang bilhin ng salapi. Ang karunungang nagmumula sa Diyos ang nagtuturo sa atin kung ano ang tunay na dapat pahalagahan.
Sa liwanag ni Kristo, higit nating nauunawaan ang karunungang ito. Ang kaharian ng Diyos ang pinakadakilang kayamanang maaaring matagpuan ng tao. Ito ang dahilan kung bakit ang tugon ng mga tauhan sa talinghaga ay tila napakalaki. Hindi nila ipinagbili ang lahat dahil nais nilang mawalan. Ipinagbili nila ang lahat dahil may natagpuan silang higit na mahalaga.
Sa Ikalawang Pagbasa, ito rin ang sinasabi ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Roma. Ang Diyos ay kumikilos sa lahat ng bagay para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa kanya. Hindi ito pangakong magiging madali ang buhay.
Sa halip, ipinapaalala nitong ang Diyos ay may layuning higit sa ating agarang tagumpay o kaginhawaan. Unti-unti niya tayong hinuhubog upang maging kawangis ng kanyang Anak. Iyon ang pinakamalaking kayamanang iniaalok ng Diyos: ang makibahagi sa mismong buhay ni Kristo.
Ngayong Linggo, tayo’y bibinibigyan ng isang hamon. Sa ating Lipunan ngayon, madalas nating hangaan ang mga taong maraming kayamanan, maraming koneksiyon o makapangyarihan. Hindi masama ang mga ito, ngunit nagiging mapanganib kapag sila na ang sukatan ng tagumpay.
Kaya hindi kataka-takang may mga nagsasakripisyo ng katotohanan para sa posisyon, ng integridad para sa tubo o ng dignidad ng kapwa para sa pansariling interes. Kapag mali ang ating sukatan ng halaga, mali rin ang ating mga pasya.
Inaanyayahan rin tayong magnilay kung ano ang ating tunay na pinanghahawakan. Mas abala ba tayo sa pagpapanatili ng ating mga structure kaysa sa pagpapalawak ng paghahari ng Diyos? Handa ba tayong isuko ang ating kaginhawaan upang unahin ang mga dukha, ang mga nasa laylayan at ang katotohanan ng Ebanghelyo?
Ang paghahari ng Diyos ay hindi lang isang paniniwalang ipinapahayag. Isa itong kayamanang humuhubog sa paraan ng ating pamumuhay at pakikitungo sa kapwa.
Pero saan ang lugar ng ikatlong talinghaga? Ang huling talinhanga, ‘yong tungkol sa lambat, dito naman ipinapaalala ni Hesus na ang ating mga pagpili ay may kahihinatnan. Hindi lahat ng pinahahalagahan ng mundo ay mananatili. Darating ang panahon ng paghihiwalay, kung kailan mahahayag kung alin ang tunay na mahalaga at alin ang pansamantala lamang.
Sabi nga ni Hesus sa ibang parte ni Ebanghelyo ni San Mateo, kung saan ang inyong kayamanan, nandoon ang inyong puso (6:21), tayo rin ay inaanyayahang pagnilayan kung ano ang pinakamahalagang kayamanan natin.
Tayo ba ay may pusong 100% nating ibinibigay sa pagsunod natin kay Kristo o ito ba’y hati at may mga bagay tayong ‘di mabitaw-bitawan at humahadlang sa ating pagsunod. At kung ang puso natin ay nakatuon sa pagpapasangayon ng paghahari ng Diyos, nawa’y ito rin ay makikita sa aking mga pasya, sa paggamit ko ng aking oras at sa paraan ng aking pakikitungo sa iba.
Ang karunungang hinihiling ni Solomon ay hindi lang talino. Ito ay pusong marunong kumilala sa tunay na halaga ng mga bagay. Kapag natagpuan natin ang kayamanang iyon kay Kristo, hindi na magiging mabigat ang pagsunod. Sapagkat kapag natuklasan natin ang pinakamahalagang kayamanan, ang tanging makatuwirang tugon ay ialay ang ating buong sarili sa kanya.
