Rosas ng Digma: 25 taon ng awit ng paglaya  – Pinoy Weekly

Rosas ng Digma: 25 taon ng awit ng paglaya  – Pinoy Weekly


Malimit itampok ng mga musikero ang mga awiting pag-ibig na iniaalay para sa mga minamahal. Sa parehong dahilan, isinilang ang kauna-unahang obra ng MusikangBayan, ang “Rosas ng Digma.”

Orihinal itong nilikha noong 1997 ni Danny Fabella, miyembro ng banda at rebolusyonaryong kompositor. Regalo, aniya, isang paraan ng pagpapahayag ng kanyang damdamin sa isang espesyal na tao. 

Naging tanyag ang kanta, partikular sa huling bahagi ng dekada ‘90. Kasagsagan ng Ikalawang Kilusang Pagwawasto sa hanay ng progresibong mga kilusan sa Pilipinas. Noong mga panahong ito, muling niresolba at pinalakas ng mga organisasiyon ang kanilang mga prinsipyo. Naging instrumento at paalala ang “Rosas ng Digma” sa lahat na ang pag-ibig at rebolusyonaryong pakikibaka ay hindi hiwalay. 

Kalaunan, ang awit na ito ay naging lunduyan upang mabuo ang isang buong album sa parehong pamagat. Naglalaman ito ng mga awit ng pag-ibig, pakikibaka at paglaya. Muli, naging gabay ang sining. Munting paalala upang manatili ang diwa ng rebolusyon sa hanay ng masa. 

Ito ay naging isang inspirasiyon, higit lalo sa usapin ng indibiduwal na kapasyahang patuloy na tanganin ang kilusang mapagpalaya. Nang makapanayam namin ang musikero, binigyang diin ni Fabella kung paanong ang mga kanta sa album ay nakatutulong sa kanila at sa iba. Umaakto ito bilang isang ideolohikal na lakas, lalo na ng mga kasama sa matinding hagupit ng estado. 

Sa kabila ng intimidasyon at mga sabi-sabi, mas nanaig sa kanila ang boses ng mga maralita—iyong mga manggagawang walang sawang tinatangkilik at umaawit ng kanilang mga kanta sa kabila ng pagod at hapong katawan. 

“Wala akong kakaba-kaba noon kahit marami akong naririnig [na sabi-sabi]. Tapos kahit naman ganoon, may mga instances na naririnig ko sa mga lakbayan, mga pagod at hapo ang katawan ng mga galing ng Aurora, Mindanao, na kinakanta ‘yon,” ayon kay Fabella. 

Sa parehong kalagayan, ang bawat liriko ng mga kanta, bagaman ayon kay Fabella ay nagkakaroon ng mga mabababaw na interpretasyon, ay nararapat tignan ng karamihan bilang paalala na sa progresibong linya, ang mga pagsubok at kahinaan ay bahagi ng reyalidad ng pakikibaka na dapat harapin at pangibabawan. 

Mas tumitingkad ang pahayag na ‘yan ngayong ginugunita ang ika-25 anibersaryo ng “Rosas ng Digma.” Kasama ang iba pang artista ng bayan mula sa Concerned Artists of the Philippines, nagtanghal muli ang MusikangBayan sa isang rewind concert nitong Hulyo 9 na may temang “25 Years of Rewind, Tuloy ang Awit.”

Kasabay nito ang panawagang palayain ang isa sa kanilang kasamahan na si Marlon Torres. Isa sa mga orihinal na miyembro ng Musikang Bayan, at kung ilarawan ni Fabella, isang matapang na musikero’t aktibista. 

Magkasama sila sa paglathala ng album na ito gamit  ang sarili nilang pondo. Bitbit ang P20,000 na premyo mula sa magkaibang paligsahan na sinalihan nila, nagsimula ang kanilang karera. Ang bunga? Rebolusyonaryong mga tinig na kailanma’y hindi magmamaliw. 

Mula 2021 hanggang ngayon, nakakulong pa rin bunsod ng gawa-gawang kaso si Torres. Kasama niya ang kanyang asawa na si Teresa Dioquino na kilala rin bilang aktibistang nagsusulong ng karapatan ng mga manggagawa. Kabilang sila sa Romblon 4 na kinulong habang iniimbestigahan ang kalagayan ng mga manggagawa at epekto sa kalikasan ng open-pit mining sa Romblon. 

Kasama ang buong Musikang Bayan sa hangaring agad na pagpapalaya ng mga detinidong politikal. Ang malilikom na pondo sa solidarity gig ay direktang magsisilbing tulong pinansiyal para sa kanila.

Nang itanong namin kay Fabella kung anong liriko mula sa album ang dapat panghawakan ng masa, para sa kanya, ito ang “Taglay ang pangakong iingatan kita” mula sa kanilang carrier song na “Rosas ng Digma.”

Bagamat mayroong iba’t ibang interpretasyon, ang linyang ito raw ay hindi kailanman natatali sa indibiduwal na pagmamahal. Hindi rin ito anyo ng protektibong pagmamaliit sa kapwa dahil sa pagtinging mahina ito.

Sa mas malalim na pagsipat, ito ang pag-iingat at pagmamahal ng isang progresibong indibiduwal sa kaniyang kasamahan o sa buong kilusan. Hindi naman awtomatikong mahina ang kilusan kung mayroong kolektibong hangarin na ingatan ito. Sabi ni Fabella, mahal ito kaya iniingatan. Isang patunay sa labis na pagpapahalaga sa kolektibong layunin.

Hindi man progresibo ang orihinal na anggulong binalak ni Fabella noong isinulat niya ito, hindi na niya inurungan ang ganitong pagtingin sa kanilang kanta. Sapagkat patunay lamang ito kung gaano kalawak ang musika. Kung paano nito kayang abutin at hubugin ang kamalayan ng publiko. 

Ngunit higit sa anumang pagsusuri, ang “Rosas ng Digma,” bilang kabuuang album ay sumasaklaw sa iisang panawagan: ang magpatuloy at hindi bumitaw. Lalo na sa malalaking unos at kagipitan. Sapagkat hindi lang nagpapakilig ang musika, nagkukuwento rin ito ng tunay na danas ng mamamayan.

At sa gitna ng mga nagrarambolang anggulo at interpretasyon ng kanta, marapat na laging matatagpuan sa pagitan ng bawat liriko ang pinakadalisay na anyo ng pag-ibig: Ang pag-ibig sa masang api, at ang walang kompromisong kagustuhang lumaya sa sistemang mapanira.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning