Matapos ang nangyaring masaker sa 19 na indibidwal sa Toboso, Negros Occidental noong Abril 19, muling nanawagan ang mga tagapagtaguyod ng kapayapaan na irespeto ang international humanitarian law at bumalik sa pormal na negosasyon ang Government of the Republic of the Philippines (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Sa isang bukas na liham ng NDFP Negotiating Team sa mga peace advocate, sinabi nitong nananatiling bukas ang posibilidad na bumalik sa pormal na usapang pangkapayapaan batay sa Oslo Joint Statement noong 2023 habang pinanghahawakan ang The Hague Joint Declaration na naglalatag na adyenda ng usapan.
Sa kabila ng pagiging bukas ng NDFP Negotiating Team na muling talakayin ang mga ugat ng armadong sigalot at isulong ang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan, mariing tinutulan ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang pakikipag-usap sa rebolusyonaryong kilusan.
“It’s terrorism. Plain and simple,” ani Teodoro sa mga peryodista nang tanungin hinggil sa usapang pangkapayapaan sa NDFP. Malinaw na walang balak ang kalihim at ang rehimeng Marcos Jr. na muling bumalik sa pormal na negosasyon sa kabila ng mga panawagan ng mga peace advocate.
Isinasantabi rin ni Teodoro ang mga naunang kasunduan ng GRP at NDFP sa paggalang sa mga karapatang pantao na Joint Agreement on Security and Immunity Guarantees at Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law.
Patunay dito ang pagpaslang sa mga NDFP peace consultant sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr., kabilang sina Benito Tiamzon, Wilma Austria-Tiamzon, Rogelio Posadas, Ericson Acosta, Ariel Arbitrario, Concha Araneta-Bocala at iba pa.
Ang tanging nais ng rehimen, marahas na burahin ang rebolusyonaryong puwersa sa pamamagitan ng National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD) na batay sa kontra-insurhensiyang balangkas ng United States.
Kailangang tuloy-tuloy na igiit ang hustisya sa mga paglabag sa mga batayang karapatan, igalang ang karapatan ng mamamayan sa gitna ng armadong sigalot, itaguyod ang pagkilala sa mga naunang kasunduan at muling pag-usapan ang mga dahilan kung bakit pinipili ng mamamayan ang mag-armas.
Walang pagkakaiba ang NAP-UPD sa mga kontra-insurhensiyang kampanya ng mga nagdaang rehimen. Kung may pagkakaiba man, ito’y ang pagiging mas masahol na pagpuntirya sa mga sibilyang komunidad sa kanayunan at pati sa mga aktibista, tanggol-karapatan at manggagawang pangkaunlaran sa pamamagitan ng mga armadong puwersa ng gobyerno katuwang ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na binubuhusan ng salapi ng mamamayan.
Sa isang taon ng NAP-UPD, samu’t saring paglabag sa mga karapatan ng mamamayan ang naitala sa iba’t ibang panig ng bansa. Isa sa pinakahuli rito ang nangyaring masaker sa Negros Occidental noong Abril.
Nariyan ang mga insidente at kaso ng paniniktik, pananakot at panliligalig, pambobomba, walang habas na pamamaril, pamamaril mula sa himpapawid, sapilitang pagpapalikas, at pagkakampo sa mga sibilyang gusali at komunidad ng mga armadong puwersa ng estado.
Matinding mga paglabag sa international humanitarian law ang naiulat sa pambobomba sa Abra de Ilog, Oriental Mindoro sa simula ng 2026 at sa mga operasyong militar sa Negros, Mindoro, Silangang Visayas, Bikol at iba pang lugar.
Walang sinasanto ang militar. Basta pinaghihinalaang sumusuporta o kabilang sa rebolusyonaryong kilusan, may kalalagyan. Ganyan kabangis ang estado sa ngalan ng pagpulbos sa mga itinuturing nitong kaaway.
Sa ganitong kalagayan, hindi hihinto ang mga tagapagtaguyod ng kapayapaan at mamamayan sa pananawagan na muling umupo sa pormal na usapang pangkapayapaan ang GRP at NDFP.
Kahit pa sukdulang pasista at nuknukang utak-pulbura si Teodoro, sampu ng mga puwersa ng estado, kinakailangang iparinig ang nagkakaisang tinig ng sambayanan na resolbahin ang mga ugat ng armadong pakikibaka.
Kailangang tuloy-tuloy na igiit ang hustisya sa mga paglabag sa mga batayang karapatan, igalang ang karapatan ng mamamayan sa gitna ng armadong sigalot, itaguyod ang pagkilala sa mga naunang kasunduan at muling pag-usapan ang mga dahilan kung bakit pinipili ng mamamayan ang mag-armas.
