Agarang pagbabalik ng dating pasukan, posible – Pinoy Weekly

April 22, 2024


Iginiit ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang kahalagahan ng mabilisang paglipat sa Hunyo-Marso na school calendar para sa school year (SY) 2024-2025 nang hindi naaapektuhan ang karapatan sa paggawa ng mga guro at ang bakasyon ng mga estudyante.

Nanawagan din ng ACT sa Department of Education (DepEd) na tugunan ang malaking kakulangan sa mga silid-aralan, guro at mga kawani ng suporta sa edukasyon upang magkaroon ng maayos na kondisyon sa pagtuturo at pag-aaral sa mga paaralan.

“Ipinapaalala natin sa DepEd na hindi dapat suspensiyon ng klase at alternative learning modalities ang solusyon sa matinding tag-init at iba pang suliranin sa edukasyon dahil ang mga modality na ito ang siyang pangunahing dahilan ng kasalukuyang learning crisis,” ani ACT chairperson Vladimer Quetua sa Ingles.

Pinabulaanan din ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) ang pahayag ni Pangalawang Pangulo at DepEd Secretary Sara Duterte na hindi maaaring madaliin ang pagbabalik ng lumang school calendar dahil makokompromiso ang pahinga ng parehong mag-aaral at guro.

“Ang dalawang buwang buong quarter ay magiging posible sa pamamagitan ng ilang pagbabago sa mga kasanayang pang-edukasyon. Sa pamamagitan nito kayang mapabilis ang pagbabalik sa siklo ng Hunyo-Marso, na may taong panuruan 2024-2025 bilang panahon ng transisyon,” ani TDC chairperson Benjo Basas.

Sinuportahan ni Basas ang mabilisang pagbabalik ng klase sa darating na Hunyo hanggang Marso, na may bakasyon sa tag-init mula Abril hanggang Mayo. 

Sinabi ni Duterte kamakailan na mas maiging sundin ng ahensiya ang dalawang taong unti-unting transisyon pabalik sa lumang school calendar. Malaki umano ang magiging epekto sa pagkatuto at kaligtasan ng mga mag-aaral kung mamadaliin ito.

“Una sa lahat, [ang desisyon para sa isang phased transition] ay sumailalim sa mga konsultasyon. Pangalawa, hindi natin puwedeng i-compromise ang pahinga ng ating mga guro at mag-aaral at hindi natin [tapusin ang school year na ito at simulan agad ang susunod] dahil kailangan ng lahat ng pahinga,” ani Duterte. 

Pero mungkahi ng TDC, maaari naman itong maisakatuparan nang hindi kailangang alisin ang pahinga ng mga guro at estudyante.

Ipinaliwanag ng grupo na ang SY 2024-2025 ay dapat tapusin sa Abril 11, 2025 o isang buwan bago sa plano ng DepEd na Mayo 16, 2025. 

Ayon sa TDC, magbibigay pa rin ito ng 170 araw ng klase sa mga paaralan, na halos katulad ng pinalitang kalendaryo ng SY 2023-2024 na binubuo lamang ng 179 araw ng klase.

“Kung may pagkukulang, maaaring magpatupad ng 10 asynchronous na klase tuwing Sabado para mapunan ang tradisyonal na 180 araw ng klase na dating ipinatutupad ng DepEd,” sabi ni Basas sa Ingles.

Dagdag pa ng TDC, may sapat pang panahon ang DepEd na ayusin ang kalendaryo para sa susunod na school year upang maiwasang umabot sa mga buwan ng Abril at Mayo, tinaguriang pinakamainit bawat taon.

Sang-ayon din si Quetua na posible ang mabilisang pagbabalik ng dating school calendar. Binigyang-diin niya na hindi handa ang imprastruktura ng mga paaralan sa climate change.

Dahil dito, nagbigay ng suporta nitong Abril 8 ang Division of City Schools-Manila at naglabas ng isang memorandum na nagpapatupad ng half-day schedule para sa mga pampublikong paaralan simula Abril 11 hanggang Mayo 28.

Sa nasabing polisiya, magsisimula ng 6:00 a.m. at magtatapos ng 12:00 p.m. ang mga klase sa pampublikong paaralan.

Ayon naman sa Schools Division Office ng Maynila, dahil ito sa mataas na heat index na nararanasan sa bansa sa ngayong buwan.

Hinikayat din ang mga paaralan na ayusin ang kanilang mga schedule ng klase ayon itinakda ng DepEd Order 21, Series of 2019 o patakarang nagtityak sa kaligtasan ng mag-aaral sa panahon ng tag-init.

Sa kabila nito, handa ang mga grupo ng guro na makipag-ugnayan muli kay Duterte upang talakayin ang kanilang mga panukala at maisapinal ang mahahalagang hakbang tungo sa pagpapatupad ng kanilang mga mungkahi.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Grain-Carrying Ships To Leave the Black Sea by July 17: Russia | News

On Tuesday, Russia asserted that the ships carrying grain from

Spanish Left Unites for July Elections | News

On Friday, Ione Belarra, the secretary of the “We can”