Alternatibo ng taumbayan – Pinoy Weekly

October 2, 2024


Sawang-sawa na ang mga Pilipino sa paulit-ulit na siklo ng mga tradisyonal na politiko o trapo, na akma pa ring tawag dahil sa kanilang maruruming hangarin sa bayan.

Tuwing halalan, parang maaamong tupa kung manligaw ng boto ang mga sakim sa kapangyarihan at yaman. Kapag nasa poder na, huhubarin na ng mga mababagsik na halimaw ang kanilang puting lana para sirain ang bayan at patayin ang mamamayan.

Uulit ang siklong ito sa susunod na tatlong taon kung kailan muling magpapaligsahan ang mga sakim na halimaw kung sino naman ang magkakaroon ng pagkakataon na sirain ang bayan at pumatay ng mamamayan.

Paano makakawala ang taumbayan sa siklo ng pagkawasak at pananamantala? Aasa na lang ba muli sa susunod na halalan para bumoto ng mga hindi gaanong mababangis na halimaw sa unang tingin, pero kalauna’y magiging mas mabagsik pa sa mga nauna?

Ngunit hindi tulad ng mga kuwentong bayan na may darating na tagapagligtas para sagipin ang mamamayan mula sa pananalanta ng mga halimaw, may magagawa ang taumbayan para putulin ang masalimuot na siklong ito.

Mamamayan mismo ang kikilos para puksain at palayasin ang mga halimaw na namamayani sa kanilang bayan.

Mula mismo sa hanay ng mamamayan, nagpasya ang 11 matatapang na kinatawan nila para sumuong sa laban at ipahayag ang boses ng taumbayan na nagnanais ng makabuluhang representasyon para itaguyod ang boses ng karaniwang mamamayan.

May manggagawa, magbubukid, mangingisda, maralita, tsuper, guro, manunulat, nars, tanggol-kababaihan at bata, tanggol-migrante at katutubo na handang maglingkod sa interes ng taumbayan para sa mas makatarungang lipunan.

Tama na ang pananamantala sa poder para nakawin ang kabang bayan. Tama na ang paggamit sa mga batas para abusuhin ang mga karapatan at kalayaan ng mamamayan. Tama na ang pagpapakitang-tao at pagpoposturang makamasa ng mga hayok kapangyarihan at yaman.

Mapangahas ang pagtanggap nila sa hamon at mahirap ang dadaanang landas tungo sa pagtataguyod ng mga karapatan at kagalingan ng naghihirap na sambayanan. Hindi nila kakayanin ang pagsubok at pagtunggali sa makakapangyarihan kung hindi magkakapit-bisig at magtutulungan ang taumbayan.

Isa itong sama-samang pagtahak sa daan para sa totoong pagpapabago para tiyakin ang tagumpay. Hindi sila maglalakbay nang walang kasama, dahil taumbayan mismo ang kanilang katuwang at kaagapay.

Tinutuya at minamaliit man sila ng iba dahil walang kayamanan at impluwensiya (hindi nagmula sa mga dinastiya at mga trapong sakim sa madaling salita), naniniwala sila at ang mga katuwang at kaagapay nila na sa kanilang pagpupunyagi at pagsisikap ay magiging katotohanan ang kanilang hangarin para sa ikabubuti ng mas marami.

Kung handa na sila, dapat lang na maging handa ang taumbayan para puspusang isulong at ipanalo ang kanilang mga totoong kinatawan.

Ano namang sasapitin ng mga halimaw kapag nagtagumpay ang taumbayan? Makatitiyak tayo na mananagot sila sa mga krimen nila sa bayan.

Ngunit tandaan natin na nasa kamay natin ang magiging kahihinatnan ng paligsahan sa susunod na taon. Nasa kamay natin ang kapasyahan na isulong ang ating mga karapatan.

At hindi ito mangyayari kung tayo’y mag-aabang lang. Kailangan nating kumilos nang walang humpay para sa ating hinahangad na katarungan. Ipanalo natin ang taumbayan!



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Families of the Disappeared: United in pain and struggle

August 30 has been declared by the United Nations as

Early Filipinos: Notions of beauty

Images courtesy of the National Museum of the Philippines Ornaments