Nitong katapusan ng Hulyo, inilunsad ang 2+2 Dialogue, isang pulong ng mga opisyal depensa at ugnayang panlabas ng United States (US) at Pilipinas. Resulta ng diyalogo ang dagdag na $500 milyon para sa modernization ng Armed Forces of the Philippines at inanunsiyo rin ang limang lugar na bubuhusan ng puhunan para gawing base militar ng US, alinsunod sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Magiging pawang mga higanteng kampo at pasilidad ng US ang Antonio Bautista Air Base sa Palawan, Basa Air Base sa Pampanga, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Lumbia Air Base sa Cagayan de Oro at ang Mactan-Benito Ebuen Air Base sa Cebu.
Nasa $128 milyon ang ipupuhunan ng US sa pagsasaayos ng mga baseng ito sa 2025. Ang Pilipinas naman, nag-ambag rin ng $88 milyon para sa EDCA sites. Mabuti pa sana kung sa ayuda at serbisyo ilalaan ang pera, hindi sa paghahamon ng giyera!
“Big deal” daw ito ayon kay US Ambassador Philip Goldberg. Siyang tunay at ‘di lang dahil sa laki ng perang nakataya. Asahan natin ang pagpasok ng mas maraming sundalong Amerikano, eroplano at barkong pandigma, kasama ng iba’t ibang klaseng armas. Sarili nating bansa, tinatransporma bilang lunsaran ng giyera ng dayuhan. Taumbayan ang madadamay!
Ipit na ipit na ang Pilipinas sa bangayan ng dalawang makpangyarihang bansa, ang US at China. Sa katunayan, parehong may atraso ang mga ito sa mamamayan. Ang Beijing, tigas-ulong iginigiit ang teritoryo sa West Philippine Sea, sa kabila ng lahat ng patunay na atin ito. Hinding-hindi sila papayag na mapunta ito sa kamay ng US.
Ang US naman, pinapaypayan ang anumang gulo sa teritoryo, magkaroon lang ng dahilan para sumiklab ang giyera. Dapat nating tandaan na digmaan ang pinakamalaking negosyo ng US.
Kalat din sa kaisipan ng mga Pilipino, kagaya ng mga Marcos, na tignan ang Amerika bilang mga tagapagligtas. Ngunit kung aaralin natin ang kasaysayan, ang katotohanan sa likod ng mga aksiyon nila’y mapapansin na kasangkapan lamang ng US ang buhay ng mga Pilipino para sa interes nilang magkamal ng higit pang kapangyarihan.
Sa katapusan ng 2023, kumita ang US ng $238 bilyon sa pagbebenta ng kagamitang pandigma sa buong daigdig. Pinakamalaki na ito sa kasaysayan at mas mataas ng 16% kumpara sa nakaraang taon.
Ayon sa Harvard Lab, sa buong mundo, hawak ng Amerika ang 23.67% ng buong ekonomiya ng digma. Pero ayon sa iba pang tantiya, nasa 42% ng armas na pang-export ay mula sa US.
Hindi lang basta malaki, kundi pinakamalaking pinagkakakitaan sa ugnayang panlabas ng Amerika, ang pagbebenta at paggamit ng baril, tangke, helicopter, atbp.
Kaya naman, desidido ang Washington na itulak at udyukin pa ang gulo sa West Philippine Sea. May kaguluhan man dahil sa water cannon attack ng Chinese Coast Guard, mas malinaw namang paghahamon ng giyera ang malawakang pag-iimbak ng armas.
Matagal nang tuta ng Amerika ang pamilyang Marcos. Liban sa pagsuporta sa diktadura ni Ferdinand Marcos Sr., kinanlong ng US sa Hawaii ang dating despotikong pangulo nang takasan niya ang People Power.
Sa kasalukuyan, binati naman ni Marcos Jr. ang pagdating ni US State Secretary Antony Blinken at US Defense Secretary Lloyd Austin para sa 2+2. “Nagpapasalamat ako para sa partnership na ito,” wika ni Marocs Jr.
Bagaman may sinasabing “provisional arrangement” ang China at Pilipinas para iwasan ang higit pang gulo matapos ang girian nung nakaraang buwan, tiyak na mababasag ang anumang katahimikan dahil sa muling pag-uudyok ng US sa 2+2.
Kalat din sa kaisipan ng mga Pilipino, kagaya ng mga Marcos, na tignan ang Amerika bilang mga tagapagligtas. Ngunit kung aaralin natin ang kasaysayan, ang katotohanan sa likod ng mga aksiyon nila’y mapapansin na kasangkapan lamang ng US ang buhay ng mga Pilipino para sa interes nilang magkamal ng higit pang kapangyarihan.
Amerika ang promotor ng gulo. Tiyak na hindi ito matatapos kung hindi sila mismo ang palayasin sa bansa.