Amnestiya – ganap na pagpapatawad o paggagawad ng kapatawarang may kondisyon sa mga may sala sa pamahalaan.
Ang pangulo ang maglalagda at magpapalabas ng proklamasyon na nagsasaad ng amnestiya. Ang pangulo rin ang magtatakda ng mga kondisyon ng amnestiya, gaya ng saklaw at epekto. Siya rin ang magtatakda kung paano ito ipoproseso.
Kamakailan, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isang executive order at apat na proklamasyon para magawaran ng amnestiya ang mga rebelde upang mahikayat silang magbalik-loob sa gobyerno.
Inilabas ni Marcos Jr. ang Proclamation 404 na magbibigay ng amnestiya para sa mga dating miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDFP) na gumawa ng krimeng pinarurusahan sa ilalim ng Revised Penal Code at Special Penal Laws kaugnay ng pagsusulong ng paniniwalang politikal.
Sa kabilang banda, hindi tatanggapin ng CPP ang alok na amnestiya ni Marcos Jr. Ayon kay CPP chief information officer Marco Valbuena, hindi nila papatulan ang alok na amnestiya na maituturing aniyang pagtataksil at pag-amin ng kasalanan.
Binigyang diin ni Valbuena na magpapatuloy ang paglaban ng kanilang grupo para makamit ang tunay na mithiin ng maraming Pilipino na magkaroon ng tunay na kalayaan at hustisya at mas nakahihigit sa amnestiya.
Buwelta pa ni Valbuena, pawang kasinungalingan ang ipinagmamalaki ni Marcos Jr. na nagtatagumpay ang kampanya ng gobyerno na resolbahin ang ugat ng rebelyon sa bansa.
Sabi naman ni Armando Cienfuego, tagapagsalita ng NPA Southern Tagalog-Melito Glor Command, na tatanggihan nila ang alok na amnestiya ni Marcos Jr. Sa halip, ipagpapatuloy nila ang pagrerebolusyon upang ibagsak ang imperyalismo, burukrata kapitalismo at piyudalismo patungo sa pagtatag ng sosyalistang lipunan.
Dapat ilantad at kondenahin ang hungkag na amnestiya na inaalok ng rehimeng United States (US)-Marcos Jr. para sa mga ‘di umanong “kasapi ng CPP-NPA-NDFP at mga prente nitong organisasyon.”
Pailalim na pag-aatake ito sa karapatang tao at tahasang panlilinlang sa mamamayan. Ipinatutupad ang nasabing pakana sa pamamagitan ng Proclamation 404 ni Marcos Jr. na pinirmahan noong Nob. 22.
Gagamitin ito ng reaksyunaryong gobyerno sa hindi matapos-tapos nitong kahibangan na wakasan ang paglaban ng bayan, laluna ang armadong pakikibakang pinangungunahan ng CPP-NPA upang kamtin ang kalayaan at demokratikong interes ng mamamayang Pilipino ayon kay Cienfuego.
Sabi pa ni Cienfuego, “Ikinukubli ng GRP (Government of the Republic of the Philippines) sa mapagpanggap na iskemang kapayapaan at pagkakasundo (peace and reconciliation)” ang mapanupil at mapanlinlang na intensyon sa likod ng Proclamation 404.
Ang pakanang ito ay bahagi ng estratehiya ng US at pasistang estado laban sa nakikibakang mamamayan at sa kontra-rebolusyonaryong digma nito.
Layunin nitong patatagin ang kapit sa poder ng naghaharing pangkating Marcos sa basbas ng imperyalismong US. Nag-aambisyon itong mahati at magulo ang hanay ng rebolusyonaryong puwersa sa layuning pahinain ang kapasyahan ng mamamayan na lumaban dagdag pa ni Cienfuego.
Itinakwil din ng NPA-Negros Island Regional Operational Command ang pinakahuling “programang amnestiya” ng reaksyunaryong estado. Tinawag ito ng NPA-Negros na “bogus at isang katangahan” na katulad ng isinusulong na “lokalisadong usapang pangkapayapaan” ng Armed Forces of the Philippines Visayas Command.
Kung nais pamahalaan ng pangmatagalang kapayapaan, hindi pagpapasuko, localized peace talks at nagbabalat-kayong amnestiya ang sagot, kundi ang muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan na makaisang panig at arbitraryong isinara ng nagdaang utak-pulbura at berdugong rehimen ni Rodrigo Duterte.
Sa pamamaraan lang na ito mapag-uusapan at magkaroon ng pagkakaisa sa paglutas sa ugat ng armadong paglaban.