Naglustay ang Gubyerno ng Pilipinas at ang imperyalistang US ng hindi bababa sa $537,500 o ₱26.875 milyon (sa palitan na $1=₱50) sa pagpapasabog ng limang misayl na Javelin noong Abril 13 sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija bilang bahagi ng ehersisyong militar na Balikatan 2023. Ang Javelin Anti-Tank Weapon System o FGM-148 Javelin ay isang Antitank Guided Missile na gawa ng mga kumpanyang Raytheon at Lockheed Martin sa US.
Ang naturang misayl ay mayroong haba na 1.2 metro at may diametrong 127 milimetro. Kayang umabot ng pasasabugin na misayl nito sa layong 2.5 kilometro hanggang 4.5 kilomentro sa bilis na 140 metro kada segundo. Pangunahing dinisensyo ang armas na ito para pinsalaan ang mga heavily armored vehicle tulad ng mga tangke.
Ayon sa website na missilethreat.csis.org, kadalasang sinasabi na ang presyo ng Javelin ay $80,000 kada yunit, ngunit ayon sa kanila sa isinumiteng badyet ng P.B. Army noong 2022, lumalabas na $107,500 ang presyo nito kada yunit. Samantala ang presyo ng Javelin launcher ay tinatayang $176,000 bawat isa.
Isa ito sa mga armas na ipinamudmod ng US sa Ukraine para patuloy na sulsulan ang gera nito laban sa Russia.
Naglalaway ang AFP sa ganitong klase ng armas. Anila, pinaplano umano ng Pilipinas na kumuha ng mga Javelin sa ilalim ng “AFP modernization program Horizon 3” na nakatakda mula 2023 hanggang 2028.